GORGY RULA
Kinumpirma nina Maja Salvador at Rambo Nuñez na ikakasal sila sa darating na Hulyo ng taong kasalukuyan.
Read: Maine Mendoza-Arjo Atayde, Maja Salvador-Rambo Nuñez weddings, gaganapin sa July 2023?
Nakapanayam namin ang engaged couple sa second anniversary ng talent agency nilang Crown Artist Management (CAM) nitong Marso 23, 2023, Huwebes ng gabi, sa Cochi Bistro sa BGC, Taguig City.
Dito na rin inilunsad si Marvin Agustin bilang bagong artist ng CAM.
Inamin naman agad ni Rambo na sa July na nga sila magpapakasal pero hindi na niya sinabi ang eksaktong date.
Sabi ni Rambo, pareho sila ni Maja na mahilig mag-travel kaya destination wedding daw ito.
“Yung gusto lang namin yung… parehas kaming mahilig mag-travel, e. So, we wanna go to destinations na, kumbaga, malapit din sa amin,” pakli ni Rambo.
Marami pa raw options, kaya hindi pa napa-finalize kung sa Pilipinas gagawin o sa ibang bansa. Pero gusto raw nila na sa beach gagawin.
Nilinaw namin kay Rambo kung nagkaroon sila ng civil wedding noong February 14, 2023 kasabay ng selebrasyon ng fourth anniversary ng kanilang relasyon.
“Anniversary namin yun. Anniversary,” napangiting sagot ni Rambo.
Civil daw. Civil wedding?
“Civil anniversary… Basta sinilebreyt namin yung anniversary namin. Four years na kami nung Feb 14.
“Pero lahat naman yun, ang pinaka-wedding talaga namin, yung sa July,” sabi ni Rambo.
Ganun din ang sagot ni Maja nang kinulit namin tungkol sa nasagap nating balita noon na nauna na ang civil wedding noong Valentine’s Day.
“Anniversary kasi namin yun. Kaya lalabas at lalabas ang kung anu-ano… sa July!” pa-safe na sagot ni Maja.
NOEL FERRER
Tinanong din si Rambo kung alam ba nilang sa July rin ang kasal nina Arjo Atayde at Maine Mendoza.
Sabi-sabi, tatlong araw lang daw ang pagitan ng kasal ng dalawang EB Dabarkads.
“Alam niyo na pala, e!” natatawang sagot ni Rambo.
JERRY OLEA
Nagbawas si Maja ng trabaho dahil kailangan niyang paghandaan ang July wedding nila ni Rambo. Wala muna siyang gagawing teleserye at pelikula, pero meron silang ia-announce sa susunod na buwan.
Ani Maja, “First week of April po siguro, baka i-announce na yung… may bago akong gagawin, pero hindi siya teleserye at hindi siya pelikula, pero napakabongga ng kasama ko.
“Sitcom. Magaan lang para siyempre pagdating sa July na kasal, maganda pa rin po ako.”
Sa TV5 pa rin ba ang sitcom na ito?
“Abangan niyo kung saan ako,” sambit ni Maja.
Kinumpirma ni Maja na isa sa mga ninang sa kasal nila ni Rambo ang Beautederm CEO na si Ms. Rhea Anicoche Tan.
E, si Mr. T o Tony Tuviera ng Eat Bulaga!, ninong ba?
“Abangan niyo sa July! May naka-live. Naka-FB live yung kasal,” sabi niya.
After their July wedding, marami bang pagbabago sa career niya, o work load sa showbiz?
“Ay, wala. Alam ni Rambo na ie-enjoy ko muna ang lahat.”
Unless makabuo agad sila ng baby…
“God willing kung ibigay po, di ba?”
Gusto ng mama niya na magkaapo na sa kanya?
“Opo! Parang three years ago na niya ako hinihingan!”
Ano ba ang maasahan sa kasal nila?
“Mag-a-‘I do’ kami sa isa’t isa. Yun po ang aasahan.”
Excited ang fans at supporters ni Maja sa nalalapit niyang wedding.
“Alam ko naman po. Tulad ng sinabi ko, like hindi naman kami nagdamot ni Rambo nung naging kami,” saad ni Maja.
“Pero itong preparation para sa aming wedding for July, siyempre mahirap namang magbibigay na ako ng details.
“So, medyo maganda yung ganyan… yung wala kayong alam sa kung ano ang tamang sagot. Yung mag-crave nang mag-crave kayo sa amin…
“Kung meron man akong pinakamaise-share, beach wedding. Kasi siyempre, isa akong ‘bitch.’ I love going to the beach.”
Kasama ni Maja nung Huwebes ang kanyang ina na galing Canada. Nandito na raw muna ang kanyang ina hanggang sa July para sa kasal nila ni Rambo.
