GORGY RULA
Hindi pa nagsara ang mga sinehan nung Sabado, April 8, may kumalat na agad sa Facebook na "Unoffficial Box Office Standing" ng walong pelikulang kalahok na nagbukas sa unang araw ng Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Gamit pa ang logo ng Metro Manila Film Festival, inilabas nilang nangunguna sa takilya ang pelikulang Here Comes The Groom, sumusunod ang About Us But Not About Us, pangatlo ang Yung Libro sa Napanood Ko, at pang-apat ang Love You Long Time.

Sa aming pagtatanung-tanong sa ilang sources, at na-check ang Facebook account ng MMFF, lumalabas na fake news itong kumalat na announcement.
Hindi gawain ng taga-MMFF ang maglabas ng box-office results sa unang araw pa lang ng filmfest. Nag-ikut-ikot kami sa ilang malls nung Sabado, matamlay ang mga sinehan.

May konting pila lang sa SM MOA, at ang iba pang bumibili ng ticket ay ang John Wick 4 at Dungeons and Dragons na palabas sa IMAX ang gustong panoorin.
Magkakaiba pa ang boxoffice results sa iba’t ibang sinehan, kaya mahirap pa talagang mag-confirm kung alin talaga ang pinakamalakas.
Pero so far, hindi nawawala sa mga napagtanungan namin ang mga pelikulang Here Comes the Groom at Yung Sa Libro Na Napanood Ko.
Pero hindi pa ito basehan dahil hindi pa maglalabas ng box-office results at figures ang mga taga-MMFF.
Sana, maganda ang resulta sa takilya ngayong Linggo, dahil nagsisimula nang magbalikan sa Maynila ang mga nasa bakasyon.
Pero base sa mga naobserbahan ko nung Sabado, mukhang ang mga pelikulang pampamilya pa rin ang posibleng papatok sa Summer Metro Manila Film Festival.
May ilan pa akong naririnig na nagtatanong kung alin sa walong entries ang horror.
Magpapamilya pa rin ang lumalabas sa holiday. Mga bata ang karamihang nasa labas kasama ang kanilang nanay at tatay.
Kaya punung-puno ang mga arcade game room, pati ang ice skating rink sa SM MOA ay ang haba ng pila ng gustong mag-skating.
Kaya siguro dapat na meron pa ring pampamilya na entry sa Summer Metro Manila Film Festival.
Ano sa tingin nyo, mga ka-Troiks?
JERRY OLEA
Here comes the true news! Here comes the top grosser!
Inaasahan na nating magta-top grosser ang Here Comes The Groom.
At ayon pa sa reliable source ng PEP Troika, sa first-day gross ay pumangalawa ang Yung Libro Sa Napanood Ko. Unofficial ang mga ito.
NOEL FERRER
Hindi ba ang sabi, "If you build it, it’ll come!"?
Ganyan ang kauna-unahang Summer MMFF.
Matapos ang pandemic at naging palasak ang streaming, kailangang magsimula muli, at tulad ng mensahe ng Easter, mabuhay na mag-uli!
Ganyan din ang ating industriya ngayon. Ang huling malaking kinita ng local film sa takilya ay noong Holiday MMFF pa.
Ngayon, kinailangan ang mga hakbang tulad ng Summer MMFF para patuloy na pasiglahin at ibangon ang industriya ng pelikulang Pilipino.
Sabi ko nga, sabihin mo—quote mo na lang ako—SLOW BURN MAN ANG 1st SUMMER FESTIVAL NA ITO, tagumpay na ring masasabi ang maipalabas lang ang walong magagandang pelikulang Pilipino sa panahong ito.
Patuloy pang pinag-uusapan ang mga mahuhusay na entries at habang pabalik na ang mga tao mula sa kanilang bakasyon, buhay na buhay ang pag-asang susuportahan ng mga Pilipino ang magagandang pelikula natin sa sinehan.
Umaasa ako! Dahil sa kalauan, para sa ikabubuti at ikauunlad natin ito.
