JERRY OLEA:
Minsan nang naging karnabal ang buhay ni Gina Alajar, at muntik na siya noong mag-quit sa showbiz.
“Hindi ko na lang idedetalye para hindi na mahukay pa yung past,” lahad ni Gina sa storycon ng pelikulang Karnabal nitong Agosto 10, 2023, Huwebes, sa Relish restaurant, Sct. Limbaga St., Quezon City.
“There was a moment in my life where I wanted to pack my bags and leave with my kids, and just go to America and stay there to escape the troubles here.
“Kasi parang dumating sa punto na naramdaman ko na lumiliit yung mundo ko, yung ganun.
“So, para matakasan lahat yun, I really wanted to pack my bags and leave for the United States.
“And in fact, dumating na ako dun sa punto na nagpapaalam na ako dun sa boss ko at that time.”
Open book sa showbiz ang paghihiwalay nila ng asawang si Michael de Mesa, at ang mga intrigang kaakibat niyon.
Paano niya nakayanan ang naturang problema? Ano ang kanyang ginawa?
Napabuntong-hininga ang veteran actress-director, “Ahhmm, unang-una, siyempre ang una mo namang pupuntahan noon, ang Panginoon, e.
“Yun lang naman. Ang tao naman, pag merong problema, ang unang babalingan ay ang Panginoon. Para sa lakas, para sa strength, para kumuha ng strength.
“Ang unang-una kong ginawa, to turn to God and ask for strength, and ask to get me out of that karnabal na kinasasadlakan ko, para maalis Niya ako and to remove the pain, to remove the hurt sa buhay ko.
“And He did. Until now, Siya pa rin. Siya pa rin ang guide ko, Siya pa rin ang puntahan ko kapag merong hiling sa lahat ng panahon ng buhay ko.
“Hindi lang kapag may problema ako. Kahit masaya ako, I’ve learned to trust in God, to thank Him more sa mga blessings, sa grace na ibinibigay Niya sa akin.”
Gaganap si Gina bilang news reporter sa Karnabal.
Nasa sentro ng istorya ang problemadong si Caloy (E.A. Guzman) na umakyat sa billboard at gustong tumalon.
Nasa cast din sina Jaclyn Jose, Ricky Davao, Joel Saracho, at Shaira Diaz sa direksiyon ni Adolf Alix Jr. para sa BC Entertainment.
Tinatayang isa’t kalahating oras ang pelikula na tuhog — one long take, dire-diretso, walang cut.
NOEL FERRER:
Limampu’t limang taon nang artista si Gina, at nakaka-excite para sa kanya ang challenge sa paggawa ng pelikula na isang take lamang.
“Hindi pa kami ready. Hindi pa kami ready. Ha! Ha! Ha! Ha!” pagtawa ni Gina sa storycon.
“Actually, pagdating dito, sabi ko nga kay Direk Adolf, ‘Pagdating dito ng media, ano ang sasabihin namin? Ano ang gagawin namin dito?’
“Because kanina lang kami sinabihan kung ano ang gagawin… and ako, ang masasabi ko lang, it’s very challenging.
“Pero pag nagawa nang tama, pag nagawa nang maganda, if we’re successful in doing this… wow! Wow!”
Nagpasalamat si Gina kay Direk Adolf na napasama siya sa cast ng Karnabal na isang kakaibang pelikula.
“Kasi it’s a challenge for me also. Sabi ko nga, ‘Mame-memorize ko ba yung dialogue?’ Tapos may timing pa.
“Kasi mahirap, e. What kung sa akin magkamali? Naku! Uulitin lahat from the top?! Dahil sa pagkakamali ko?! Nakakahiya yun, di ba?
“So I think it’s a combination of you know, mind, body and soul. Ano yung sinasabi ni Lino [Brocka] dati?
“Ang aktor, kailangang prepared — physically, mentally and emotionally. So, yun, we need to prepare for that.
“Imagine we’ll be under the sun for the whole time. Walang puwedeng magpayong. Walang puwedeng sumilong.
“We’re just going to wait for our turn, for our cue.”
GORGY RULA:
Meron bang peg si Gina sa pagganap niya bilang news reporter sa Karnabal?
Tugon ng multi-awarded actress, “Hindi ko naman gustong maging caricature na kapag nakita nila ako, ‘Ay! Si ano yan!’ ‘Ay! Si ano ang ginagaya niya!’ ‘Ay! Si ganun!’
“I don’t want it to be that way. Kasi, di ba, ako naman yung aarte. Di ba? I just want it to be my original interpretation.”
