JERRY OLEA:
Pila-pila ang moviegoers noong Setyembre 9, 2023, Sabado ng gabi, sa SM Mall of Asia dahil sa The Nun 2.
Nang makahuntahan ko ang katotong Julie B. Gaspar noong Sunday, naibalita niya sa aking dagsa rin ang nanood ng The Nun 2 noong araw na iyon sa SM North EDSA.
Maging ang ilan ko pang kaibigan sa Facebook ay panay-panay ang post na pinanood nila ang bagong supernatural horror movie na tampok ang demonyong madre na si Valak (ginampanan ni Bonnie Aarons).
Kaya hindi na ako nagulat na nag-number one sa takilya ng North America last weekend, September 8-10, ang bagong bukas na The Nun 2.
Ayon sa Box Office Mojo, humamig agad ito ng $32.6M sa box office ng US at Canada.
Pumangalawa ang dating kampeon sa takilya na The Equalizer 3 with $12M.
Pangatlo ang bagong bukas ding My Big Fat Greek Wedding 3 with $10M, at pang-apat ang kao-open din lang na Jawan with $6.1M.
Ayon pa rin sa Box Office Mojo, ang worldwide gross ng The Nun 2 ay umabot na sa $88M. Ang production budget nito ay $38.5M.
Ang update sa worldwide grosses ng pinakamalalakas na pelikula ngayong 2023 — Barbie ($1.4B), The Super Mario Bros. Movie ($1.36B), Oppenheimer ($891M), Guardians of the Galaxy Vol. 3 ($846M), at Fast X ($705M).
Dalawa sa mga sleeper hit this year ay ang Sound of Freedom at Insidious: The Red Door.
Iyong Sound of Freedom na $14.5M ang production budget ay $191M na ang global gross.
Ang Insidious: The Red Door na $16M ang production budget ay naka-$188M na.
Patuloy na gumagapang ang Blue Beetle. Ang production budget nito ay $104M, at ang worldwide gross naman ay $114M na.
Kabilang sa mga pelikulang mag-o-open ngayong Setyembre 13, Miyerkules, sa local cinemas ang A Haunting in Venice, The Equalizer 3, Strays, Immersion, Crayon Shin-Chan, Mount Chiak, Mannequin, at Huling Sayaw nina Bugoy Cariño at Belle Mariano.

Nasa September 20 playdate ang Concrete Utopia, Sound of Freedom, Expend4bles, Rascal Does Not Dream of a Sister Venturing Out, at Video City: Be Kind, Please Rewind nina Ruru Madrid at Yassi Pressman.

Abang-abang tayo sa Setyembre 7 sa The Creator, at A Very Good Girl nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon.
GORGY RULA:
Itong The Nun 2 ay ikasiyam na installment sa The Conjuring Universe.
Ang timeline ng pagkakasunud-sunod ng mga kuwento riyan ay The Nun (1952), Annabelle Creation (1955), The Nun 2 (1956), Annabelle (1967), The Conjuring (1971), Annabelle Comes Home (1972), The Curse of La Llorona (1973), The Conjuring 2 (1972), at The Conjuring: The Devil Made Me Do It (1981).
Iyong The Curse of La Llorona (aka The Curse of the Weeping Woman) ay standalone film.
Ang karakter ni Valak ay tampok sa apat na pelikula — The Nun, Annabelle Creation, The Nun 2, at The Conjuring 2.
SPOILER ALERT: Si Lucia of Syracuse (283-304) aka Saint Lucy or Saint Lucia ay patron saint ng mga bulag.
Descendant ni Saint Lucy ang bidang madre na si Sister Irene (ginampanan ni Taissa Farmiga). Iyon ang dahilan kaya na-harness ni Sister Irene ang power ng relic — iyong mga mata ni Saint Lucy. Kagaya ni Saint Lucy ay hindi natupok ng apoy si Sister Irene.
Dahil sa pagdarasal nina Sister Irene at Sister Debra (Storm Reid), iyong barrels ng alak na nasa dating monasteryo ay naging dugo ni Kristo na lumukob kay Valak at nagpabalik dito sa Impyerno.
May post-credits scene sa pelikula, kung saan ipinakita ang mag-asawang paranormal investigators at demonologists na sina Ed at Lorraine Warren (ginampanan nina Patrick Wilson at Vera Farmiga, respectively).
Magkapatid sa totoong buhay sina Taissa at Vera, kaya dinadalirot online kung ano ba talaga ang koneksiyon ng mga karakter nilang sina Sister Irene at Lorraine.
Abangan natin kung masasagot iyan sa next installment ng franchise, The Conjuring: Last Rites.
NOEL FERRER:
Ay! May audience ang The Nun 2. Ibig sabihin, maglalabas ng pera ang mga tao sa mga pelikulang gusto talaga nilang panoorin.
Marami ang nagsasabi, bakit ang mga concert at K-Pop fan greets, pati na ang theater, dinudumog at pinagkakagastusan ng mga tao. At ang pelikulang Pinoy ay hindi.
Malungkot mang isipin pero ang nakaka-afford sa mga mamahaling tickets na yun ay ang AB market. At ang usual na market ng pelikula na CDE ang siyang nawala o nabawasan.
Kaya nga kung gagastos ang CDE market, sinisigurado nilang sulit yung mapapanood nila sa kanilang ilalabas na hard earned money.
Curious ako, ano kayang pelikulang Pinoy ang gagastusan ng masang Pinoy ulit? Sana, meron at marami silang susuportahan sa darating na Filipino film releases.
