GORGY RULA
Ngayon lang inamin ng aktor Ricky Davao na in love siya.
Nataon naman kasi sa promo ng pelikula nila ni Gina Alajar na Monday First Screening na idinirek ni Benedict Mique. Kuwento ito ng dalawang senior citizens, na ginagampanan nina Ricky at Gina, na nagkainlaban nang magkakilala sa libreng sine para sa mga senior citizen tuwing Lunes.
Sa mediacon ng pelikula na ginanap sa EVM Convention Center ngayong Lunes, June 12, 2023, tinanong namin si Direk Ricky kung nai-in love pa rin ba siya ngayong senior citizen siya.
“Yes!” kinikilig niyang sagot sa amin.
Nandun pala sa event ang girlfriend ni Ricky, pero hindi niya itinuro sa amin.
As much as possible, gusto nilang pribado lang ang kanilang relasyon, lalo na’t hindi showbiz ang girl.
Nilinaw rin ni Direk Ricky na hindi bagets ang girlfriend niya, pero hindi raw pang-“Monday First Screening” ang agwat ng kanilang edad.
Mahigit isang taon na raw ang kanilang relasyon, pero hindi niya gaanong ikinukuwento sa ilang kaibigan. Basta meron daw nagbibigay ng inspirasyon at nagpapasaya sa kanya ngayon.
“Di ba, si Charlie Chaplin ikinasal when he was 89 yata o 88 years old? Tapos si Robert de Niro... So, very timely lang talaga tong Monday First Screening.
“Ano lang, kailangan lang maging happy,” pakli ni Direk Ricky.
Read: Al Pacino, 83, joins Robert de Niro, 79, as Hollywood senior stars to have babies this 2023
Ayaw raw niyang ipaalam pa ito sa lahat. Hindi lang daw siya makatanggi sa amin nang tinanong namin ang kanyang love life. Kahit nga raw sa mga malalapit niyang kaibigan ay hindi niya ito ibinabahagi sa lahat.
“It’s an open book. Kaya lang ako, I’m not very open about it. Ayoko naman magsinungaling.
“I’m very very outgoing person, but when it comes to myself, my family life, and my love life, siguro I share a bit.
"Even my closest friends, sina Tirso [Cruz III], sina Rez [Cortez], Michael [de Mesa], biglang nagugulat, 'Ay, meron ka na pala!'
“Parang need-to-know basis, hindi ko inaano,” dagdag niyang pahayag.
Hindi pa matiyak ng mga taga-NET25 kung isu-showing sa mga sinehan ang Monday First Screening. Inaayos daw na mag-streaming ito sa Netflix. Pero sa ngayon ay nagpapa-block screening muna sila sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

NOEL FERRER
Maganda ang pelikulang ito, nasabi naman ng kaibigan nating taga-NET25 na sayang hindi ito napabilang sa official entries ng 1st Summer MMFF. Baka naman may sariling audience ito sa streaming online.
Pero with the INC clout, I’m sure maraming tatangkilik sa pelikulang ito ng dalawa sa pinakamagagaling na artista ng ating bansa!!!
JERRY OLEA
Kapwa premyadong artista sina Ricky at Gina, at saludo tayo sa husay nila.
Matitino ang mga pelikula ni Direk Benedict kaya interesado tayong mapanood itong bago niyang obra.
May laban sa acting awards sina Ricky at Gina kung nag-qualify sa 1st Summer MMFF ang kanilang pelikula.
Tatlo sa entries ng 1st Summer MMFF ang nakatakda nang mag-streaming sa Prime Video PH — About Us But Not About Us sa Hunyo 22, Here Comes The Groom sa Hulyo 20, at Yung Libro Sa Napanood Ko sa Hulyo 27.
Speaking of Netflix, mula Hunyo 5 hanggang ngayon ay nangunguna sa talaan nito ng Top 10 Movies in the Philippines Today ang Mixed Connections nina Miles Ocampo, Kelvin Miranda, at JC Santos. Ito na lang ang Pinoy movie sa nasabing listahan.
Nalaglag na sa Top 10 ang Vivamax movie nina John Arcilla, Cindy Miranda, at Sid Lucero na Reroute.
Pawang South Korean ang tatlong nangunguna sa talaan ng Top 10 TV Shows in the Philippines Today ng Netflix — The Good Bad Mother, Bloodhounds, at Doctor Cha.
Konting kandirit pa at magdadalawang buwan na sa Top 10 TV Shows ng Netflix Philippines ang Kapuso series na Maria Clara at Ibarra.
Sa July 7 pa mag-i-streaming sa Netflix ang pelikulang Seasons nina Lovi Poe at Carlo Aquino, sa direksiyon ni Easy Ferrer.
Nasa “Worth The Wait” section ng Netflix ang pelikulang Dear Other Self nina Jodi Sta. Maria, Xian Lim, at Joseph Marco. Hindi pa nakalagay kung kailan ang streaming nito.
