JERRY OLEA:
Ay, Barbie! Sabi ko na, Barbie!
Ngayong 2023, Barbie na ang champion sa takilya ng North America at sa sansinukob.
Ayon sa Box Office Mojo, $1.38B na ang worldwide gross ng fantasy comedy film nina Margot Robbie at Ryan Gosling, sa direksiyon ni Greta Gerwig.

Ryan Gosling and Margot Robbie
Kinabog na nito ang The Super Mario Bros. Movie na ang global gross ay $1.36B.
Biruin mo, ang pelikulang “waley” at “parang school project” sa pamantayan ni MJ Lastimosa, aarangkada pala nang lubos!
Read: MJ Lastimosa reacts to immense backlash over "parang school project film" tweet about 'Barbie'
At, di ba, muntik nang hindi maipalabas sa lupang hinirang ang Barbie?
Sa isang eksena kasi habang nasa Barbieland si Barbie, may mapa sa background kung saan may nine-dash line.
Read: 'Barbie,' hindi banned sa Pilipinas; Julie Anne San Jose, daring sa 'The Cheating Game'
Diyos na mahabagin! Seryosohin ba ng mga nagmamarunong at nagmamaganda ang mapa sa mundo ng pantasya?!
Kababalaghan at kabalbalan ang mga kaganapan sa Barbieland — sandamukal ang balintuna sa real world. Kaya ang subtext o pahiwatig, ang mapa at nine-dash line doon ay hindi makatotohanan, hindi ba?!
Bombastik din na pumuwesto ang Oppenheimer sa third place bilang pinakamalakas ang worldwide gross this year.
Naka-$856M na ang epic biographical thriller film na pinagbidahan ni Cillian Murphy bilang J. Robert Oppenheimer na kinilala bilang ama ng atomic bomb.

Cillian Murphy
Kinabog na nito ang Guardians of the Galaxy Vol. 3 na naka-$846M.
Sa mga hindi nakababatid, sabay na nag-open sa mga sinehan ang Barbie at Oppenheimer, at nag-tandem sila bilang "Barbenheimer."
Phenomenal ang kanilang pagsasabay. Hindi sila naghilahan, bagkus ay nagkatulungan upang hikayatin ang moviegoers na parehong tangkilikin ang dalawang pelikula na magkaiba ang genre!
Ang anim pang nasa Top 10 na pinakamalaki ang worldwide gross so far ngayon taon ay Fast X ($705M), Spider-Man: Across the Spider-Verse ($689M), The Little Mermaid ($569M), Mission Impossible: Dead Reckoning Part One ($560M), Elemental ($480M), at Ant-Man and the Wasp: Quantumania ($476M).
Opo! Nilampasan na ng Elemental ang worldwide gross ng Ant-Man and the Wasp: Quantumania.
Disappointing ang opening weekend gross ng Elemental, pero dahil sa positibong feedback dito ay nagtuluy-tuloy ang pagtangkilik dito ng mga manonood. Sleeper hit, ika nga!

Elemental
Siyanga pala, palabas na sa local cinemas ngayong Setyembre 6, Miyerkules, ang Kidnap for Romance nina Cristine Reyes at Empoy Marquez, pati The Nun II, A Man of Reason, at Long Live Love!
VALAK ba ninyong panoorin ang ikasiyam na installment sa The Conjuring Universe? Magdasal na kayo at meron itong midnight screenings sa piling SM cinemas!

NOEL FERRER:
Barbie has proven na may pera naman pala ang moviegoers at papanoorin nila ang pelikulang type nila.
Sana lang talaga, may pelikulang lokal na makalusot na tatangkilikin ng mga tao na labas sa anumang festival o special event.
Nakabalik na at nakabawi ang TV at live events, at kasama na doon ang mga musical concerts at teatro. Sana, kahit sa pelikula rin.
Sana, soon.
GORGY RULA:
Nanguna ang bagong bukas na The Equalizer 3 sa takilya ng North America nitong nakaraang Labor Day Weekend, Setyembre 1-4.
Ayon pa rin sa Box Office Mojo, naka-$42.8M mula Biyernes hanggang Lunes ang vigilante action film ni Denzel Washington.
Final installment iyon ng The Equalizer trilogy, na positibo ang karamihan ng reviews.
Sa susunod na Miyerkules, Setyembre 13, pa nakatakdang ipalabas sa mga sinehan natin ang The Equalizer 3, kasabay ang A Haunting in Venice, Strays, Immersion, Crayon Shin-Chan, at Mount Chiak.
At any rate, on its seventh weekend sa US ay pangalawa ang Barbie with $13.4M. Pangatlo ang Blue Beetle with $9.4M. Pang-apat ang Gran Turismo with $8.8M, at panlima ang Oppenheimer with $7.7M.
Sa mga horror movie na ipinalabas ngayong 2023, pinakamalaki so far ang worldwide gross ng Insidious: The Red Door — $188M.
Iyong Scream VI ay $169M, ang Evil Dead Rise ay $147M, ang Haunted Mansion ay $101M, at ang The Pope’s Exorcist ay $77M.
Ilang araw nang number 1 sa Top 10 Movies in the Philippines Today ng Netflix ang The Pope’s Exorcist, kung saan bida si Russell Crowe.
Iyon nga palang Blue Beetle ay $105M na ang worldwide gross.
