GORGY RULA
Sisimulan na ng Mavx Productions sa May 7, 2023, Linggo, ang shooting ng pelikulang pagsasamahan nina Paolo Contis, Kaye Abad, at Patrick Garcia.
Read: Tabing Ilog stars Patrick Garcia, Kaye Abad, Paolo Contis reunion project, tuloy na
Wala pa silang na-finalize na title, pero ito yung dapat kukunan sa Patagonia, Chile.
Hindi na roon gagawin. Inaayos pa kung puwede na silang mag-shoot sa Tasmania, Australia.
Maganda rin doon sa Tasmania, na baka makunan pa nila ang Southern lights sa naturang lugar. Pero may mga eksena muna silang kukunan dito sa Maynila at saka na nila i-schedule ang shooting sa ibang bansa.
Si Paolo ang pinaka-excited sa pelikulang ito, dahil muli niyang makakasama ang mga kaibigan niya sa Tabing Ilog.
Sabi ni Paolo, sa lahat na mga kasama niya sa naturang youth-oriented show ng ABS-CBN, si Kaye ang pinaka-close sa kanya.
“Si Kaye, first time ko siya nakita after so many years. Sobrang exciting, kasi nung kabataan, lagi kong sinasabi, si Kaye yung considered na best friend na babae,” pakli ni Paolo nang nakatsikahan namin sa kanilang look test nung nakaraang linggo.
“Sabi ko nga nung debut ni Kaye, hindi lang ako 18 roses, 18 candles din ako. Sinama niya ako sa 18 candles. Lahat naka-gown, ako yung ika-disiotsong candle.
“Sobrang nakaka-miss nakita ko si Kaye kanina. Na-meet ko si Paul Jake [Castillo], yung husband niya, dumalaw kanina and her family. Sobrang iba.
“I’m sure, marami pang kuwentuhang magaganap, maraming catch up na magaganap sa aming tatlo. We’re very excited for that,” dagdag niyang pahayag.
Tinanggap daw ni Kaye ang project na ito dahil gusto niyang makatrabaho uli sina Paolo at Patrick.
Sabi ng nagbabalik na akres, “Napa-yes ako because of the story of course.
"Pangalawa, because of my co-actors na kasama ko. Alam kong hindi ako mahihirapan when it comes sa friendship na mga scenes, kasi magkakaibigan talaga kaming tatlo.
"So, mas madali na para sa akin.
“Sa lahat na Tabing Ilog, mas more na may contact ako with Patrick. Kasi, I’m friends with his wife, and kumpare kami.
“Si Paolo kasi lately lang. Nagparamdam to nung in-interview mo ako sa online show mo,” sabi ni Kaye kay Paolo.
Sana raw dahil sa pelikulang ito, magkainteres na rin ang iba pa nilang kasamahan sa Tabing Ilog na magsama sila sa isa pang magandang movie project.
Saad ni Paolo, “It might ignite ika nga yung kagustuhan ng aming kasamahan.
“I mean, iba iba na kami ng buhay. Iba na yung trabaho, busy na yung iba, pero hopefully… the fact na nakabuo tayo ng tatlo… lima na lang yan. Kaya pa yan. Baka sakaling magawan pa ng paraan.”
NOEL FERRER
Ganundin ang rason ni Patrick Garcia kaya siya nakumbinsing gawin itong pelikula sa Mavx Productions.
Nung nalaman niyang sina Paolo at Kaye ang makakasama niya, kaagad siyang napa-oo.
“My co-actors,” mabilis na sagot ni Patrick nang tinanong bakit ito ang pinili niyang comeback movie.
“When they mentioned their names, sabi ko, 'Just make sure it’s them.'”
Natuwa siya nang magkita sila ni Paolo bago yung look test para mag-catch up muna sila. Pero si Paolo ang bilib na bilib kay Patrick nang nagkakuwentuhan na sila.
Read: Tabing Ilog cast members, may reunion sa iba't ibang proyekto
Sabi ni Paolo, “Nung isang araw nung nagkita kami ni Pat, gulat na gulat ako sa memory nito. Grabe yung tanda niya sa mga bagay-bagay nung nagkukuwentuhan kami.
“Sabi niya, 'Natatandaan mo ito yung taon na ito.' Grabe, parang wala… basta hindi ko na puwede ikuwento.
“Yung mga Tabing Ilog stories, alam niya ang mga dates, ha? Taon na yun!”
Kaya nung nagkita na silang tatlo sa look test, grabe na ang kuwentuhan nila na in-open na raw nila sa isa’t isa ang lahat na nangyari sa buhay nila.
“Oo e. Parang nandun yung trust. Kung anu-ano yung kuwento ko dito kanina, e. Kung anu-ano yung kuwento sa akin.
“So, alam mo yung may trust kaagad. Hindi siya nagbago.
"Pero, it’s sad to say na somehow nagkaroon ng mahabang time na hindi kami nagkita-kita. And hopefully, after this film, mabago yun,” sabi pa ni Paolo.
JERRY OLEA
Ang isa raw na balak nilang gawin ay dalawin ang veteran actress na si Caridad Sanchez, na gumanap na lola ni John Lloyd Cruz sa Tabing Ilog.
Sabi ni Paolo, matagal na nilang pinlano ito ni John Lloyd. Hindi lang daw natuloy dahil pumasok na noon ang COVID 19.
“There was a time na gusto namin, pero that time bawal… during pandemic,” pakli ni Paolo.
“Ah, kayo ni Lloydie, di ba?” tanong ni Kaye.
“Gusto namin nagpaalam kami, pero hindi pa puwede during that time. Baka puwede… actually ngayon, baka sakali makapagpaalam kaming tatlo,” saad ni Paolo.
Read: John Lloyd Cruz at Paolo Contis, planong dalawin ang veteran actress na si Caridad Sanchez
