GORGY RULA
Ayaw nang idetalye ni Cherry Pie Picache ang buong pangyayari kung paano siya nakaranas ng pag-a-attitude ng isang sikat na young star.
Hindi siya nagbigay ng clue, pero sikat pa rin daw ito hanggang ngayon.
“Basta in general, oo, may nae-encounter ako na I think hindi nila nare-realize yung importance of knowing, I mean yung senior sa kanila,” pahayag ni Cherry Pie nang tinanong namin ito sa kanya sa nakaraang mediacon ng pelikulang Oras de Peligro na magsu-showing na sa March 1.
Marami naman daw sa mga young stars na magalang at marunong magbigay halaga sa mga senior stars, pero may ilan pa rin na iba talaga at walang pakisama sa mga co-stars, sa production staff, at lalo na sa mga mas nakakatanda sa kanila.
Hindi raw niya ito pinalagpas at pinagsabihan daw niya itong si young star.
“Hindi ako nangingimi, hindi ako nagdadalawang-isip na turuan at pagsabihan sila. Lalong-lalo na pag kasama namin,” sabi pa ng premyadong aktres.
Tinanong namin kung ano ang reaksyon ni young star nang pinagsabihan niya ito. Nag-sorry ba ito sa kanya?
“Parang gumanun lang naman yata siya,” nagmuwestrang parang umirap lang daw ito sa kanya.
Malayo raw itong batang artistang ito sa kanila na noong kabataan nila ay talagang tinuturuan silang gumalang sa mga co-actors at staff lalo na sa mga senior.
“Like ako, ang training namin, old school, kay Tita Glo [Gloria Romero], pag may kasama kaming senior, never namin pababayaan na mauna sila sa set.
“Laging dapat una kami, bago sila. Ganun yung training namin. Yun ang natutunan ko kina Direk Joel [Lamangan], kina Direk Peque [Gallaga], yung mga ganun, di ba?” dagdag niyang pahayag.
Kaya iniiwasan na lang daw niyang makatrabaho pa uli itong si young star.
“Ako, hindi ako nangingiming… pero pag wala nang pag-asa yun, hindi ko na lang pinapansin. Tutal, wala naman siya masyadong mapupuntahan.
“I mean, kung may potential, tuturuan ko yun, pagtitiyagaan ko yun. Bibigyan ko ng ano, pero kung wala naman at alam mo kung bakit siya nandudun, parang hayaan na lang,” sabi pa ni Cherry Pie.
NOEL FERRER
May ilan naman daw na young stars na nakikinig kapag pinapayuhan. Meron daw na very apologetic kapag napapagsabihan na mali yung ginawa nila.
“Hindi lang naman yun. It’s not a single incident. May mga bata din talaga. So, I tell them directly.
“Yung mga iba naman, very responsive. ‘Naku sorry po, sorry po. We don’t mean it that way, pero now we will be more sensitive and we will be more aware.’ So, marami namang ganun.
Siguro hindi lang nari-realize yung importance.
“Sa mga workshops yata ngayon, ini-incorporate yun, yung giving respect to seniors. So, I mean lahat. Whether it could a director, or an actor, yung pagbibigay-pugay sa mga ganun,” lahad ni Cherry Pie.
Meron din daw isang insidenteng hindi pinalagpas ni Cherry Pie nang narinig niya sa isang young star na hindi kilala ang National Artist na si Direk Lino Brocka.
Para sa kanya, hindi dapat balewalain ang nag-iisang Lino Brocka.
“Di ba, merong isang insidente na ang isang bata hindi kilala si Direk Lino Brocka, nagagalit din ako doon. Na parang, ‘Ha? Who’s Lino Brocka ba?’
“At that time… that was about 10 years ago, nasaktan din ako dun. Kasi katulad ako, lumaki ako, yun ang mga hinahangaan ko. Yun ang nag-inspire sa akin, ang nag-encourage, di ba?
