GORGY RULA:
Hindi sinagot ng taga-E.A.T. ang text namin kung meron silang pahayag o aksiyon sa nangyari sa TV5 noontime show noong Huwebes, August 10, 2023.
Dinig na dinig sa TV ang malutong na mura na parang kaboses ni Wally Bayola. Nangyari ito sa segment nilang "Sugod Bahay Mga Kapatid," kung saan nagsasalita si Wally, at biglang nawala ito sa frame, at si Jose Manalo na ang nagsasalita.
Pero biglang narinig ang matinis na boses na nagmura.
May boses na narinig na nag-"Hoy!" na parang sinita ang nagmura.
Parang nabigla naman sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na nasa studio. Napalingon din si Jose.
Hindi nakita sa TV kung si Wally ba ang nagmura, pero kaboses niya, at tingin ng karamihan ay si Wally yun.
Sangkatutak na posts sa X na nanawagan sa MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio kung palalagpasin ba nila ito.
Naungkat na naman ang isyu nina Vice Ganda at Ion Perez na papaimbestigahan ang pagkain ng cake gamit ang kanilang daliri. Mas malala raw ba ito kesa narinig na may nagmura sa TV?
Nag-trending tuloy sa X (dating Twitter) kagabi ang hashtag na "Lala Sotto," "MTRCB," at "Wally. "
Nag-text kami kay Jeny Ferre ng E.A.T. kung meron ba silang statement kaugnay rito, at pati si dating Senator Tito Sotto ay tinext din namin, pero hindi pa sila sumagot.
Hanggang nitong Biyernes, August 11, ay nakumpirmang si Wally nga ang narinig na nagmura dahil humingi siya ng paumanhin sa mga manonood.
Read: Wally Bayola apologizes for cursing on 'E.A.T.': "Nagkamali po ako dun."
JERRY OLEA:
Sinagot naman ni Tito Sen ang isa pang napansin sa E.A.T. nung Huwebes, kung saan binanggit ni Jose Manalo ang titulong Eat Bulaga!.
Sinasabi ni Jose na may binubuo raw silang jingle sa kanilang "Sugod Bahay."
Sabi niya, "Pinapangako na namin sa inyo baka bukas po ay mabubuo na ito. Dahil hindi po puwedeng kantahin nang basta-basta.
“Ayokong makasagasa, ayokong magkaroon ng pag-iisip ang ating mga kababayan... pag nabuo ang kanta, lahat tayo buong mundo, buong bansa E.A.T. Eat Bulaga!" at sinabayan ng huling bahagi ng kantang "Eat Bulaga."
Nakarating na sa legal counsel ng TAPE, Inc. na si Atty. Maggie Abraham-Garduque ang eksenang yun sa E.A.T.
Ayon kay Atty. Maggie, "trademark infringement" iyon.
"That is an act of trademark infringement and unfair competition," text ni Atty. Maggie sa PEP Troika.
Hiningan ng PEP Troika ng reaksiyon si Tito Sen sa sinabing iyun ni Atty. Maggie.
Sagot ni Tito Sen, “Paanong naging infringement yun?"
Kaninang umaga ay natuloy ang hearing ng kasong Copyright Infringement na isinampa ng TVJ laban sa TAPE, Inc. at GMA 7.
Read: TVJ vs TAPE Inc. 'Eat Bulaga!' trademark legal battle, tuloy pa rin
NOEL FERRER:
Habang painit nang painit ang issue tungkol sa copyright infringement, sana’y paganda nang paganda at pasaya nang pasaya ang mga laman ng mga programang pantanghali sa TV.
Sa huli’t huli, dapat ang benepisyo nito ay maramdaman ng publiko. Tuloy ang ligaya!!!
