GORGY RULA
Pinasok na rin ng award-winning actress na si Lorna Tolentino ang movie production.
Nakipag-partner siya sa kapwa-aktres na si Sylvia Sanchez at dalawang non-showbiz friends na bumibili rin ng mga pelikulang ipinapalabas dito sa Pilipinas.
Ito ang dahilan kaya niyaya ni Sylvia si Lorna na sumama sa kanilang dumalo sa katatapos lang na Cannes International Film Festival. Doon pinag-aralan ni Lorna ang pag-market ng mga pelikula.
Kuwento ng aktres, namangha siya sa isang partner nilang bumili ng Korean blockbuster hit na Train To Busan. Binili lang daw yun sa halagang dalawang milyong piso, pero kumita ito ng P200M!
Pinag-aralan daw ni Lorna ang pagbili ng mga pelikula sa tulong na rin ni Sylvia.
Ang isa sa naobserbahan ni Lorna na ikinadismaya niya ay ang ugali raw ng ibang Pinoy producers doon na crab mentality.
Nalulungkot siya sa ganun na sa halip na magtulungan, naghihilahan pa raw pababa ang iba o kaya hindi sinusuportahan ang kapwa producer.
Pahayag ni Lorna, “Sila-sila… kapwa nila ano, imbes na tulungan nila para ipakilala din dun sa iba. Kumbaga, connections kasi ang ano, e, yung festival e.
"Kung may connection ka dun sa certain na may hawak dun sa festival, makakarampa ka, di ba? Parang ganun.
“Pero imbes na mas luwagan nila, open arms na anuhin yung mga Pilipino magtulungan, hindi yung magbagsakan pa. Pero kung maghilahan pataas, di ba, mas maganda.
“E, kaso, yung mga nasa itaas, ‘Ay! Nandiyan lang kayo! Kayo gumawa ng sarili nyo. Pinaghirapan namin ito, kayo mag-market niyan sa sarili niyo. Kayo umalam ng networking niyo.’ Parang ganun,”
Naka-lunch si Lorna namin sa Antonio’s Restaurant sa Pasig bilang pa-birthday niya sa kanyang manager na si Lolit Solis nung Huwebes, June 8, 2023.
Limang foreign films ang binili nina Lorna sa Canne. Nakuha nila ang Philippine rights ng mga pelikulang ito.
Pero ang una raw muna nilang ipalabas sa mga sinehan ay ang Japanese film na Monster, na nanalong Best Screenplay sa Cannes Film Festival. Balak daw nilang i-showing ito sa July 19.

Monster
NOEL FERRER
Nabalitaan ko ngang nakuha nina LT ang rights to Monster. Sana, kumita at mag-hit ito dito sa Pinas.
Naikuwento rin ni Lorna na nagka-COVID pala siya sa France. Mabuti at natapos na niya ang pag-iikot sa Cannes, at nakapunta pa raw sila sa Monaco nang tinamaan siya.
Wala naman daw siyang naramadamang malalang symptoms.
“Wala, no fever, sore throat. No cough. Kaya nga ngayon, right after pagdating ko rito, [May] 25 ako dumating, nung 31, pumunta na ako ng doctor.
"Nag-test ako for ano… kasi parang may hingal, ‘Ba’t ganun, parang may hingal ako.’ Bumalik ang asthma ko. Yun ang tini-treat ngayon at sinusitis,” kuwento ni Lorna.
Mabuti at marami raw mga gamot na ibinigay sa kanya ni Sylvia.
Tuwang-tuwa rin siya sa magkakapatid na sina Congressman Arjo at Ria Atayde na laging nagpapadala ng pagkain sa kanya.
“Kasi nung nasa Turkey na kami, hindi na ako nakalabas, naka-quarantine na ako sa hotel.
“Ang bait nina Ria at Arjo, sila palagi ang nagpapadala ng pagkain sa akin,” pakli ni Lorna.
Ang hirap pa rin daw kapag sa ibang bansa ka inabot ng COVID.

Lorna with the Atayde family (Sylvia, Art, Arjo, and Ria), Enchong Dee, director Richard Somes, and other friends
JERRY OLEA
Pinabulaanan ni Lorna ang sinasabi ng iba na pag-aari nina Sylvia ang bahay na tinirhan nila sa France.
May lumabas kasing isang vlog na pag-aari raw ng pamilya Atayde ang magandang bahay na tinirhan ng grupo nila na pumunta ng France.
Sabi ni Lorna, “AirBnB yun. Bahay ng isang French guy na yung kapitbahay namin, yung mayor nung lugar na ‘un. Ganun kasosyal yung AirBnB.”
Pero ang bongga raw ni Sylvia na VIP daw sa Dior kung saan sila pumuwesto para panoorin ang red carpet ng CannesFilm Festival.
“Malayo lang. Nasa Dior kami, VIP kasi si Sylvia sa Dior, so look lang kami nang ganyan sa window habang nagre-red carpet sila.
"Si Robert de Niro nga, medyo old na yung paglalakad niya, pero iba pa rin.
“Si Leonardo DiCaprio, ang guwapo. Nakita ko siya in person. Pero malayo, e,” banggit ni Lorna.