“Natuto ako sa kanila, di ba? So, parang ang sakit-sakit sa loob na ngayon, parang hindi nila nakikita yung… walang respeto, di ba, sa mga senior actors. Na gusto kong sabihin sa kanila,
‘Alam niyo, hindi forever yan, ang talent that God given sa inyo, it should always be coupled with good attitude.’
“Pagbigay-galang, katulad sa inyo as journalist, yung mga bata ngayon na walang galang sa inyo na hindi nila alam kung ano yung kinarve niyo sa industry, di ba, nakakasakit? Kahit saang industriya naman,” himutok pa ni Cherry Pie.
Tunay na marami kang matututunan mula sa isang Cherry Pie Picache. Ako nga bilang kaibigan, laging merong dagdag sa pagkatao ang naka-bonding siya.
Kasi naman, sabi ko sa kanya, hindi ko kaya yung ginawa niyang pagpapatawad sa pumatay sa nanay niya. Kaya naging instant icon siya ng forgiveness.
Iba, laging may life lessons kapag kausap mo si Pie.
Basta, dapat tama spelling mo ng pangalan niya, ha… CHERRY at hindi CHERRIE!!! Umayos ka!!!
JERRY OLEA
Ang National Artist na si Nora Aunor, gusto na niyayakap o nilalambing siya ng katrabahong direktor.
“Natutuwa ako pag niyayakap ako ng direktor pagkatapos ng eksena,” pagtatapat ni Ate Guy sa storycon ng pelikulang Pieta noong Pebrero 4 sa Victorino’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
“Kasi alam ko na yung eksenang pinapagawa sa akin, nakuha ko nang tama. Parang yung nangyari sa Tatlong Taong Walang Diyos (1976), kay Mario O’Hara.
“May ipinagawa siya sa akin na bumaba ako sa hagdanan, hinabol ko si Boyet [Christopher de Leon[, kung natatandaan ninyo, ewan ko. 'Tapos sinabi ko, ‘Sinungaling! Sinungaling!’
“Tinuhog niya yun mula itaas ng bahay hanggang pagbaba ng hagdanan hanggang umalis si Boyet, 'tapos lumuhod ako.
“Hindi niya kinat yun talaga. 'Tapos, ‘cut’ na, iyak pa rin ako nang iyak. Si Boyet na ang nagpahinto sa akin noon, ‘Tama na, tapos na ang shoot.’ Napahiya tuloy ako, ganun.
“So si Mario, ganun. Pagkatapos ng eksena, niyakap ako.
“Si Lino [Brocka] naman, ahhh natatandaan ko, yung eksena na… basta may eksenang pinagawa sa akin, na nagustuhan din niya yung…
“Ahh! Yung ‘Hayup! Hayup!’ na eksena namin ni Lolita [Rodriguez].”
Ang tinutukoy ni Ate Guy ay ang classic scene sa Ina Ka Ng Anak Mo (1979).
Pagpapatuloy ng Superstar, “Hindi ako pinaarte. Kumbaga sa ano, sabi sa akin, ‘Guy, panoorin mo ako, hindi ka na mag-eensayo. Panoorin mo lang ang gagawin ko pero eksakto, iyan ang gagawin mo.’
“So siya muna ang umarte. Pagkatapos nun, nag-take kami. Ang maganda nun, si Lolita, habang umaarte ako, tinutulungan ako.
“Talagang umaarte din siya kahit na wala siya sa kamera. Kaya yung pinagawa sa akin ni Lino, sa awa ng Diyos, nakuha ko naman. Kaya niyakap din ako nun.”
Yung pelikula nina Nora at Cherry Pie na Whistleblower (2016, directed by Adolf Alix Jr.) ay streaming sa Netflix.
Nasa Netflix din ang pelikula ni Nora na Himala (1982), na idinirek ng National Artist ding si Ishmael Bernal. Crowd director doon at gumanap na pari si Joel Lamangan.
Siyanga pala, si Nora ang panauhin sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Pebrero 20, Lunes, sa GMA-7.
