JERRY OLEA
Interesting ang mga “salpukan” sa 1st Summer MMFF na gaganapin sa Abril 8-18, 2023.
Magkalaban ang magtiyahing Padilla. Leading lady, writer at direktor si Bela Padilla sa Yung Libro Sa Napanuod Ko.
Ang pamangkin niya sa pinsan na si Kylie Padilla ay bidang babae naman sa Unravel: A Swiss Side Love Story.
Ang nanay ni Bela sa Yung Libro Sa Napanuod Ko ay si Lorna Tolentino, na kamag-anak din ng mga Padilla.
Katunggali rin ng movie ni Kylie ang dalawang entry ng estranged husband niyang si Aljur Abrenica.
Lead actor si Aljur sa Single Bells, at kasama rin ang hunk actor sa smorgasbord movie na Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera.
Hindi lang Abrenica versus Abrenica, Reyes versus Reyes din. Dalawa rin ang entry ni Gladys Reyes sa filmfest, Apag at Here Comes The Groom.
Take note na nasa cast din ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera ang mag-asawang Gelli de Belen at Ariel Rivera, ang mag-amang Christopher de Leon at Lotlot de Leon, at sina Gardo Versoza at Rosanna Roces na magka-tandem noon sa ST movies ng Seiko Films.
Magkasama naman sa Apag ang mag-amang Lito Lapid at Mark Lapid, at ang mag-half-brother na sina Coco Martin at Ronwaldo Martin.
Kung si Toni Gonzaga ay may entry na My Teacher sa MMFF 2022, ang younger sister niyang si Alex Gonzaga ay bida naman sa Single Bells ng Summer MMFF 2023.
Siguradong pag-uusapan ang kabogerang pagganap ni Enchong Dee sa Here Comes The Groom, ang sequel ng Here Comes The Bride (2010).
Makikipagbardagulan si Enchong kina Keempee de Leon, Awra Briguela, Iyah Mina at Kalad Karen!
For the record, hindi kasama ang Voltes V: Legacy sa 33 finished films na isinumite sa 1st Summer MMFF.
Ayon sa insider na nakausap ng PEP Troika, walang isinumiteng entry ang GMA-7 at ABS-CBN sa first edition ng summer filmfest na ito.
GORGY RULA
Tuwang-tuwa nga si Gladys Reyes nang nalaman niyang nakapasok din ang Apag ni Direk Brillante Mendoza.
Kuwento niya sa PEP Troika nang nakatsikahan namin sa 18th birthday ni Jillian Ward nung Sabado, February 25, naiyak daw siya nang nakakatanggap na siya ng text na dalawa ang pelikula niyang pasok sa Summer MMFF.
“May nagti-text sa akin na dalawa raw ang pelikula na kasali ako. Nung nag-text ka, Kuya Gorgs, na pasok din ang Apag, naiyak na talaga ako,” bulalas ni Gladys.
Nung ginagawa raw nila ang Here Comes The Groom, kinakarir na raw nilang makapasok ito sa Summer MMFF. Hindi raw niya alam na sinabmit din pala ni Direk Brillante ang Apag.
“Gustung-gusto ko pa naman mapalabas yung Apag. Proud ako sa movie na yan, Kuya. ‘Tapos, si Coco Martin pa, may Jaclyn Jose, Sen. Lito Lapid. Naiyak talaga ako,” dagdag niyang pahayag.
Tinanong ko na rin si Gladys kung saan float siya sasakay pagdating ng parada.
“Saan ba ako dapat? Hindi ko pa alam e,” buweltang tanong niya sa akin.
Tuwang-tuwa rin siya sa Here Comes the Groom dahil gustung-gusto niya ang role niya rito. Bumagay pa sila ni Kempee de Leon bilang mag-asawa.
“Oo nga. Yun ang sabi nila. Basta abangan nyo ang mga ginawa namin diyan,” sabi pa sa amin ni Gladys.
Sabi ko nga kay Gladys, humingi na siya ng tulong sa mga supporters niyang mga misis sa INC na tangkilikin itong dalawang pelikulang pang Summer Metro Manila Film Festival na kasali siya, ang Here Comes the Groom at Apag.
NOEL FERRER
This makes the very first Summer MMFF interesting.
Walang formula, walang nakasanayang franchise films and personalities, bago naman at exciting ang mga genre at combination.
Sana nga lang, suportahan ng ating mga manonood at pati mga local leaders — para sa pagpapagaan ng amusement taxes para sa beneficiaries ng MMFF.
Huwag sanang sabihing walang effort para tulungan at pasiglahin pa ang industriya ng pelikulang Pilipino. Heto na mismo ang magandang event na hatid ng MMDA, CEAP (Cinema Exhibitors Association of the Philippines) at iba pang stakeholders ng pelikulang Pilipino.
Pagtulung-tulungan nating maging matagumpay ito!
