GORGY RULA
Hirap na hirap nang magsalita si Paolo Contis nang makausap ng PEP Troika sa telepono ngayong Sabado ng hapon, June 10, pagkatapos ng Eat Bulaga!
Paos na paos na ang boses niya at nahihirapan siyang magsalita.
Isang linggo pa lang daw ang Eat Bulaga na hinu-host nila, sobra na silang pagod, dagdag pa ang pressure sa kanila dahil sa matinding bashing na inaabot nila.
Sabi ni Paolo, kaya raw siya nagsalita bago matapos ang programa ay dahil sa dami ng naririnig niyang kuwento mula sa mga staff na nakakaranas din ng bashing mula sa mga netizens.
“Yung isang direktor namin, si Direk Jun, nag-absent ng isang araw. Na-high blood siya sa mga bashing,” saad ni Paolo.
“Yung ibang staff namin, pinupuntahan sa bahay, inaaway sila. Sinasabihan, ‘Ang pangit ng show nyo!’
“Yung mga kapitbahay lang, pag paalis sila, ‘Uy, ikaw yung sa Eat Bulaga! Ang pangit! Itigil nyo na yan!’ Yung ginaganun sila.
“So, medyo nagkakaroon ng ano… 'Sige, ibigay nyo sa akin yan! First and last usap ko… ako ang magsasalita,'” dagdag niyang pahayag.
Hindi na raw niya iniisip na puputaktihin na naman siya ng wagas na bashing. Gusto lang daw niyang ipagtanggol ang staff.
“When I heard what’s happening to the staff na mentally naaano sila, I suggested sa group na may magsalita na once and for all,” pakli ng Kapuso actor.
“I just want to protect the staff… nag-suggest na ako na dapat protektahan na ang mga staff. Ako na ang magsasalita on behalf of the staff.
“Ang concern ko lang, yung iba, na-high blood. Pati sila naba-bash. Masakit sa akin na sila ang naba-bash. Ako na lang!
“Okay lang kung ako ang tirahin nila!” sabi pa ni Paolo.
Ipinagkatiwala daw sa kanila ang Eat Bulaga! ng TAPE, Inc. At kahit nahihirapan daw sila at napapagod, nag-e-enjoy daw siya sa ginagawa niya.
“Diyos ko, ‘day! Pagod na pagod na ako! Pero sa totoo lang, sobrang saya. Nag-e-enjoy ako!” bulalas ni Paolo.
NOEL FERRER
Hindi ko sinasabing tama ang mam-bash. Not at all. May paraan para magsabi ng honest at constructive na comment, at yun sana ang mangyari.
Yung Eat Bulaga!, dahil matagal na yan na nasa ere, invested talaga ang mga tao.
Bakit napakalaki ng disgusto ng publiko sa nangyayari sa Eat Bulaga! sa GMA-7 ngayon? Sana maaral din at maunawaan ito ng mga bagong tao roon ngayon.
Pag-aralan ang mga valid points, at gawan ng paraan para pumosisyon sa tama.
Naaalala ko na kahit si Willie Revillame ay nawawalan na rin ng boses sa ngalan ng pagpapasaya ng tao noon. Sana makahanap si Paolo at ang mga kasama nito ng paraan para makapagpasaya ng tao nang hindi nauubusan ng boses na siyang bala nila bilang talent.
JERRY OLEA
Pinupuri naman ng mga taga-TAPE si Isko Moreno. Kaagad na nakakapag-blend daw ito sa grupo ng bagong hosts ng Eat Bulaga!
Puring-puri ni Paolo si Isko dahil marunong itong makisama sa kanila, walang kaere-ere, at nag-a-adjust sa kanila.
“Okay siya. Kausap ko kanina, nakikinig. Sabi niya, ‘Sabihan mo ako kung saan lang ako, ha?’
“Si Isko, very professional. Ang sarap kasama. Walang politician kang mararamdaman," sabi nito tungkol sa dating mayor ng Maynila.
Papuri pa ni Paolo sa actor/politician: “Kumbaga, nakapag-gel siya kaagad sa team. Tapos, nakikinig. Puwede mong anuhin, puwede mong kulitin. Puwede mong barahin na hindi ka matatakot na ma-offend.
“Actually, marami ang nagsasabi na okay si Isko.”
