JERRY OLEA
Meron nang mga nabili si Sylvia Sanchez para sa kanyang magiging apo.
Apo kina Congressman Arjo Atayde at Maine Mendoza, o kina Ria Atayde at Zanjoe Marudo?!!!
Ang pag-amin ni Ibyang, palayaw ni Sylvia, naganap sa grand opening ng Limbaga 77 restaurant sa Trinoma Mall sa Quezon City, nitong March 1, 2023.
Kabahagi sina Sylvia at Diego Loyzaga sa ribbon-cutting ceremony.
Matapos ang masarap at masaganang panaghalian, nagpaubaya si Sylvia ng maikling interbyu.
"Happy ako dahil happy ang mga anak ko!" masayang bulalas ng beteranang aktres.
Tila kumislap ang mga mata ni Sylvia sa tamis ng ngiti, “Excited ako sa maraming bagay na huwag na nating pag-usapan! Kung ano man yun, excited na ako, huwag niyo na akong tanungin.
"Kasi baka ako ang magbuking! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!"
Nag-seminar na sina Arjo at Maine ilang linggo na ang nakaraan bilang paghahanda sa kanilang pag-iisang-dibdib?
"Ay, zipper ako diyan! Sa kanila yan!" pagmumuwestra ni Sylvia sa kanyang bibig.
Sa near future ba, excited na siyang maging lola?
Mabilis na tugon ni Sylvia, "Ay! Gusto ko na ngang magkaapo! Gusto ko nang magkaapo… 50 na ako, e!
"Kasi, may usapan kami noon ng mga anak ko, 'Huwag niyo akong bigyan ng apo pag hindi pa ako 50. Gusto ko, 50 years old, bigyan niyo na ako ng apo.'"
Paano kung paabutin muna siya ng 60 years old bago bigyan ng apo?
"Magagalit na ako sa mga anak ko! Hindi nga natin alam kung aabot tayo ng 60," saad ni Sylvia.
"Hindi natin alam ang buhay natin, di ba? So, yun ang usapan namin, pag 50, gusto ko nang magkaapo.
"Pero hindi ko sila minamadali. Kasi buhay nila yan. Gusto ko i-enjoy nila yung buhay nila together.
"Pero ang akin is… maghihintay ako. Basta ready na ako. In fact, meron na nga akong mga nabili! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! OK na! Ha! Ha! Ha! Ha!"
NOEL FERRER
Mahilig magluto si Sylvia. Ipapasa ba niya kay Maine ang mga recipe niya?
Napatango si Sylvia, "Definitely, definitely. Kaya yung mga recipes ko, hindi ko talaga sine-share sa mga friends ko.
"Andaming nanghihingi pag nagpo-post ako na nagluluto, 'I'm sorry. Lutuan ko na lang kayo, sabihin niyo sa akin!'
"Ayokong i-share yung mga recipes kasi, ang sa akin, pamana ko yun sa mga anak ko para sa pamilya nila. Kay Maine ko ituturo yun!"
Ang paboritong pagkain ni Sylvia ay lechon at ginamos, at namana raw ni Arjo sa kanya ang pagkahilig doon.
Kuwento ni Sylvia, "Ang Bisaya mahilig ng ginamos, bagoong. Yun saka lechon, yun lang talaga ang paborito ko.
"Kasi yun ang ginagawa namin sa Mindanao. Sa Mindanao kasi noon, ang mura ng baboy, e. Kaya maya-maya, may lechon, e."
GORGY RULA
Isang taon nang hindi umaakting si Sylvia, pero hindi raw niya tatalikdan ang pag-aartista.
"Hindi ko iiwanan yun at never kong iiwanan yun! Medyo ano lang ngayon, marami nang ginagawa," sabi ni Sylvia.
"Di ba, sa district ni Arjo, tumutulong din ako sa mga constituents niya. So, naka-focus ako ngayon dun, saka sa pagpo-produce ng movies, series, at concerts."
Noong January 2023, inilunsad ni Sylvia ang pag-aari niyang production company na Nathan Studio. May co-productions siya sa kumpanya nina Ice Seguerra at Liza Diño na Fire and Ice Media and Productions Company.
Aayusin daw ni Sylvia kung anuman ang ipa-prioritize niya.
Patuloy ng beteranang aktres, "May mga offers para sa acting. Kausap ko kanina ang manager kong si Arnold Vegafria, meron siyang nilatag sa akin.
"So sabi ko, 'Sige, tingnan natin kung ano ang puwede nating gawin diyan.'
"Definitely hindi ko iiwanan ang pag-arte. Siguro magpapahinga, which is one year na akong nagpahinga. At nag-e-enjoy ako sa pagtulong sa district ni Arjo.
"Nag-e-enjoy din ako sa pagpoprodyus. So, panibagong field, panibagong experience for me. So, nakakatuwa."
Nilinaw ni Sylvia na in-invite lang siyang mag-ribbon cutting sa bagong branch ng Limbaga 77 restaurant sa Trinoma, at hindi siya part-owner doon.
"Before meron akong food business pero ang hirap, hindi kaya ng schedule ko para magkaroon ng restaurant," saad ni Sylvia.
Disyembre 2014 nag-umpisa ang Limbaga 77 sa Sct. Limbaga St., Brgy Laging Handa, Quezon City, malapit sa Tomas Morato Avenue.
Iyong signature house-specials nila sa may Morato ay available na rin sa Trinoma branch, kabilang ang stuffed laing, kare-kare, baked lechon paksiw, stuffed bulaklak ng kalabasa, bihon gambas, at adobong tadyang ng baka.
