GORGY RULA:
Nakausap ko si Senator Bong Revilla Jr. pagkatapos namin natanggap ang malungkot na balitang pumanaw na ang veteran entertainment journalist na si Ethel Ramos.
Si Manay Ethel ang isa sa pinaka-close kay Senator Bong at sa buong pamilya nito.
Read: Ethel Ramos, veteran entertainment columnist and talent manager, passes away
Kuwento ni Senator Bong, nagkausap sila sa telepono ng kapatid niyang si dating Antipolo Mayor na si Andrea Bautista-Ynares na nasa Europe.
Pagkatapos nilang mag-usap, nagulat daw siya nang biglang may dumapong paru-paro sa kamay niya.
"Siguro mga 20 seconds yun? Papakunan ko sana ng picture, pero bigla nang lumipad.
"Di ba, sabi nila pag may kaluluwa raw sa paru-paro yung sign?" pakli ni Senator Bong.
"Kinilabutan ako. Tingin ko, si Manay Ethel yun, nagparamdam agad, baka nagpaalam na.
"Ang linaw-linaw pa ng mga sinabi niya sa akin nung dumalaw ako, e. Marami pa siyang sinasabi sa akin na ipinagdasal daw niya ako," dagdag niyang kuwento sa amin.
Sabi pa ni Senator Bong, parang isa sa mga nanay niya sa showbiz si Manay Ethel na matagal na tumutulong sa kanya lalo na pag may pinu-promote na pelikula.
Nakakapanghinayang lang daw dahil hindi na umabot si Manay Ethel sa 57th birthday ni Senator Bong sa September 25.
Isasabay na rin ni Senator Bong iyon sa pagdiriwang ng 50th anniversary niya sa showbiz.
Alam kong si Manay Ethel ang isa sa matutuwa sa selebrasyong ito ni Senator Bong.
NOEL FERRER:
Kuwento ng younger sister ni Manay Ethel na si Nel Alejandrino, maluwalhati ang pagpanaw ng kanyang kapatid.
Bago nalagutan ng hininga si Manay Ethel, nandiyan daw silang lahat na magkakapatid pati mga apo at pamangkin na nagdarasal.
Sabi ni Ate Nel, “Nakapag-rosary pa kaming lahat. Tapos kinausap namin siya, pati ang mga kapatid namin, mga pamangkin niya na natulungan niya na nasa abroad, tinawagan namin. Nakapag-message pa sila sa phone.
"Pati si Bong [Revilla], si Andeng [Ynares], tinawagan namin, kinausap din siya.
"Alam mo, si Bong pa ang huling alaala niya.
"Nung dumalaw si Bong, nakapikit lang siya. Tinanong siya ni Bong, 'Kilala mo ba ako. Manay?' ‘Oo, Bong,' sabi niya.
“Hindi niya talaga nakakalimutan si Bong," kuwento ni Nel.
Nagsimula na ngayong Setyembre 11, Lunes, ang burol ni Manay Ethel sa Room 301 ng Nacional Chapels and Crematory sa Araneta Avenue, Quezon City.
Hanggang Miyerkules, September 13, ang burol at iki-cremate siya kinabukasan ng tanghali.
JERRY OLEA:
Facebook post ni Senator Bong, "Tayo po ay nagluluksa sa pagpanaw ng isa sa ating pinakamamahal at pinagkakautangan ng napakalaking utang na loob — Manay Ethel Ramos.
"Napakasakit Manay. Para akong nawalan ulit ng isang ina, dahil isa ka sa tumayong nanay ko sa aking pag-aartista.
"Maraming salamat sa iyong pagmamahal at paggabay mula sa aking pagkabata hanggang sa ngayong iyong pamamaalam.
"We love you Manay Ethel. Pahinga ka na.
"Say hi to Mommy and Daddy for me."
