GORGY RULA:
May ilang programang naapektuhan ng tuluy-tuloy na ulan dala ng bagyong Goring at pumapasok na bagyong Hannah.
Na-pack up ang taping ng ilang programa kagaya ng bagong drama series nina Rayver Cruz at Jasmine Curtis Smith.
Maaga pa lang ay nasa location na raw sila sa isang bayan sa Bulacan. Hindi tumitigil ang ulan, at tumataas na ang tubig sa kanilang kinalulugaran, kaya walang nagawa ang production kundi pinauwi na lang sila.
Ang iba raw ay nahirapan ding makauwi dahil karamihan sa mga dinadaanan nila ay bumabaha na rin.
Ang Kapuso actress na si Shaira Diaz ay biglang nag-report sa radio program nina Arnold Clavio at Weng Salvacion sa DZBB dahil natengga ang aktres sa traffic sa Quezon City.
Kuwento ni Shaira, bandang alas otso ng umaga na raw siya na-pack up sa taping. Nang pauwi na siya, na-stuck sila sa matinding traffic sa may Quezon Avenue paakyat ng Skyway 3.
Nag-pile up na raw ang mga sasakyan sa Araneta Avenue dahil mataas na ang tubig sa lugar. Pakaliwa na raw sila ng Araneta Avenue para makaakyat ng Skyway, pero nagkabuhol-buhol na ang mga sasakyang kasabay nila.
Bandang alas diyes ng umaga siya nagri-report kay Igan, kasasampa lang daw niya ng Skyway.
May ilang events na hindi na itinuloy. Pero ang mediacon ng GMA-7 para sa bagong seryeng nina Barbie Forteza at David Licauco na Maging Sino Ka Man ay itinuloy kahit pabugsu-bugso pa rin ang malakas na ulan.
Hanggang sa isinusulat namin ito ay pinapakiramdaman pa ng ilang production staff kung magti-taping sila sa Biyernes, September 1, dahil maaring tuluy-tuloy pa rin ang ulan at baka hindi pa bumababa ang baha.
Kaya kung hindi naman ganun kahalaga ang lakad natin, mas maiging huwag na lang muna lumabas.
NOEL FERRER:
Pero yung mga pelikulang alam kong ang puntirya ay makatapos at ma-submit sa MMFF ay tuloy ang shooting (at buti na lang yung iba ay interior shots naman).
Pihadong apektado rin ang mga pelikulang palabas ngayon sa mga sinehan.
Pero umulan man o umaraw, tuloy ang concert namin para sa Throwback at Nostalgia Queen na singer-songwriter na si Odette Quesada.
She will be celebrating her 40th Anniversary bukas, September 1, sa Newport World Resorts.
Sold-out na siya two weeks before the concert date.
Kaya tuloy na tuloy ang pagkanta natin ng "Friend Of Mine," "To Love Again," "Dont Know What To Say," "Till I Met You," "I Need You Back," "Growing Up," "Farewell," "Give Me A Chance," atbp. bukas ha!!!
JERRY OLEA:
Nakansela ang pa-presscon ng NCCA kaugnay sa Philippine Creative Industries Month Celebration ngayong Huwebes ng umaga sa Metropolitan Theatre sa Maynila.
Pero ang shooting ni Direk Joel Lamangan ng Apo Hapon sa Baguio, tuloy kahit umuulan.
Nadagdagan ng mga sinehan ang Monday First Screening nina Gina Alajar at Ricky Davao. More and more ang block screenings na suportado ng mga taga-Iglesia Ni Cristo.
Iyong mga kasabayan nitong pelikula ay matutumal.

Hopefully ay tuloy ang opening ceremony ng 3rd Philippine Film Industry Month (PFIM) bukas, Setyembre 1, Biyernes ng 5:00 p.m., sa Red Carpet Cinema 1 ng Shangri-La Plaza, Mandaluyong City.
Meron ditong FREE screening ng digitally-restored and remastered version ng comedy film ni Dolphy na Home Along Da Riles Da Movie.

Ang event na ito ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ay STRICTLY INVITATIONAL sa pre-registered attendees and VIP guests.
Siyempre pa, bukas ay makakarinig na tayo ng Christmas songs, “Whenever I see girls and boys selling lanterns on the streets…”
