JERRY OLEA
Critically acclaimed ang John Wick: Chapter 4 na title character si Keanu Reeves.
Ang neo-noir action thriller film na ito ay nagsyuting sa Berlin, Paris, Osaka, at New York.
Ang karakter ni Keanu na si Jardani Jovanovich aka Jonathan “John” Wick ay isang professional hitman at assassin.
Tinutugis na siya ng High Table, kung saan kabilang ang kaibigan ni John Wick na si Caine (Donnie Yen) na isang bulag.
Palabas na sa local cinemas ang John Wick: Chapter 4 umpisa Marso 22, 2023, Miyerkules.
“Pinagtulungan” ito ng Baby Boy, Baby Girl nina Marco Gumabao at Kylie Verzosa, at D’ Aswang Slayerz nina Mel Martinez at Athalia Badere.
Samantala, kasama ngayon sa Top 10 Movies in the Philippines Today ng Netflix ang naunang tatlong John Wick films.
Panlima ang John Wick: Chapter 3 — Parabellum (2019). Pangwalo ang John Wick: Chapter 2 (2017). At pansiyam ang John Wick (2014).
Tinatayang $86M ang worldwide gross ng John Wick, na ang budget ay $20-$30M.
Ang John Wick: Chapter 2 na $40M ang production budget ay naka-$171.5M na global gross.
Ang John Wick: Chapter 3 — Parabellum ay may budget namang $75M, at naka-$327.3M sa takilya worldwide.
Ang John Wick: Chapter 4 ay may production budget na $100M. Sa tingin ninyo, more or less ay magkano ang hahamigin nito?
Maliban kina Keanu Reeves at Donnie Yen, nasa cast ng John Wick: Chapter 4 sina Bill Skarsgard, Laurence Fishburne, Hiroyuki Sanada, Shamier Anderson, Ian McShane, Scott Adkins, Rina Sawayama, at si Lance Reddick na pumanaw nitong Marso 17, 2023 sa edad na 60.
Kabilang sa mga nagpugay kay Lance Reddick ang co-stars niya sa John Wick: Chapter 4 na sina Keanu Reeves at Ian McShane.
Ang papel ni Lance Reddick sa apat na John Wick films ay si Charon, ang concierge sa Continental Hotel sa New York.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today ng Netflix ay The Magician’s Elephant (1); The Legend of Wukong (2); Noise (3); Luther: The Fallen Sun (4); John Wick: Chapter 3 — Parabellum (5); In His Shadow (6); Still Time (7); John Wick: Chapter 2 (8); John Wick (9); at Entrapment (10).
Wala man lang kahit isang pelikulang Pinoy sa talaan! Naligwak na ang DonBelle movie na An Incovenient Love.
Wala ring gawang Pinoy sa Top 10 TV Shows in the Philippines Today, samantalang anim ang K-dramas.
Sa Top 6 ay lima ang mula sa South Korea.
Nangunguna pa rin ang revenge drama ni Song Hye-kyo na The Glory. Nagbida rin si Song Hye-kyo sa mga seryeng Encounter (2018), Descendants of the Sun (2016), That Winter, The Wind Blows (2013), Full House (2004), All In (2003), at Autumn in My Heart (2000).
Ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today ay The Glory (1); Shadow and Bone (2); Unlock My Boss (3); True Beauty (4); Mr. Queen (5); Crash Course in Romance (6); Sky High: The Series (7); You (8), Pinocchio (9); at Sex/Life (10).
NOEL FERRER
Paano ba ito? Talagang nakakalungkot ang sinasapit ng mga Filipino films sa takilya.
Sa linggong ito, salat sa tao ang Baby Boy, Baby Girl at D’ Aswang Slayerz. Kaawa-awa!
Ang John Wick: Chapter 4, nananalasa!
Sa Marso 29, Miyerkules, ay magso-showing naman ang Dungeons & Dragons: Honor Among, kasabay ng Working Boys 2: Choose Your Papa nina Wilbert Ross, Nikko Natividad, Andrew Muhlach, Vitto Marquez, at Mikoy Morales.
Nasaan na kaya ang iba pang pelikulang Pilipinong puwedeng pumukaw ng atensiyon ng mga tao na bumalik sa sinehan?
Sa unang Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) (Abril 8-18) na lang ba muna ulit kung saan walong Pilipinong pelikula ang kalahok?
At nasaan ang mga manonood ng sine talaga? Nasa personal gadgets at devices nila at mas ninanais ba nilang sa streaming sila manood? Paano na ang industriya ng sinehan?
GORGY RULA
Dalawa o tatlong linggo bago ang MMFF (December 25-January 7), mahihina ang mga playdate at abala ang mga tao sa paghahanda sa Kapaskuhan.
Kaya ang bookers noon ay ibinibigay ang mga sinehan sa mga mahihina ring pelikula o kaya sa mga independent producers.
Maaaring ganun din ngayon sa nalalapit na Summer Metro Manila Film Festival, na mag-uumpisa sa Black Saturday. Iyong budget nila, nakalaan sa bakasyon at mga pagkakagastusan sa Holy Week.
May ilan akong napagtanungan kung magkano ang kinita ng Baby Boy, Baby Girl. Kalunus-lunos ang figures na naibigay sa akin. Kaya mabuting huwag natin ibigay kung magkano.
Next week nga ang Working Boys 2: Choose Your Papa. Ewan ko kung hahataw ito, pero nakakatawa naman siya sa trailer.
Mmarami nang pinagkakaabalahan ang mga tao. Pinaghahandaan na ang bakasyon sa Semana Santa, at siguro abangan na lang nila ang Summer MMFF na mas maraming choices ng pelikulang gusto nilang panoorin.
Andiyan ang Apag ni Coco Martin, Single Bells nina Alex Gonzaga at Angeline Quinto, Unravel: A Swiss Side Love Story nina Gerald Anderson at Kylie Padilla, About Us But Not About Us nina Elijah Canlas at Romnick Sarmenta, Here Comes The Groom ni Enchong Dee, Yung Libro Sa Napanood Ko nina Bela Padilla at Yoo Min-gon, Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera ni RK Bagatsing, at Love You Long Time nina Carlo Aquino at Eisel Serrano.
Abangan ang mga pasiklab sa Parade of Stars sa Abril 2, Palm Sunday, na mag-uumpisa sa Villa Beatriz (tapat ng Diliman Doctors Hospital) sa Commonwealth Avenue, Quezon City patungong Quezon Memorial Circle!
