JERRY OLEA:
Hulyo 21, 2023 dumalaw si Deborah Sun kay Senator Lito Lapid sa set ng FPJ’s Batang Quiapo para makiusap na mapasama siya sa cast ng nasabing serye.
Naging daan iyon upang magkabati sina Deborah at Lorna Tolentino makaraan ang humigit-kumulang tatlumpo’t pitong (37) taon.
Read: Lorna Tolentino and Deborah Sun finally end rift after 37 years
Magdadalawang buwan na mula nang puntahan ni Deborah si Senator Lito, pero hanggang ngayon ay hindi pa natin napapanood ang 64-anyos na aktres sa teleserye ni Coco Martin.
“OK lang na matagal basta darating din,” sabi ni Deborah nang makatsikahan namin sa unang gabi ng lamay ni Manay Ethel Ramos nitong Setyembre 11, 2023, Lunes, sa Nacional Chapels and Crematory, Gregorio Araneta Avenue, Quezon City.
“Wala pang role, e. Sabi nga ni Senator Lito Lapid, ‘Puwedeng magkaroon agad pero isa, dalawang araw.’
“Siyempre kahit papaano, hindi naman ganun kahabaan pero medyo mahaba-habang konti, di ba, kahit papaano. Inaano pa.”
Naiinip ba siya? Masama ba ang loob niya na natatagalan ang paghihintay niya?
Mabilis na umiling si Deborah, “Ay! Hindi! Hindi, hindi. Hindi sasama ang loob ko. At ang backer ko, ang lalakas, e — si Senator Lapid saka si Lorna Tolentino.
“Ha! Ha! Ha! Ang aking best friend! You have to be patient.”
Kasama ni Deborah sa lamay si Azenith Briones, na naging tulay para makausap niya noon si Senator Lito.
Kaibigan ni Deborah si Azenith bago pa siya nag-artista noong 1979.
Nasa first day rin ng lamay ni Manay Ethel sina Senator Bong Revilla, Congresswoman Lani Mercado, Senator Jinggoy Estrada, Senator Robin Padilla, Andeng Bautista Ynares, Ricky Davao, Ogie Diaz, Aga Muhlach, Charlene Gonzalez, Andres Muhlach, at Atasha Muhlach.

Takaw-pansin ang kakisigan ni Andres, na mas matangkad pa sa mga magulang na sina Aga at Charlene. Andaming nagpa-picture with Andres, na magiliw na pinagbigyan ng bagets.
Biniro si Aga na mas inuna pa ng mga taga-media na magpa-picture with Andres kesa sa kanya.
“Mas mabait yan kesa sa akin,” proud na sabi ni Aga.

NOEL FERRER:
Nakilala ni Deborah si Aga noong bata pa ito.
Tinanong pa raw niya ito noon kung circumcised na. Umoo raw noon si Aga.
Kaya maging si Deborah ay gulat na gulat sa tangkad ng anak nina Aga at Charlene na si Andres.
Hindi naman siguro nalalayo — dahil si Charlene naman ay pangmodelo ang tangkad at miyembro pa nga ng basketball team sa UST.
The apple doesn’t fall far from the tree, really!
GORGY RULA:
Hindi matapus-tapos ang pasasalamat ni Deborah kay Ara Mina na limang taon na siyang pinatira nang libre sa isang condo unit nito sa Cubao, Quezon City.
Read: Deborah Sun, pitong taon nang nakatira sa condo unit ni Ara Mina nang libre
E, may sira na sa kisame ng condo unit. Sasagutin daw ni Ara ang pagpapakumpuni! Ititira raw muna sila ni Ara sa hotel habang inaayos ang condo unit.
