JERRY OLEA
Umaariba pa rin sa streaming platforms ang lima sa walong official entries ng 48th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Nananatili pa rin ang Partners in Crime at Labyu With An Accent sa Top 10 Movies in the Philippines Today ng Netflix.
Kasama pa rin ang Deleter at Family Matters sa Prime Top 10 in the Philippines.
Noong Abril 6, Huwebes Santo nag-umpisa ang streaming ng Family Matters na tinatampukan nina Noel Trinidad, Liza Lorena, Nonie Buencamino, Agot Isidro, Mylene Dizon, JC Santos, Nikki Valdez, James Blanco, at Ian Pangilinan.
Matapos mag-streaming sa iWantTFC, nasa Prime Video na starting today, April 13, 2023, ang Nanahimik Ang Gabi starring Ian Veneracion, Heaven Peralejo, and Mon Confiado.
Nangunguna sa Top 10 Movies in the Philippines Today ng Netflix ngayong Abril 13, Huwebes, ang Thai film na Hunger.
Pangalawa ang pampamilyang Chupa na gawang-Tate, at pangatlo ang South Korean action drama na Kill Boksoon.
Pang-apat ang Noah na may religious undertone, at panlima ang South Korean action comedy ni Hyun Bin na Confidential Assignment 2: International.
Pang-anim ang Irish film na Nocebo kung saan tampok si Chai Fonacier. Pampito ang Partners in Crime nina Vice Ganda at Ivana Alawi (na nominadong best actress sa MMFF 2022 Gabi ng Parangal).
Pangwalo ang horror film na The Forest. Pansiyam ang Labyu with An Accent nina Coco Martin at Jodi Sta. Maria. At pansampu ang Singaporean movie na Circle Line.

Ang nangunguna sa Prime Top 10 in the Philippines ay ang South Korean historical drama series na Our Blooming Youth.
Pangalawa ang South Korean series ding Jinny’s Kitchen. Pangatlo ang pelikulang Family Matters, at pang-apat ang Walang Kaparis na reunion movie nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.
Panlima ang seryeng The Good Doctor, at pang-anim ang MMFF 2022 topgrosser na Deleter.
Pampito ang pelikulang Orphan: First Kill. Pangwalo ang Expensive Candy nina Julia Barretto at Carlo Aquino.
Pansiyam ang South Korean action-fantasy series na Island, at pansampu ang Japanese anime series na Demon Slayer: Kimetsu no Yaiba.

Dalawang linggo ang duration ng MMFF — mula Disyembre 25 hanggang Enero 7.
Hindi pa man nagtatapos ang Marso… hindi pa man lumilipas ang tatlong buwan… streaming online na ang Deleter, Partners in Crime, Labyu With An Accent, at Nanahimik Ang Gabi.
Gaano kaya katagal after April 18 (last day ng 1st Summer MMFF) bago mag-streaming if ever ang Here Comes The Groom, About Us But Not About Us, Love You Long Time, Unravel: A Swiss Side Love Story, Apag, Single Bells, Yung Libro Sa Napanood Ko, at Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera?
NOEL FERRER
Naku, kung dati ay at least anim na buwan after mag-showing sa sinehan saka lang magiging available for streaming, mukhang mas maikling panahon na lang ang paghihintay ng mga online audiences sa mga pelikula.
Pero siyempre, ideally, iba pa rin ang theater experience. Kaya sana, habulin pa rin ng ating mga kababayan ang mga magagandang pelikula ng 1st Summer MMFF sa mga sinehan mismo.
Sayang kasi ang pinagpaguran ng ating filmmakers kung hindi nila mababawi ang kanilang puhunan. Inaasam nating makagawa sila ulit ng mas magaganda pang mga pelikula.
GORGY RULA
Sa pagkakaalam ng PEP Troika, ang pelikulang Unravel: A Swiss Side Love Story ng Mavx Productions ay kinuha ng Netflix. Pero wala pang schedule kung kailan ang streaming nito.
Bago pa man nagsimula ang Summer MMFF ay nagkaayos na ang Mavx at Netflix. Malamang may ganun na ring pag-uusap sa ilang movie producers dahil hindi naman talaga maasahan ang sa sinehan.
Naka-text ko nga si Ms. Roselle Monteverde, nilinaw niya sa aming active pa rin ang Regal Entertainment sa paggawa ng pelikula, hindi lang sa TV shows nila na napapanood sa GMA07.
Ayon kay Ms. Roselle, “We are dealing with OTT [over-the-top]. So our first release will be Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan streaming exclusively with Prime Video on May 18.”
Meron na rin daw silang pag-uusap sa Netflix para sa exclusive streaming ng kanilang pelikula.
Sabi pa ni Roselle, tuluy-tuloy naman sila sa pagpu-produce.
“We have upcoming 5 productions sa pipeline and 3 other movies on post,” dagdag na text ni Ms. Roselle ng Regal.
Nakikita raw kung ano ang estado ng mga sinehan sa ngayon, kaya dapat multiplatforms na ang labanan.
Mabuti nga at marami pa ring film producers na patuloy pa rin sa paggawa ng pelikula para may trabaho ang mga tao, at hindi na lang sa TV umaasa.
