GORGY RULA
Nagmistulang tourist spot na pala ang maliit na tindahan ng vlogger na si Bernie Batin.
Nag-hit ang simpleng vlog ni Bernie na ginagawa niya sa tindahan ng kanilang pamilya sa Pangasinan.
Siya ang tinderong nagsusungit at sa bandang huli ng vlog, ang huling binibitawan niyang linya ay “Nakakaloka!”
@berniecularvlogs Tapalmanok #fyp? #fypage #berniecularvlogs ? original sound - Berniecular Vlogs
Hindi akalain ni Bernie na maghi-hit ang vlog niya at pati ang tindahan nila ng magulang niya ay dinadayo na mula sa iba’t ibang probinsiya.
“Nung hindi pa po ako nagtitinda na vlogger po, parang ang mga bumibili lang po, mga bara-barangay lang po namin.
“Nung nagsimula po na medyo nakikilala na po tayo, mas dumami na po yung mga bumibili sa tindahan namin. May mga taga-Batangas, mga taga-Maynila, taga-Cavite.
“Parang naging tourist spot na nga po yung tindahan namin, e. Nakakatuwa po.
“Yung store po namin, ganun pa rin po kaliit. Mas dumami na po yung laman.
"Kasi dati po, once a week lang po kami namamalengke ng paninda po namin. Ngayon po twice a week na po. O di ba?” masayang kuwento ni Bernie nang inilunsad ng Star Music ang single niyang "Utang Mo" sa Music Box sa may Quezon City nung Linggo, June 11, 2023.
Kasama ni Bernie ang mga baguhang artists na sina Shira Tweg at Christi na nag-launch ng kani-kanyang single na ini-release ng Star Music.
Read: Shira Tweg at Lizzie Aguinaldo: promising young singers na ilulunsad ng Star Music
Bale pangalawang single na ito ni Bernie. Ang una niyang single ay "Pabile, Wanpipte" na ini-release ng ibang recording company.
Hindi akalain ni Bernie na aabutin niya ang pagiging recording artist kaya nagpapasalamat siya sa Panginoon na maganda ang kinalabasan ng kanyang vlog.
“Kahit pala ang mga ganitong simpleng contents lang ang dami kong napapasaya. Kaya nakaka-overwhelm po.
“Sobrang mahal na mahal ko po ang pagtitinda,” pakli ni Bernie.
Suporta si Bernie sa pelikulang Ayuda Babes, pero hindi na raw nasundan ng isa pang pelikula. Pero happy na raw siya ngayon sa mga na-achieve niya.
Nakabili na siya ng lupa sa Pangasinan, at pinapatayuan na raw niya iyon ng bahay para sa kanyang magulang.
NOEL FERRER
Sabi ni Bernie, kaya na niyang palakihin ang kanilang tindahan. Pero tama na raw ang ganun kaliit dahil parang libangan lang ito ng kanyang magulang.
“Kasi yung nanay at tatay ko po kasi nasanay po sa hirap na pamumuhay. So, parang iniisip po nila kung wala po silang magagawa sa buhay, parang lalo silang magkakasakit.
“So, sabi ko, ‘Mother, ipagpatuloy po natin yan.’ Ang hindi ko lang po alam na dun po pala ako makikilala sa tindahan.
“Nakakatawa nga po. Kasi ang dami pong nagsasabi na bakit hindi ko na po palakihin yung tindahan po namin.
“Sabi ko naman po, masaya na po ako sa pagkakaroon ng maliit po na tindahan. Kasi ayoko na rin pong mapagod po yung nanay at tatay ko pag medyo malaki na po yung tindahan namin,” saad ni Bernie.
Hanggang ngayon ay kinagigiliwan pa rin ang mga content ni Bernie sa kanyang vlog na nagtitinda pa rin sa kanilang sari-sari store.
Ang payo niya sa ibang nagsisimulang mag-vlog, huwag magpa-pressure na pagandahin at gawing kakaiba ang kanilang content. Mas simple, mas gugustuhin daw ng netizens.
“Ayoko pong magmayabang. Parang gusto ko lang po maka-inspire sa lahat po na mga… lalo na po sa mga aspiring na mga content creators po.
“Pag may pangarap po tayo, wala pong imposible basta magtiwala lang po tayo sa Diyos. At siyempre kailangan po natin ng tamang diskarte at tiwala po sa sarili.
“Ang una ko pong sabihin sa mga aspiring po na vloggers, huwag po kayong titigil sa mga ginagawa po ninyo.
“Kailangan po galing po sa puso ang ginagawa po ninyo. Huwag nyo pong iisipin kung magkano o ilan po ang kikitain po ninyo. Kasi nawawala na po yung essence ng happiness.
"Dapat po masaya ka sa ginagawa mo. Kasi kung nag-e-enjoy ka po sa ginagawa niyo po, mas gumagaan yung trabaho.”
JERRY OLEA
Mabenta ang vlogs ng pagsusungit ni Bernie, na may bahid ng kaharutan.
Semplang man ang pelikulang Ayuda Babes (2021) kung saan bida sina Gardo Versoza, Joey Paras, Iyah Mina, Negi, Juliana Parizcova Segovia, Brenda Mage, Petite Brockovich at Ate Gay, malay natin… baka maging mabili ang kanyang kanta.
Ano sa palagay ninyo, mga marites?
