GORGY RULA
Ngayong taong 2023 ay raratsada sa pagpu-produce ang Fire and Ice Media Productions, Inc. ng mag-asawang Ice Seguerra at Liza Diño.

Pagkatapos ng successful anniversary concert ni Ice na Becoming Ice na ginanap sa Solaire Theater nung Oktubre 15, magkakaroon na ito ng repeat sa Waterfront Hotel sa Cebu City sa February 18.

Pero bago iyan, pinaghahandaan nila ang Pre-Valentine Concert ng mga drag queens na sina Brigiding, Vinas Deluxe at Precious Paula Nicole na pinamagatang Divine Divas Live, na gaganapin sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City sa February 10.
Sabi ni Liza, bukod sa mga live events, papasukin na rin nila ang pagpu-produce ng pelikula at series. Meron na raw silang sinimulang series para sa Amazon. Pero under negotiation pa lang ito ngayon.
May binabalak din daw silang pelikulang ipu-produce na pagsasamahan naman nila ni Sylvia Sanchez. Ka-partner nila si Sylvia sa lahat na mga projects nila.

Pinasok na rin kasi ng premyadong aktres ang pagpu-produce under Nathan Studios na malapit na nilang ilunsad. Ang isa pa raw sa gusto sana nilang gawin ay isang pelikulang tumatalakay sa kuwento ng isang transman na kagaya ni Ice.
“I’m producing Ice’s film entitled Transfatherhood. Magdidirek siya.
“Hopefully, makukuha namin si Elliot Page as the lead actor,” pahayag ni Liza sa Christmas party nila para sa entertainment press at bloggers nung nakaraang Biyernes, December 30.
Si Elliot Page ay ang transman na dating si Ellen Page ng pelikulang Juno, at kasali rin siya sa Netflix series na Umbrella Academy.
Inaayos pa raw nila ngayon ang pakikipag-negotiate sa Hollywood actor na sana, tanggapin daw ang movie project na ito.
Maganda raw ang kuwento na parang hango na rin sa kuwento ni Ice.
“Semi-based din siya sa story namin na lesbian siya, realizing na transman 'tapos naka-meet siya ng isang bata na ang tingin sa kanya as a father.
“Na-discover niya yung identity niya as a transman. Drama, and may bata siya,” pakli ni Liza.
JERRY OLEA
Seryoso na rin si Sylvia sa kanyang production company na Nathan Studios. Kinuha nila ang pangalang Nathan sa kalyeng kinatitirikan ng kanilang tahanan sa isang village sa Quezon City.
Masuwerte sa kanila ang bahay na iyun dahil tuluy-tuloy ang biyaya sa kanilang pamilya. Kaya ipinangalan niya ito sa Nathan street.
Sabi ni Sylvia, nakapagsimula nang mag-produce ang Nathan Studios. Isa na rito ang series na Cattleya Killer na pinagbidahan ni Cong. Arjo Atayde.
“Magkakaroon kami ng presscon para i-launch na yung production, kasi nakapag-produce na ang Nathan Studios ng 6 movies.
“Pero hindi pa pinapalabas… pinalabas pa lang yung Mrs. Piggy sa iWant. Pero yung iba, sa abroad pinapalabas. Pag andun, ipalabas na dito. Cattleya, isa yun sa prinodyus namin.
“Meron pa kaming pinu-produce na Topak din…yun ang movie. May series, may movies kaming pinu-produce pero…. kaya gawa lang kami nang gawa. Sa 2023, ilalabas na namin.”
NOEL FERRER
Matagal na raw pangarap ni Sylvia na pasukin ang film production. Kaya niya binuo itong Nathan Studios para na rin sa kanyang mga anak.
“Pangarap ko ito! Parangap ko talaga yung production, mag-produce. So, eto naabot ko.
"But, kasabay ng pangarap na yun, siyempre may anak na ako ngayon. Kaya sinabi ko sa kanila, bubuuin ko, itatayo ko, then kayo ang magtutuloy.
“Kailangan… andito ako as nanay na magga-guide sa kanila. Lalapit sila sa tamang mga tao. Meron din silang guidance galing sa napagkakatiwalaan.
“Kaya ang sabi ko, pag ready na kayo, pag kaya niyo na, yun ang sinabi ko, atras na ako. Sila na yun. Ngayon, nandito lang ako para mag-guide sa kanila,” lahad ni Sylvia.
