JERRY OLEA
Maalindog si beauty queen-actress.
Sandamukal na lalaki ang nahuhumaling sa kanyang kariktan, at tila nakasanayan na niyang maraming lalaki ang attracted sa kanya sa una pa lang na pagkikita.
Minsan sa isang party na dinaluhan ni beauty queen-actress, nakilala niya si guwapitong aktor.
Kasama ni guwapitong aktor ang non-showbiz girlfriend na parang may iba nang nararamdaman nang nakita niyang masayang nakipagtsikahan ang boyfriend kay beauty queen-actress.
Palalim na ang gabi, nagyaya si guwapitong aktor na umalis na. Maaga pa raw ang taping niya kinabukasan kaya pinakiusapan ang non-showbiz girlfriend na mag-Grab na lang o taxi pauwi, kasi may kalayuan ang bahay nito.
Iba ang nararamdaman ni girlfriend. Malakas ang kutob niyang maghaharutan si boyfriend at si beauty queen-actress.
Pagkasakay ni girlfriend sa Grab, hindi niya ito pinaalis agad. Nagtago sila sa isang lugar na tanaw ang venue ng party.
Tama ang hinala ni girlfriend!
Kitang-kita niyang sumakay na si beauty-queen actress sa kotse ni guwapitong aktor.
Sinundan ni non-showbiz girlfriend ang dalawa. Nakarating sila sa isang condo bandang City of Stars. Maaaring doon nakatira si beauty queen/actress.
Pagkaakyat ng dalawa, bumaba na rin si non-showbiz girlfriend sa naturang condo at sumunod. Nalusutan ni girlfriend ang mga security guard dahil sinabi niyang kasama siya nung dalawang kakaakyat lang.
Tinanong pa ni girlfriend kung anong unit number, dahil ang bilis daw nakaakyat ang dalawa. Ibinigay naman ng security guard.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ni girlfriend na kumatok sa unit na tinutuluyan ni beauty queen-actress.
Pagkabukas ng pinto, nakita sa loob ang aktor na boyfriend na wala nang suot na T-shirt.
Hindi ang boyfriend ang binalingan ni girlfriend kundi si beauty queen-actress.
Pinagsasampal ni girlfriend nang bonggang-bongga si beauty queen-actress to the point na parang namaga pa yata ang mukha nito.
Nakipaghiwalay kapagkuwan si girlfriend kay guwapitong aktor.
Pinayuhan si beauty queen-actress ng ilang taong malapit sa kanyang kasuhan si girlfriend ni guwapitong aktor dahil sumugod ito roon at basta na lang siya pinagsasampal.
Pero hinayaan na lang ito ni beauty queen-actress para hindi na lumaki ang isyu.
GORGY RULA
Matagal ko na itong nabalitaan, pero hindi na kumalat. Hayaan na lang natin siguro dahil tahimik na ang buhay ni guwapitong aktor sa piling ng babaeng pinakasalan.
Si beauty queen-actress naman ay wala pa tayong balita kung ano ang susunod na project na gagawin.
Maganda kasi talaga siya, at siguro aware naman si beauty queen-actress na ang dami talagang lalaking nagkakagusto sa kanya.
Iba ang pananaw ni beauty queen-actress, at hindi natin alam kung ano talaga ang lifestyle niya.
Ang sure lang ako, super guwapo ang kasalukuyang boyfriend niya at napakayaman.
Kahit nakatikim siya ng sunud-sunod na sampal, nandiyan pa rin ang ganda niya na never na-achieve ng non-showbiz girl na nanampal sa kanya!
NOEL FERRER
Pero bakit parang ang lungkut-lungkot din ng beauty queen/actress na ito na ipinaris-paris sa napakaraming lalaking may sabit?
Sana naman, sa bago niyang relasyon, wala na siyang nasasagasaan at kanyang-kanya na talaga!
At sana rin, makagawa na siya ng proyektong magtatatak para lubusan na siyang kilalanin bilang aktres at hindi isang katikaterang beauty queen na naghahanap ng good time.
More Hot Stories:
