GORGY RULA
Isa sa pinakapaboritong bansa na pinagbabakasyunan ng mga Pinoy ay ang Japan.
Bukod sa maganda naman talaga ang naturang bansa, agree ang lahat na honest ang mga Japanese. Karamihan sa nagbabakasyon sa Japan ay may kuwento ng katapatan ng mga Hapon.
May di makakalimutang karanasan diyan ang premyadong aktres na si Sylvia Sanchez nang nagbakasyon ang buong pamilya niya, kasama ang ilang kaibigan, nung February ng taong ito.
Isa sa mga kaibigang kasama nila ay ang premyado ring aktres na si Lorna Tolentino, na isa sa nataranta nang nawala ang isang hikaw na dala ni Sylvia.
Bigla raw kinabahan si Sylvia nang buksan niya ang lalagyan ng kanyang alahas na wala ang kapares ng hikaw niyang 10-karat diamond.
Ang tantiya nila sa naturang alahas ay halos P18M ang isang pares nito. May presyo kasi ang bawat isang hikaw.
Kuwento ni Sylvia, “Ang nangyari sa akin, from Niseko kami ni LT. Pumunta kami ng Sapporo.
“Siyempre pagdating sa hotel, ayos na ako ng gamit ko, ng asawa ko, ng anak ko ganyan.
“Tapos yung hinanap ko na yung hikaw kasi iniwan ko nga. Pagganun ko [minuwestrang binuksan ang lalagyan ng alahas], bakit isa lang?
“Nawala, sabi ko. ‘Oh sh*t, paano?’ So ang ginawa ko, tinawagan ko yung hotel. Ang hotel nun, Niseko Hotel. Basta Niseko Hotel doon sa Niseko.”
Maayos daw kausap ang mga staff na willing tumulong sa paghahanap ng nawawalang hikaw niya.
“Ang nangyari, tinawagan ko. Sabi ko, ‘May nawala akong hikaw, please check sa room kung merong ganyan.’
“Dasal ako nang dasal na walang nakapalit [sa room]. Wala kaagad na ibang taong pumasok.
“Ngayon, ang nangyari, pagdating ko dun, tinawagan nila ako. Sabi nila, ‘OK, wait send us the picture ng isa kung ano.’ Sabi ko, ‘Sige, sige.’
“Andun lang ito sa hotel, andoon lang sa room ko, ganyan. Pero wala akong kaba. Nataranta lang ako pero wala akong kaba na mawala.
“Tapos tumawag sa akin ang hotel, sabi nila, ‘Can you send us the picture nung kapartner?’ Sinend ko, sabi nila, ‘OK, nakuha namin.’
“Naghintay ako ng isang oras. 'Pa-check, please, pa-check,' ganun. So, chineck nila. O tama!
"And then sabi ko, ‘Saan niyo nakita?’ Sa aisle ng labas ng kuwarto ko, sa hotel!” natatawa nang kuwento ni Sylvia.
Laking pasasalamat ni Sylvia na sa Niseko Hyatt Hotel sila nag-stay na talagang maayos at napaka-honest daw ng mga nagtatrabaho.
“Niseko Hyatt Hotel, kaya kapag gusto nyo sa Niseko, go to Hyatt Hotel dahil sobra silang trustworthy. Sobra silang honest,” pagpu-promote pa ni Sylvia.
JERRY OLEA
Nasa Sapporo na sina Sylvia nang nalaman niyang nawalan siya ng alahas. Halos apat na oras daw ang biyahe mula sa pinanggalingan nila sa Niseko.
Maghahatinggabi na raw yun, pero kailangan niyang magbiyahe uli ng halos apat na oras pabalik ng Niseko para makuha ang hikaw niya.
“From Sapporo, nag-travel kami ng three and a half hours from Niseko to Sapporo. Four hours, nag-travel kami.
“Dumating kami doon ng mga seven o’clock tapos nag check in, tapos kumain kami. Pagdating ng alas onse ng gabi, nag-travel ulit ako four hours going to Niseko Hotel Hyatt para makuha. So, pagdating ko, nandun, so yun.
“Tapos puyat ako pero ang maganda na pagkatapos nung nakuha ko iyon. Nag-travel ulit going back to Sapporo for four hours. Alas kuwatro ng umaga na, diretso ako ng Don Quixote, nag-shopping. Hindi na ako makatulog!” natatawang kuwento ni Sylvia.
Balak daw niyang magpadala ng sulat sa Niseko Hyatt Hotel para magpasalamat.
NOEL FERRER
Hindi naman daw ugali ni Sylvia na magdala ng maraming alahas pag nagbibiyahe siya. Gusto lang daw niyang dalhin ang paborito niyang hikaw.
“Yun yung suot ko lang talaga. Kaso siyempre, minsan, di ba, kapag matagal sa tenga natin, kailangan mo hubarin.
“E, hinubad ko, nilagay ko sa pouch ko. Ewan ko, hindi ko alam papaano siya nahulog. Siguro kasi, kumukuha ako doon ng gamit e.”
At least naibalik, at mapatunayan pa ang pagiging trustworthy ng mga Hapon. Sana all.
