JERRY OLEA:
Wagi ang ultra electromagnetic finale ng Voltes V: Legacy noong Setyembre 8, 2023, Biyernes.
Base sa datos ng AGB NUTAM ay naka-13.8% ito, kumpara sa katapat nitong FPJ’s Batang Quiapo na naka-12.3%.
Read: 'Voltes V' finale, panalo sa ratings; BarDa loveteam, may magic pa kaya?
Ang pumalit sa Voltes V: Legacy ay ang special limited series na Maging Sino Ka Man ng tambalang CarMo (Carding + Monique) o BarDa (Barbie Forteza + David Licauco) umpisa Setyembre 11, Lunes.
Trending sa X (dating Twitter) ang #MSKMWorldPremiere.

Ang post sa Facebook ng Kapuso writer na si Suzette Doctolero nitong Martes ng umaga, “Ang sipag ng direction sa Maging Sino Ka Man, ano? Detailed ang shots, dynamic. Alam rin kung paano gamitin ang camera para ilabas ang drama, tension ng eksena at ang chemistry ng Barda. Ganda ng execution ng action scenes. Great story material too. Mapuso. love it! Kudos to the whole team…”
Samantala, nito ring Martes ng umaga ay nag-post ang ABS-CBN News sa X na record-breaking ang concurrent live viewers ng Kapamilya teleseryes nitong Lunes ng gabi sa Kapamilya Online Live sa YouTube.
Nagtala ang FPJ’s Batang Quiapo ng 478,297 concurrent live viewers, samantalang ang Iron Heart ay 451,538 viewers, at ang Senior High ay 152,702.

Sa episode ng FPJ’s Batang Quiapo kagabi, nasilayan ang unang pagkikita nina Tanggol at Bubbles (Ivana Alawi) habang natuloy na rin ang kasal nina Mokang (Lovi Poe) at Ramon (Christopher de Leon).
At base sa datos ng AGB Nutam, ang FPJ’s Batang Quiapo ay naka-15.9% nitong Monday night, samantalang ang Maging Sino Ka Man ay naka-11.4%.
Take note na sakop pa ng Ghost Month ang world premiere ng Maging Sino Ka Man. Hanggang Setyembre 14, Huwebes, pa ang Ghost Month.
NOEL FERRER:
Napanood ko ang pilot ng Maging Sino Ka Man kagabi at, oo, detalyado at mabusisi ang direktor.
Pero parang lightweight pa ang leading man nitong si David Licauco na kita mong may effort naman to look the role pero kailangan pa niyang magpursige talaga to have that stance as a star. Yung kanyang acting leaves much to be desired.
Si Barbie naman, magaling na artista na. I bet grabe ang effort niya para mag-adjust sa kanyang bagong leading man.
Bukod sa pagtatala ng panibagong online live viewership record, hindi nawawala sa trending list ng iba’t ibang social media sites ang tatlong serye ng ABS-CBN dahil sa dekalibreng aktingan ng mga bida.
Ito ang sana’y ma-achieve din ng Maging Sino Ka Man at iba pang panoorin sa GMA-7.
GORGY RULA:
Sa totoo lang, nakaka-pressure kay Coco Martin itong araw-araw na ginagawa niya sa FPJ’s Batang Quiapo. Talagang pinapaganda niya lalo para hindi lubayan ng mga manonood. Kaya malaking challenge ito sa BarDa tandem.
Limited series lang naman itong Maging Sino Ka Man at may pinaghahandaan ang GMA-7 na malaking serye na forte talaga nila.
Samantala, napapanatili naman ng GMA-7 ang pamamayagpag ng afternoon slot nila.
Consistent na mataas ang Abot Kamay Na Pangarap na naka-10.2% nung Lunes.
Ang Magandang Dilag ay 9.2%, at ang The Missing Husband ay 5.6%.
Nung Lunes din nagsimula ang game show ni John Arcilla na Spingo sa TV5. Naka-1.7% ito.
Ang katapat nitong Dapat Alam Mo! ay naka 1.8% sa GTV, pero sa GMA 7 ay naka-6.5% ito.
