GORGY RULA:
Magiging maingat na ngayon ang representative ng ACT-CIS Partylist na si Cong. Erwin Tulfo sa mga pagbitaw niya ng mga pahayag sa kanyang programang Punto Asintado Reload na mapapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes ng 10:00 am sa PTV 4.
Ngayong nasa Kongreso na siya ay napag-usapan na raw nila ni Speaker Martin Romualdez na iwasan na niya ang pagmumura.
"May nag-trending kasi na nangmumura ako na may PI pa. We have to avoid that. I was also informed by the house leadership na, 'Mr. Tulfo kasi e Congressman, e nasa Congress ka na, and you're a lawmaker na, mga tao binabantayan ka. So, you have to watch your language.’
"E, sinabi ko naman kay Speaker [Martin Romualdez], ‘Sige, Mr. Speaker,’ sabi ko, ‘I will be tamer.’ Pero hindi naman niya sinabi na huwag ka nang bumanat.
“Yun nga lang, avoid lang yung mga mura and yung mga hindi magagandang salita. Pero marami namang paraan na puwede ka namang bumanat, pero wala nga lang mura," pahayag ni Cong. Erwin Tulfo sa nakaraang mediacon ng PTV 4 noong Setyembre 8, Biyernes, sa PTV Broadcast Complex, Quezon City.
Kasama ni Cong. Tulfo dito sa programa niyang Punto Asintado Reload ang veteran broadcaster na si Aljo Bendijo.
Nilinaw rin niyang wala siyang suweldo dito sa programa dahil nasa gobyerno siya.
“Wala naman compensation na natatanggap dito. I am not allowed. Kahit nga sa billboard namin, I have to donate that, mga billboard na yan. I have to donate yan, kasi mako-COA tayo.
“So wala. Yung magiging parang voluntary, tapos ang magiging exposure yung habol ko rito, but at the same time public service sa mga tao," saad ni Cong. Erwin Tulfo.
JERRY OLEA:
Sabi pa ni Cong. Tulfo, lahat na nasa gobyerno ay puwede niyang banatan, kapag may nagawa itong hindi tama.
Pero siyempre, hindi niya puwedeng banatan ang ating Pangulong Bongbong Marcos, dahil nasa government station siya nagpoprograma.
"Kahit hindi pa ako sa Congress e hindi ko puwedeng banatan, because number one, magkaalyado kaming magkaibigan.
"I will let others do that, bilang respeto na rin. At saka kahit nung nasa kuwan pa lang ako as journalist, nung nasa PTV, hindi talaga pupuwede bilang respeto na rin.
"Ibig sabihin parang bahay niya ito e, tapos babanatan mo siya rito? Pero other than that, siguro... pati Vice President pati yung mga apat na matataas na opisyal. Pero other than that, puwede na, 'it's a free game', ikanga.
"Kahit sino, kapwa mo Senador, Congressman pag nagkamali, you have to call their attention. Siguro in a nice way, hindi na kagaya dati na nagmumura tayo.
“Ito talaga subtle, call their attention, and ask straight up sa question and answer, yun siguro."
NOEL FERRER:
Pati si Cong. Erwin Tulfo ay napagtanungan din sa napapabalitang pagkakaroon ng Wowowin ni Willie Revillame sa PTV 4, na isa-simulcast sa IBC 13.
Napapag-usapan na ito at sa pagkakaalam niya ay tuloy na si Willie Revillame sa naturang istasyon.
"Pinag-usapan yan, pinagplano. I know about this yung kay Pareng Willie. Pinag-usapan yan, nag-meet yan sa PCOO, tiningnan nila kung puwede ba. E, nakita naman nila na may public service siya, e. Tumutulong siya.
"Actually, it's approved. Signing na lang. May konting adjustments na lang ang ginagawa, at saka yung timing kung kailan siya papasok. Pero sa mga bossing sa taas okay na e," pahayag ni Cong. Tulfo.
Bago matapos ang taong ito ay mapapanood na raw si Willie sa PTV 4 at IBC 13.
"Definitely. Even before Christmas," siguradong sagot ni Cong. Erwin Tulfo
Sana nga, makatulong ito sa mga tao.
