GORGY RULA
Aminado si Direk Joel Lamangan na malaki ang ipinagbago ng kanyang katawan pagkatapos nitong dumaan sa triple bypass surgery.
Hindi na raw siya yung dating malakas at kaya pang makipaghabulan. Hindi na raw niya ito kaya ngayon.
“Oo. Kasi, hindi na ako kasinlakas nung dati.
“Meron na akong nararamdamang kakaiba. Bakit ganito? Hindi na ako ganun kalakas,” pakli ni Direk Joel sa nakaraang story conference ng pelikula niyang Lola Magdalena.
Ang triple bypass surgery, ayon sa clevelandclinic.org, "reroutes blood around three blocked areas in your coronary (heart) arteries." Inililipat ng surgeon ang blood vesels mula sa ibang parte ng katawan ng pasyente patungo sa puso para dumaloy ang dugo sa open blood vessesls sa halip na padaanin ito sa mga baradong vessels.
Sinimulan na nila ang shooting ng Lola Magdalenaa nung Martes, Mayo 2, 2023.Marami na raw restrictions dahil sa kanyang kalagayan. Dapat ay 10:30 ng gabi, pack up na siya.
Hindi na niya kaya ang pangmatagalang shooting o taping.
“Naoperahan kasi kaya hindi na ako puwedeng tumakbo. Hindi na ako makatakbo.
“May mga bagay na hindi mo na magawa, dahil biniyak na ang dibdib mo,” pahayag ni Direk Joel.
Mas maingat na ba siya ngayon dahil balik-trabaho na siya?
“Minsan nakakalimutan ko!” bulalas niya.
Minsan ay pakiramdam niya normal pa rin, lalo na kung stressful sa set. Hindi naman daw siya pinagbabawalang magalit.
“Kailangan naman magalit ka para… lalo kang aatakehin pag hindi mo mailabas. Pero after nun, wala na. Nakalimutan ko na.
“'Ay… nasigawan pala kita, sorry. Nakalimutan ko, ay sorry, nasigawan pala kita.'
“Siguro ngayon humaba na ang pasensya ko. Hindi dahil sa ano, kasi nagkaedad na ako,” dagdag na pahayag ni Direk Joel.
JERRY OLEA
Nakakainggit daw ang mga beteranong artista niya sa Lola Magdalena, kagaya nina Joonee Gamboa na 87 years old, at si Perla Bautista na 82 na, pero nakakapagtrabaho pa nang maayos.
“Sana marating ko yun. Diyos ko, 'Day! 69 na ako sa birthday ko!” bulalas niya.
Hindi naman daw niya naisip mag-retire dahil kaya pa raw niyang magtrabaho.
“Dito sa propesyong ito, parang hindi kasali yung retirement, kasi wala ka namang tatanggapin.
“Wala kang tatanggapin, wala kang pensyon, wala kang ganun. Wala. Kung kaya pa ring magtrabaho kahit ganun ang edad mo, puwede pa naman e.”
NOEL FERRER
Ang Lola Magdalena ang first movie sa direksiyon ni Joel Lamangan pagkatapos niyang maoperahan nung nakaraang Disyembre.
Hindi siya agad nakapagdirek. Pero nag-artista muna siya sa FPJ’s Batang Quiapo kung saan madalas daw na nagti-trending ang mga eksena nila ni Ms. Charo Santos.
“Na-realize namin kapag nag-aaway kami, nagti-trending. Kaya nag-aaway talaga kami sa eksena.
“Tinataasan niya ang eksena niya, tinataasan ko rin! Kung gaano siya kataas, tinataasan ko lalo, di ba?
"Nadadala namin yun, 'Day. Pero pagkatapos niyan, magaganyanan kami [high five], bongga, ‘ne!”
