GORGY RULA:
Matindi ang eksena sa "The Wedding" episode ng Unbreak My Heart.
Ito bale ang huling episode ng book one ng naturang drama series na napapanood sa GMA Telebabad pagkatapos ng Royal Blood.
Napanoood sa "The Wedding" episode ang pagpapakasal ni Alexandra (Gabbi Garcia) kay Renz (Joshua Garcia).
Pero hindi natapos ang seremonya, dahil doon ibinunyag ni Alex na may relasyon ang kanyang groom na si Renz sa kanyang inang si Rose (Jodi Sta. Maria).
Ang intense ng eksena na napakagaling nilang lahat. Pero napapalakpak kami sa galing ni Jodi na kitang-kita sa mukha niya ang panlulumo at kahihiyang inabot sa pasabog na iyon ng kanyang anak na si Alex.
Tama ang sinabi ni Richard Yap sa 24 Oras na matindi ang pagtatapos ng book one, pero mas masosorpresa tayo sa mga susunod na magaganap sa book two.
Nung nakapanayam naman namin si Romnick Sarmenta sa DZRH nung nakaraang linggo, proud siya sa Unbreak My Heart dahil hindi mo raw mape-predict kung ano ang susunod na magaganap sa kuwento.
Ang galing din dito ni Romnick na gumaganap bilang ama ni Joshua at ibang-iba sa atake ng asawa niya rito na ginagampanan ni Eula Valdes.
Napakagaling din ni Eula na jologs na jologs sa kanyang karakter, at tahimik lang ang atake ni Romnick sa kanyang role na ginagampanan.
"Gusto talaga naming magkaiba yung karakter namin para hindi masyadong may balitaktakan," napapangiting pakli ni Romnick.
Kaya nakiusap siyang huwag bumitaw sa pagsubaybay sa naturang drama series na collaboration ng GMA-7 at ABS-CBN Entertainment.
"Patuloy niyo lang po sana yung panonood at marami pa kayong makikitang twist and turns dun sa istorya," saad ni Romnick. Sa Lunes, August 28 na magsisimula ang book two ng Unbreak My Heart.
JERRY OLEA:
Tapos na ang taping ng Unbreak My Heart, at ayon sa source ng PEP Troika ay hanggang Nobyembre pa ang pag-ere nito.
Dapat pakatutukan ng televiewers ang nuances dito nina Jodi, Joshua, at Eula. Sa takbo ng istorya ng Unbreak My Heart, dapat lang na sa late primetime ito ilagay.
Nasa finale week na ang katapat ng Unbreak My Heart na Dirty Linen, pero wagi pa rin sa ratings itong Unbreak My Heart.
NOEL FERRER:
Ano kaya ang feeling na ang maging katapat mo ang iyong sariling output?
Bravo to Dreamscape Entertainment for doing this rare feat of producing real topnotch programs like Dirty Linen and Unbreak My Heart.
Iba rin talaga ang kalidad ng gawa ng Dreamscape, kaya they really deserve our support — saan mang platform o network ito ipinalalabas.
