JERRY OLEA:
Magpapakilig sina Kych Minemoto at Michael Ver sa Pinoy BL series na My Plantito umpisa Agosto 23, 2023, Miyerkules, sa TikTok account ng PuregoldPH.
Noong Agosto 8, Martes ng 8:08 p.m., in-upload ang trailer ng My Plantito sa iba’t ibang online platforms.
Nang makachikahan ko si Kych noong Agosto 12, Sabado, sa 9th day ng Cinemalaya XIX: ilumiNasyon sa PICC, natuwa siya sa magagandang feedback sa trailer ng My Plantito.
“Masaya po yung My Plantito, yung experience ko with Michael Ver,” napangiting lahad ni Kych.
“Wala, e, guwapo rin talaga si Michael Ver! So, yung character, kikiligin din talaga! And I’m sure, yung audience, kikiligin din sa mga eksena na mangyayari.”
Marami-rami nang acting projects si Kych at noon pa napupuri ang akting niya, samantalang baguhan si Michael Ver. In fairness, hindi raw nahirapan si Kych sa mga eksena nila.
“Si Michael, mapi-feel mo yung passion niya, e. At the same time, ako po kasi, mahilig po talaga akong makipag-collaborate sa actors,” sey ni Kych.
“Kung ano yung nandiyan — sanay tayo sa indie, e — kung ano yung nandiyan, gawin natin yan.
“So, kung ano yung performance na ibigay po ni Michael, sinasakyan ko na rin po. Kasi, ayaw ko rin pong ma-overpower or ma-upstage ang co-actor ko.
“Kasi, kung gagawin ko yun, hindi magwo-work ang eksena. Mapi-feel yun ng direktor ko kung ganun.”
Ang My Plantito ay idinirek ni Lemuel Lorca, at prinodyus ni Chris Cahilig.
Nasa cast din ng bromance na ito sina Ghallo Salva, Elora Españo, Derick Allen Lauchengco, at Devi Descartin.
“Si Direk Lem, grabe! Sobrang mahal na mahal ko na po si Direk after po nung project!” bulalas ni Kych.
“Na-feel ko po yung pagmamahal sa akin ng production, yung pag-alaga rin po sa akin, yung treatment.
“And yung tiwala po na ibinibigay sa akin sa bawa’t eksena. Ahhh hinahayaan po nila akong i-explore yung eksena, kung paano.
“Kasi, medyo biglaan din yung shoot, e! Pero buti naman po, nagtiwala sa akin sina Direk Lem para ma-execute lahat.”
Read: Pinoy Boys Love series: a genre that boomed during the pandemic
NOEL FERRER:
Five days lang ang preparation ni Kych para sa My Plantito matapos niyang tanggapin ang offer na gumanap dito bilang 18-year old Charming Charlie.
“Sobrang bilis lang po ng mga pangyayari! So, kailangan ko pong mas mag-aral nang mag-aral nang mag-aral,” sabi ni Kych.
“So kada pack-up namin, diretso aral po ako ng script. Tapos call time agad, diretso shoot po.”
Ano ang kinailangang pag-aralan niya sa script?
“Ahhh kasi siyempre, una sa lahat, BL ulit ito. Ayokong itulad siya sa mga characters na ginawa ko before,” lahad ni Kych.
“So, may mga words na ayoko nang sabihin sa certain role na ‘to. May mga nuances akong hindi dapat sabihin sa role na ‘to.
“At the same time siyempre, gusto kong mabigyan ng bagong flavor yung BL audience natin.
“Kasi masyado nang… minsan, paulit-ulit yung ibang atake.”
Siyanga pala, may natapos nang apat na pelikula si Kych na hindi pa naipapalabas.
GORGY RULA:
Magaling na aktor si Kych Minemoto, pero nagmarka sa akin ang gay roles na ginampanan niya. Ang cute pa naman niya.
Kaya rin niyang magpakilig na may ka-love team na hindi ko na maalala kung ano yung TV show na may ka-partner siya. Puwede na siyang pumili ng mga project na gusto niya talagang gawin.
Si Michael Ver naman ay isa sa ilulunsad na talents ng Star Center ng NET25. Isa rin siya sa pride ng Ormoc City sa larangan ng sports.
Sana, maganda rin ang kahihinatnan niya sa showbiz.
