GORGY RULA
Hulyo 1, Sabado, ang unang araw ng It’s Showtime sa GTV, at ng TVJ + Legit Dabarkads sa TV5. Kasabay nito ang pagdiriwang ng revamped Eat Bulaga! ng TAPE sa unang buwan ng mga bagong hosts ng programa.
Iyan ang ibinahagi sa amin nina Paolo Contis, Betong Sumaya, at Buboy Villar sa mediacon ng Bubble Gang nitong Hunyo 30, Biyernes.
Matindi ang tapatan ng noontime shows sa first of July, pero nasa tao raw iyon kung alin ang gusto nilang panoorin.
Ani Paolo, “Alam niyo kasi tomorrow, para sa akin, maaaring sabihin niyo na kaplastikan ito, tomorrow is a celebration, first time in history na tatlo ang noontime shows.
“Wala namang point na maglaban-laban, di ba? Kasi ang tao, manonood naman yan kung ano ang gusto nilang panoorin. At least ngayon, tatlo na yung choices nila.
“Ngayon, trabaho namin na mapilit at ma-convince yung tao na kami yung panoorin. At magagawa lang namin yun na ginagawa namin nang tama yung trabaho namin. It will be very very challenging.”
Kung sakaling mas panonoorin ang sa TVJ, tanggap daw nila iyon.
“Oo naman! Kasi ano yun, e. Kaya nga tayo may free will, e. Curiousity, o kung puwede natin sabihing nakasanayan.
“Mahirap tapatan yung 44 years na nakasanayan. Kami bukas, para sa amin celebration. First month namin bukas. Monthsary namin bukas,” excited na pahayag ng Kapuso actor/TV host.
“Kami, pinagtatawanan kami kasi nung nakaisang linggo, di ba? Nag-speech ako nung isang linggo.
“Sabi, ‘Itong mga ‘to, isang linggo pa lang kayo.' Para sa amin big deal yun.
“Sa pinagdaanan naming pressure, sa pinagdaanan naming bashing, nakaisang linggo na kami, kami magkakapit, malaking bagay yun.
“And tomorrow, hindi namin iniisip na first day na ng Showtime sa GTV, ng TVJ sa… ang iniisip namin, nakaisang buwan kami, di ba? Proud kami dun,” dagdag na pahayag ni Paolo.
Nagpapasalamat si Paolo at ang lahat na kasamahan niya sa Eat Bulaga! dahil sa all-out na suporta ng mga Jalosjos ng TAPE, Inc. Kaya nalagpasan nila ang mga pinagdaanan nila nung nagsisimula pa lang sila.
Nakakabawas-pressure ito sa kanila kahit paano.
“Sa tingin ko, malaking bagay na yung staff, saka si Kuya Jon, saka si Bullet is treating it as a celebration of the first month.
“Wala kaming, 'Ano, ha? First day nila…' Wala!
“First monthsary natin ito. Ito yung celebration. Yun ang nasa isip naming lahat.
“Kapag yung support group mo ay matindi, may konting pressure siyempre, hindi naman mawawala yun. Every day naman meron. Pero malaking bagay na alam mo lahat nakasuporta sa 'yo,” saad ni Paolo.
Lalong naging solid pa ang samahan nina Paolo, Betong at Buboy, dahil magkakasama sila ng araw-araw sa Eat Bulaga!, pati na rin sa Bubble Gang.
Si Buboy ang isa sa mga bagong miyembro ng bagong format na Bubble Gang na simula July 9, Sunday ay 6:00 ng gabi na sila mapapanood.
NOEL FERRER
Hindi raw threat sa kanila ang pagpasok ng It’s Showtime sa GTV. Iniisip nga raw nila na baka magkaroon ng crossover.
Sino raw kaya sa mga taga-Showtime ang puwede mag-guest sa revamped Eat Bulaga!?
“Ang unang naisip ko, sino ba ang pwedeng mag-guest sa Showtime sa amin? Totoo lang!” bulalas ni Paolo.
“Alam mo, never naman natin naisip yun, e. Sa buong industriya, na ang kabila maging artista, dito lang nangyari… yung Unbreak My Heart, di ba? Yung ABS saka GMA.
“So yung opportunity na sabi nga namin, baka puwede natin i-link si Dasuri [Choi] kay Ryan Bang? Yung ganun!
“Parang wala nang ano… parang hindi na imposible,” sabi pa ni Paolo.
“O kaya Buboy to Anne! Mataas po akong mangarap,” hirit naman ni Buboy Villar.
This Saturday rin makikita ang show of support ng mga magiging guest artists sa bawat show.
At oo, tulad ng narinig ng PEP Troika, aabangan natin ang magandang balita mula kay Bossing Vic!!!
JERRY OLEA
Pasavogue ang pahiwatig natin noong Marso 1 na bubulaga ang malaking pagbabago sa isang long-running show.
Hindi kailangang maging Pinoy Henyo upang matukoy ang game changer sa pananghalian… mula Aparri hanggang Jolo.
Makalipas ang apat na buwan, hayan at ang It’s Showtime ay magpapasikat na sa GTV.
Makaikot-puwet ang kanilang unang payanig bilang mga Kapuso.
Ang revamped Eat Bulaga! ay Hunyo 5 natin nasilayan, pero advance na ang kanilang pagdiriwang ng monthsary.
Sa Hulyo 16 ang ikawalong anibersaryo ng "Kalyeserye." May expectation ba roon ang Aldub Nation?
Sa Hulyo 22 ang GMA Gala, at abang-abang tayo kung kabahagi roon ang hosts ng It’s Showtime at revamped Eat Bulaga!.
Sabi-sabi, sa huling linggo ng Hulyo ang wedding nina Maine Mendoza at Arjo Atayde sa Baguio City, at inaasahang naroon ang TVJ + Legit Dabarkads.
Kasunod niyon ang kasal naman nina Maja Salvador at Rambo Nuñez, at expected nating makikisaya rin doon ang Legit Dabarkads.
Ang daming ganap!
Siyempre pa, abang-abang din tayo sa patung-patong na kasong idudulog sa husgado kung saan sangkot ang isang mahiwagang coffee maker, among other things.
Kabig-kabig, kabug-kabog!
