GORGY RULA:
Inaasahan na ni Direk Joel Lamangan na mas malakas sa takilya ang Martyr or Murderer kesa sa pelikula niyang Oras de Peligro.
Si Direk Joel ang director ng Oras de Peligro.
Ayon sa reliable source ng PEP Troika, umabot sa PHP8M ang kinita ng MOM sa first day of showing nito nung Miyerkules, March 1, 2023. Sa second day ay lumaylay ng "35 percent" ang sales ng pelikula.
Ang katapat nitong Oras de Peligro—na maiden offering ng Bagong Siklab Productions—ay halos kalahating milyon lang ang kinita.
Sabi ni Direk Joel nang nakapanayam namin sa DZRH nung Miyerkules, okay na raw iyun kung ikumpara sa mga nakaraang local films na ipinalabas pagkatapos ng MMFF.
Hindi na raw siya nagulat na mas malakas itong Martyr or Murderer, dahil una sa lahat, 257 cinemas ang MOM at 108 lamang sa Oras de Peligro.
"Isa lang ang nakita ko. Mayroon talagang mas makapangyarihan, hawak ang pera, binibigay ang mga tickets, binibigay sa Chinese Chamber of Commerce.
"May ganun! Hindi naman masama yun. Naghahanap sila ng magandang marketing.
"Siguro ako rin kung may power ako, gagawin ko din yun," pahayag ni Direk Joel.
Pero sana makabawi pa raw ang pelikula nila nitong weekend para makabawi raw ang producer niya, at makagawa pa ng kasunod na film project.
"May nakapanood sa amin, pero siguro mas maraming nanood sa kanila. Expected na natin yun.
"Pero ang dasal ko lang ay kumita man sana yung aking producer para makapag-produce pa uli ng iba.
"Pag kumita ang pelikulang ito ay gagawa pa kami ng isa pa. O dalawa pa pag kumita.
"Pag hindi kumita, e, di wala muna, pahinga muna. Hindi naman ganun kayaman ang aking mga producers, dahil sila ay mga ordinaryong mamamayan lamang."
Patuloy ni Direk Joel: "Wala naman silang hawak na pera ng bayan.
"Nakakahinayang lang dahil iyun naman talaga nangyari nung four days of EDSA bago umalis si Marcos. Iyun talaga ang nangyari doon.
"Kung hindi nila mapanood, kawalan nila. Sayang naman," saad ng premyadong direktor.
At muling nilinaw ni Direk Joel na wala siyang galit kay Direk Darryl Yap.
"Hindi ako nagagalit kay Darryl. Wala nang isyu yun. Hindi ako nagagalit sa kanya.
"Naunawaan ko naman bakit ganun siya. Hindi ako nagagalit sa kanya," sabi pa ni Direk Joel Lamangan.

NOEL FERRER:
Natutuwa lang si Direk Joel dahil bumalik ang una niyang ginagawa, ang pag-aartista.
Marami ang natuwa sa kanya nang napapanood siya sa FPJ’s Batang Quiapo, ang ongoing Kapamilya serye ni Coco Martin.
READ: Direk Joel Lamangan, agaw-eksena bilang mahaderang Rhoda sa FPJ's Batang Quiapo
Dating nagkokontrabida si Direk Joel sa action stars na sina Philip Salvador at Lito Lapid.
"Nag-umpisa naman ako artista. Nag-umpisa ako extra, bit player, nagkontrabida sa mga bida sa pelikula.
"Kontrabida ako ni Phillip. Kontrabida ako ni Lito Lapid. Diyan ako nag-umpisa.
"Kaya nung sinabihan nga ako ni Coco kung puwede ba ako lumabas, sabi ko, 'Sige.'
"Na-miss ko yung mini-meyk apan ako. Na-miss ko yun nung ako ay artista. Nag-e-enjoy ako!
"Saka kokonti ang problema ng isang artista. Napakaraming problema ang isang direktor.
"Ang problema lang ng isang artista ay dumating sa set, mag-make-up, mag-costume, at hintayin ang instruction ng direktor kung ano ang gagawin. Iyun lang!"
Mapa-aktor o direktor, TV man o pelikula, hindi maitatanggi na panahon ngayon ni Coco Martin.
Reward ito sa grabeng hard work niya all these years!!! All the best!!!
JERRY OLEA:
Puring-puri ni Direk Joel si Coco bilang direktor.
"Mahusay siya! Mahusay siyang direktor, alam niyang ginagawa niya. Hindi siya tatanga-tanga. Mahusay siya!
"Napaka-promising siya. Magaling siya. Alam niya ang ginagawa niya, at direktor talaga siya sa set. Natuwa ako sa kanya," sey ni Direk Joel.
Diretsahan siyang tinanong kung sino ang mas magaling bilang direktor para sa kanya: si Direk Darryl Yap o Direk Coco Martin?
Sagot ni Coco, "Mas mahusay si Coco. Mas magaling ang kanyang ginagawa. Mas okay ang kanyang camera movements.
"Mas sensitive siya sa mga nangyayari. Mahusay ang kanyang camera placement."
Take note na umaariba na sa ratings ang FPJ’s Batang Quiapo (FPJBQ).
Iyong pilot episode ng FPJBQ noong Pebrero 13, Lunes ay nakakuha ng 12.5%; kumpara sa Maria Clara at Ibarra (MCAI) na 12.9%.
Pero sa sumunod na apat na araw ay wagi na ang FPJBQ.
Sa finale week ng MCAI, noong Pebrero 22, Miyerkules lang nakasilat ang teleserye ni Coco.
Pero iyong pumalit sa MCAI na Mga Lihim ni Urduja (MLNU), hindi makaporma sa ratings ng FPJBQ.
Ang pilot episode ng MLNU noong Pebrero 27, Lunes ay 11.7%; kumpara sa 12.9% ng FPJBQ.
Noong Pebrero 28, Martes, 12.0% ang MLNU; kumpara sa 12.1% ng FPJBQ.
Maliit ang difference, but just the same, nahuhuli ang prime-time series nina Sanya Lopez, Kylie Padilla, at Gabbi Garcia.
At noong Marso 1, Miyerkules, 11.8% ang MLNU, kumpara sa 13.3% ng FPJBQ.
Lumaki ang agwat!
Samantala, patuloy ang pamamayagpag ng mga panghapong teledrama ng GMA— Abot-Kamay na Pangarap, Unica Hija, at Underage—at malayo ang agwat sa mga katapat na programa.
Rumaratsada rin nang lubos ang Family Feud ni Dingdong Dantes, at wagi rin sa ratings game ang pinag-uusapang Fast Talk with Boy Abunda.
