GORGY RULA
Ngayong araw, Sabado, April 8, 2023, magsisimula na ang 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Walong pelikula ang mapapanood sa muling pagbubukas ng mga sinehan pagkatapos ng paggunita sa Huwebes at Biyernes Santo.
First time pa lang sumali ng Mavx Productions sa ganitong film festival at excited silang lahat, lalo na’t first din nating magkaroon ng Summer MMFF.
Ang pelikulang Unravel: A Swiss Side Love Story na pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Kylie Padilla ang entry nila sa ngayong MMFF at masaya sila sa positive reviews ng pelikula.
Nagustuhan ng mga nakapanood ang ipinakitang ganda ng Switzerland, at iyon ang isa sa gusto nilang ma-achieve—ma-experience ng mga manonood ang ganda ng ibang bansa na hindi pa nila narating.
Sabi ng executive producer na si Erwin o si Lucky Blanco, gusto lang nilang mapalapit sa mga manonood ang ibang magagandang bansa kagaya nitong Switzerland.
Ang isang purpose pa nila ay mapasaya rin ang mga OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa, lalo na pag makikita nila ang mga sikat na artista kagaya nina Gerald at Kylie.
Ani Lucky Blanco, “Pag nagsu-shoot po sa abroad, siyempre, it adds more beautiful sceneries and different experience.
“As we all know ang mga OFW ang mga bagong bayani natin. Ang saya-saya nila dun kapag nagsu-shoot kami sa ibang bansa.
“Nadadala natin doon yung mga artista natin. And we somehow bring little joy kapag nakikita nila yung mga artista nating dinadala namin doon.
"And we tell their stories also. Para makita naman natin at makumusta ang mga Pilipino sa iba’t ibang parte ng mundo.”
Ang ilan sa mga pelikulang nagawa ng Mavx Productions ay ang Through Night and Day na kinunan sa Iceland, ang A Faraway Land na kinunan naman sa Faroe Islands sa Denmark, ang Doll House sa Netherlands, at Will You Marry Me na kinunan sa Denmark.
Hindi ganun kadali at mahirap mag-shoot sa ibang bansa, pero kailangan daw nilang gawin para may bagong napapanood sa kanilang mga pelikula.
“Actually, may aspect po na mas madali. May aspect din po na mas mahirap.
“Pero during pandemic po, nakapag-shoot kami sa Faroe Island and nakakatuwa na sa Europe na they consider the filmmaker as essential worker.
“So, malaking factor po na pinayagan nila kami na makapasok sa bansa nila at makapag-shoot kami, ‘no.
“So, in a way may iba’t ibang support po na binibigay ang iba’t-ibang country na pinagsu-shooting-an namin. In that sense, medyo mas madali po mag-shoot sa kanila.
“And of course, ang mahirap po dun, ang isang tao may dalawa o tatlong trabaho. Iyon naman po yung mahirap na part. So, may mahirap, may mas madali.
“But more than anything, it’s really our goal na dalhin ang ating audience sa iba’t ibang parte ng mundo, and that’s one of the efforts that we wanted to give to our audience here in the Philippines,” saad pa ni Lucky Blanco ng Mavx Productions.
JERRY OLEA
Pagdating sa budget ay mahal daw talaga at malaki ang budget na inilalaan ng Mavx sa pag-shoot sa ibang bansa.
Kailangan nilang mamuhunan nang malaki na ambag nila sa pagbabalik-sigla ng mga pelikulang lokal sa mga sinehan.
“Mahal po talaga yung budget. Pero part po kasi ito ng effort ng Mavx Productions para pabalikin yung mga audience natin sa mga cinema.
“Kasi, siyempre marami na tayong kalaban sa streaming, and kung hindi natin talagang bubuhusan ng budget at dadalhin sa ibang lugar, sa ibang experience yung mga audience natin, siyempre sayang naman yung binayad nila.
“Isa po yan sa efforts natin, and siyempre, sino pa ba ang hindi susugal sa industriya natin kundi tayo lang, di ba?
“Part po ito ng effort to bring the audience back to cinema and back to different world. So, yung magic of film, magic of cinema para po medyo maibalik natin yan,” pahayag ni Lucky.
Ang ilan pang nakatakdang gawin ng Mavx ay isang horror-drama film na kukunan nila sa Japan na pagbibidahan ni Paolo Contis at ng baguhang aktres na si Aya Fernandez.
Parang reunion na rin ng Tabing Ilog na pagsamahin sina Patrick Garcia, Kaye Abad, at Paolo na kukunan naman sa Patagonia, Chile, na ididirek ni RC delos Reyes at sinulat ni Onay Sales ng Doll House ang script nito.
May magandang material din daw sila para kay Alden Richards at isang Kapamilya actress na kukunan sa Machu Picchu sa Peru.
NOEL FERRER
Sabi naman Direk RC delos Reyes, hindi lang ang ganda ng Switzerland ang mapapanood sa Unravel, kundi napapanahon ang kuwento nito lalo na’t ang dami rin nating dumaan sa anxiety, sa depression dulot ng pandemya.
Ani Direk RC, “I think ito yung napapanahon yung kuwento. At napapanahon na ring pag-usapan ang mga ganitong bagay dahil alam kong maraming dumadaan sa ganito.
“Nagkakaroon ng depression ng anxiety, dahil sa mga nangyayari sa paligid natin, lalo nanggaling tayo sa pandemic, sa lockdown. And it was the hardest lockdown in the world, sabi nga, di ba?
“Lahat tayo nakakulong, ang dami. Nawalan tayo ng mahal sa buhay. Nawalan tayo ng trabaho, kinuwestiyon natin… marami tayong question na umano sa utak natin.
"So, pakiramdam ko napapanahon siya na pag-usapan at magandang avenue ang Metro Manila Film Festival, para mas marami pang makanood.”
Kudos to the whole team kasama na ang producer nito na si Lucky Blanco pati na ang scriptwriter na kaibigan natin na si Senedy Que (na wagi bilang best performance in a presscon).
I so want all the films in the 1st Summer MMFF to succeed para meron pang kasunod!
Tara, kita-kits sa mga sinehan!!!
