GORGY RULA
Mabilis ang sagot ni Michael V na si Vice Ganda ang gusto sana nilang mag-guest sa bagong format na Bubble Gang.
Sabi ni Bitoy sa nakaraang mediacon ng Bubble Gang, mismong si Vice Ganda na raw ang nagprisinta sa kanya na gustong mag-guest sa longest-running comedy show.

Yun daw ang isa sa napag-usapan nang magkasabay silang mag-guest sa concert nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid.
“Sa concert ni Ogie and Regine before nung magkasama kami as guests, magkasama kami in one of those rehearsals.
“Palagi niyang mini-mention sa akin yun, na ‘i-guest mo naman ako sa Bubble Gang.’
“Ako, in a heartbeat, gagawin ko kung walang magiging aberya. In a heartbeat, gi-guest ko talaga siya,” pakli ni Michael V.
Nagpahayag naman si Vice Ganda na magpu-promote siya sa ilang shows ng Kapuso network. Sana, isa na rito ang Bubble Gang.
“Sana nga. I’m hoping. Si Vice Ganda is open to collaboration. The last time we met, the last time na nagkausap kami, lagi niyang sinasabi, ‘sana makapag-guest ako sa Bubble Gang, ‘no?’ Sana. Sana,” sabi pa uli ni Bitoy.
Excited si Michael V at ang buong cast ng Bubble Gang dahil iba na ang format nito.

May audience na sila sa taping, kaya kaagad na nakukuha raw nila ang reaksyon sa mga manonood.
Mas maaga na silang mapapanood simula July 9, Linggo ng 6:00 ng gabi.
JERRY OLEA
Kasali si Ogie Alcasid sa It’s Showtime. Posible kayang mag-guest uli ang dating miyembro ng Bubble Gang?
Ani Bitoy, “Gaya ng sinabi ni Paolo [Contis] na lahat naman na gumradweyt ng Bubble Gang, always welcome na bumalik and inevitably ay bumabalik.
“Even si Ogie, e. Even nung lumipat siya ng Channel 5, nakapag-guest siya sa isang anniversary presentation namin, and before siya lumipat ng ABS-CBN. So, yeah it’s inevitable.”
Teka, mag-guest na rin kaya one of these days sa Fast Talk With Boy Abunda sina Vice, Ogie at iba pang taga-It’s Showtime gaya nina Anne Curtis at Vhong Navarro?
More and more and more sana ang pagko-collab ng mga Kapuso at Kapamilya.
What about Willie Revillame? Puwede kayang mag-guest si Kuya Wil sa Bubble Gang, Fast Talk With Boy Abunda, o sa It’s Showtime?!
NOEL FERRER
Nagbawas na rin ng workload si Michael V sa comedy shows. Binitawan na niya ang pag-head ng creative ng Bubble Gang.
Mas hands on siya sa Pepito Manaloto.
Mas less stress at kailangan daw niyang pangalagaan ang kanyang kalusugan at mas marami nang oras sa pamilya.
“Family saka health purposes, e. Ahhh... ewan ko, selfish bang matatawag? Parang hindi naman, pero it has something to do with my creativity for the shows that I am doing.
“So yung Bubble Gang at saka yung Pepito Manaloto, I need to focus on that. One, as a performer sa Bubble Gang, and sa Pepito Manaloto as a creative director and a performer as well.
“Hindi biro itong dalawang shows na ‘to e, kasi number one. Yung Bubble Gang is the longest-running comedy show. In Pepito Manaloto, is one of those na humahabol na maging runner-up, ano?
“So, gusto kong panghawakan itong dalawang shows na ito. Maging ano rin, maging household name pagdating sa entertainment.”
Pero sana, makagawa pa rin si Bitoy ng mga bagong kanta at concert, plus isang pelikula na passion project na naman niya.
Basta kung may tatak-Bitoy, support tayo riyan. Although support tayo sa paghinay-hinay niya sa kanyang kalusugan. Maging ang mabait na asawa niyang si Carol kasi ay nagka-Covid na naman.
Mahal natin sina Carol at Bitoy na parang pamilya!
