JERRY OLEA
Matagal bago nabuo ni Leandro Baldemor si Voltes V gamit ang kahoy na mahogany.


“Kasi ang proseso nun, blinocking ko muna yun sa kahoy,” kuwento ni Leandro nitong Hunyo 3, Sabado sa Obras de Paete gallery niya sa Paete, Laguna.
“Pagka-block ko sa kahoy, ipinorma naming maigi yung posisyon ni Voltes V. Kasi, hindi basta inukit, e. Makikita mo, naka-action siya, e. May dala siyang sword.
“Maraming proseso yun kung paano mong mabubuo nang maayos. Tapos, ang ginawa namin, pagkakuha dun sa styro, ipe-papier-mache para hindi matutuklap yung styro.
“Naka-papier-mache siya, tapos habang inuukit yan, nakaporma siya diyan. Para lahat ng scaling dun sa styro, lahat ng sukat, mapoporma na sa kahoy.
“So mas madaling proseso. Yun nga lang, medyo mahaba pero mas smooth yung takbo. Kasi mas matigas yung kahoy. Kung doon ka mag-a-adjust nang mag-a-adjust, mas mahirap.
“Ngayon, in-adjust muna namin sa styro para kung makapal, kung manipis, nandun na lahat. Pag kumpleto na siya, saka namin inukit sa kahoy, sa kamagong.”
Tantiya ni Leandro ay 5’2” ang nasabing Voltes V figure, na humigit-kumulang ay dalawa’t kalahating buwan ginawa ni Leandro at ng mga trabahador niya.
Pinost ni Leandro noong Mayo 11 sa kanyang Facebook ang nasabing Voltes V figure na ipinagawa sa kanya. Wala na yun sa kanyang workshop noong Sabado.

“Ang umorder sa akin nun, kolektor ng Voltes V,” sambit ni Leandro.
GORGY RULA
Nilinaw ni Leandro na old wood yung kamagong na ginamit sa pag-ukit kay Voltes V.
“Stock ko yun, e. Pag may nagbebenta sa akin ng mga old wood na kamagong, bili ako!” bulalas ni Leandro.
“Narra. Kasi, ang mga ibinebenta ngayong narra, mga bata pa. So mangyari, dapat ang narra, pula lang.
“Pag may nagbebenta, bili ako sa tamang presyo. Stock-stock lang yan para halimbawa may special na gustong magpaukit, o di maganda yung kahoy na iano mo sa kanya.”
May cameo si Leandro sa pelikulang AbeNida na pinagbibidahan nina Allen Dizon at Katrina Halili, sa direksyon ni Louie Ignacio na merong resort sa Pagsanjan, Laguna.
“Nagsyuting nga sila sa bahay ko, maliban dun sa simbahan ng Paete, dun sa Ibaba, saka sa Tatlong Krus,” sambit ni Leandro.
Ang Tatlong Krus ay tourist attraction sa Mount Humarap ng Paete. Bahagi iyon ng Sierra Madre.
Malapit-lapit sa Tatlong Cruz ang malawak na bukid ng mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo.
NOEL FERRER
Karamihan ng pinapaukit kay Leandro ay religious figures. Meron ding mga nagpagawa ng dinosaur figures, at props para sa parties.

Sa ngayon ay nakakontrata siyang mag-deliver ng 100+ vintage lampposts para sa Pagsanjan, at 35 para sa isa pang bayan sa Laguna.

“Mas malalaki yun kesa sa lampposts ng Jones Bridge sa Manila,” sabi ni Leandro.
Pagawa kaya tayo ng bust, Tito Jerry? Magkano kaya iyun kapag isang Leandro Baldemor ang lililok?
