GORGY RULA
Inilunsad ng Black Entertainment nung Biyernes, June 2, ang bago nilang talent na si Boss Toyo.

Si Boss Toyo ay isang rap artist at businessman na nakapag-record na ng dalawang single niya.
Ang Black Music ang nag-release ng pangalawang single niyang pinamagatang “Rap Lord” na nag-streaming na sa YouTube at iba pang music streaming platforms nung Biyernes.

Ang nakakatuwa rito kay Boss Toyo, nakilala siyang nangongolekta ng memorabilia ng mga kilalang Pinoy personalities.
Dito niya naitayo ang Pinoy Pawn Stars na matatagpuan ang shop sa Kamias Rd., Quezon City.
Nasa Facebook din ito at iba pang social media account na mala-History Channel’s Pawn Stars ang format.
Napabalita noon na si Boss Toyo ang nakabili ng polo shirt ni Francis Magalona na umabot sa Php620,000 para sa fund-raising ni Chito Miranda na gagamitin sa pagpapagamot kay Gab Chee Kee.
Sa nakaraang mediacon nito, nagpahayag si Boss Toyo na gusto raw sana niyang bilhin ang polo shirt na suot nina Tito, Vic and Joey nung nagpaalam sila sa Eat Bulaga. Gusto raw niyang isama ito sa mga collections niya.
“Alam mo, gustung-gusto ko talaga magkaroon ng memorabilia nila, e. Maganda yung last na suot nila, e. Saka yung mga ginamit nila sa film nila. Gusto ko sana makabili nun,” pakli ni Boss Toyo.
Sana makarating daw ito sa TVJ at gusto raw niyang malaman kung magkano ito.
Gusto rin daw sana niyang bilhin kay Ina Raymundo ang isinuot nito sa Sabado Nights commercial nito. Matagal na raw kasi niyang crush si Ina Raymundo
JERRY OLEA
Naisipan ni Boss Toyo ang pangongolekta ng mga memorabilia ng mga kilalang Pinoy personalities bilang pagbibigay halaga raw sa kanila.
“Kasi nakikita ko, bumibili ka ng Michael Jordan, bumibili ka ng mga Travis, ang mamahal niyan, di ba?
“Bakit hindi ang mga sarili nating artists na naghirap, na umabot ng 20 years sa industry, 10 years sa industry, sa music, like yung Crazy as Pinoy, ang tatagal na niyan. Bakit walang halaga, di ba? Bakit hindi natin bigyan ng halaga?
“Kaya ko ginawa ang Pinoy Pawnstars para imulat sila… minamahal niyo yung ibang lahi. Bakit yung sariling atin na kinanta nyo rin yung mga kinanta nila, bakit walang halaga? Kaya ko tinayo yung Pinoy Pawn Stars para dito, ulit-ulitin ko, yun talaga yung purpose ko.”
Bukod sa polo shirt ni Francis Magalona, nabili ni Boss Toyo ang Mercedes Benz na ginamit sa Maid In Malacanang.
Nabili rin daw niya ang maliit na doll ni Nora Aunor at Vilma Santos. Siya lang daw ang merong ganun sa ngayon.
May binili rin daw siyang memorabilia ni Sen. Imee Marcos, at ang kris daw ni Sen. Robin Padilla na ginamit sa pelikulang Mistah.
Pati ang tansan ng Pepsi 349 ay nasa collection din niya, at ang bato ni Darna na ginampanan ni Marian Rivera.
Binili raw niya ito kay Buboy Villar na gumanap na Ding sa action-fantasy series na yun sa GMA-7.
“Sabihin na nila, crazy ako. May nagsabi na iba, ‘si Boss Toyo, parang hibang na, kung anu-ano, yung pinagbibili.’
“E, kung yun yung paniniwala ko, at wala akong pakialam sa ibang tao. Yun yung gusto ko at yun yung gagawin ko,” pahayag ni Boss Toyo.
NOEL FERRER
Nasa shop lang daw niya ito lahat, at hindi pa niya binebenta.
Naniniwala siyang darating ang araw na magkakaroon na ito ng halaga at maibebenta niya nang mahal.
“Naniniwala naman ako, sabi ko, in the near future, pag natanggap ng culture natin, ng society natin na bigyang halaga yung mga artists at yung mga sikat. E, di ako yun, sa akin silang lahat. So, invest lang. Investment yun para sa akin.
“Sana hindi ako maubusan ng funds. Kasi malaki-laki na ang nabubuhos ko dun, at wala pa akong nabebenta. Yun lang,” pakli ni Boss Toyo.
