GORGY RULA
May ilang kilalang personalidad ang naging bahagi sa kuwento ng pelikulang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera na entry ng Saranggola Media sa 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Andiyan ang characters nina Sharon Cuneta, Rico J. Puno, Ike Lozada, at Orly Ilacad.
Nakapanayam namin sa DZRH ang direktor ng pelikulang ito na si Joven Tan at nilinaw niyang wala namang ikasisira ang mga kilalang personalidad na isinama sa pelikulang ito.
Hindi na raw sila nagpaalam kina Sharon dahil bahagi raw talaga sila sa kuwentong inilahad ni Rey Valera.
“Yung mga sinama kasi namin, iyon naman talaga yung major part dun sa buhay niya e.
“Kumbaga, katulad nung kay Ms, Sharon, laking ano yung 'Mr. DJ.' Parang hindi rin siya mabuong Rey Valera kung wala yung 'Mr. DJ.'
“So, wala din naman kaming ginawang… kumbaga, in-honor din namin yung mga nagkaroon ng contribution sa career ni Sir Rey,” pahayag ni Direk Joven.
Ibinase rin daw niya iyon sa librong ginagawa ngayon ni Rey Valera.
“Kasi galing yun kay Sir Rey, e. Hindi kasi kumpleto… saka ginalang naman. Wala naman kaming ginawang kumbaga… respeto din naman yun at in-honor din naman namin.
“Saka ang ganda-ganda ng sinasabi ni Sir Rey na si Sharon yung naging dahilan kung bakit nagkaroon ng mukha ang mga songwriter.
“Lagi niyang pinasasalamatan, ni Ms. Sharon… si Sir Rey every time na nai-interview siya kung sino yung gumawa ng song niya.
“Sa kanya naman nanggaling…. yung kumbaga respeto, yung pagsaludo sa contribution ni Ms. Sharon kay Sir Rey.
“In fairness naman, talaga namang iningatan namin yung ano… wala naman kaming…napanood nyo naman, wala naman tayong ipinakitang masama na maaring ikasira niya,” sabi pa ni Direk Joven.
JERRY OLEA
Nagpasalamat si Direk Joven Tan dahil nakasama ang pelikulang ito sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival.
Maganda lang daw ang ipinakita nila sa pelikula at mga memorable songs ni Rey Valera na itinuturing nang icon sa ating music industry.
Ayaw na lang daw niyang mag-isip pa ng negatibong isyu sa pelikulang ito. Ang mahalaga ay may naiambag daw sila sa pagbabalik-sigla ng ating movie industry.
“Masaya ako at thankful lang ako na buhay pa rin ang industriya kahit sinasabi ng iba na parang mahina na. Pero patuloy naman tayong lumalaban lahat.
“Masaya lang ako at saka blessed. Ayoko na mag-isip ng nega. Sana, suportahan lahat na mga pelikulang kasali.
“Sana lahat masaya, para lahat maraming trabaho,” saad ni Direk Joven.
Ngayong Abril 8, Sabado de Gloria ang umpisa ng 11-day summer filmfest.
Ang gabi ng parangal ay sa Abril 11, Martes ng 8:00 pm sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon.
May live telecast ito sa OnePH, at ire-replay nang 10:45 pm sa TV5.
NOEL FERRER
Si RK Bagatsing ang gumanap na Rey Valera, at lalo raw tumaas ang paggalang niya kay Rey, pagkatapos niyang gawin ang pelikulang ito.
“Mas lumalim pa yung respeto ko after making the movie. At mas naging fan pa ako. Kasi ngayon, naging part na ng playlist ko yung mga kanta niya, e. Hindi lang dahil sa pinag-aaralan ko kundi nai-enjoy ko talaga siya,” pahayag ni RK.
Bukod sa "Kahit Maputi Na ang Buhok Ko," naging paborito na rin daw niya ngayon ang awiting "Malayo Pa ang Umaga" at "Tayong Dalawa."
“Pag naramdaman mo, kukurot yung dibdib mo, e. May maano ka talaga, e. Basta makaka-relate ka dun sa bawat lyric na naririnig mo sa radyo,” pakli ng Kapamilya actor.
Sana, panoorin daw ang pelikulang ito, at i-enjoy lang daw ang pagkanta sa mga awiting likha ni Rey Valera.
“Iyon lang ang pelikulang puwede kang kumanta sa loob ng sinehan, na hindi ka magwu-worry na may magagalit sa 'yo dahil maingay ka, okey lang,” sabi pa ni RK Bagatsing.
At dahil sa isang mabuti at maayos na tao ang direktor na si Direk Joven Tan, gusto ko rin makita ng mga tao kung gaano kasimple at ka-sincere ang pelikulang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.
Plus bilib ako sa prinsipyo ng producer nito na si Ma’am Edith Fider. Sana, gumawa pa siya ng maraming magagandang pelikula!!!
