GORGY RULA:
Hanggang ngayon ay ayaw kumpirmahin sa amin ni Glaiza de Castro kung regular host na ba siya sa noontime show na Eat Bulaga!.
Basta nag-e-enjoy lang daw siya sa ginagawa niya sa naturang noontime show ng TAPE na umeere sa GMA-7.
"Thankful ako kasi akala ko, mga isa, dalawang araw. Tapos tinatawagan na ako sa mga susunod na linggo, tapos biglang may kasunod ulit.
"Tapos naging part na ako ng EB Happy Cup, naging EB Happy," pakli ni Glaiza sa nakaraang story conference ng pelikulang Slay Zone, na gagawin niya sa Wide International Film kung saan kasama niya si Pokwang at ididirek ni Louie Ignacio.
Hindi na raw niya iniisip ang bashing at kung anong kanegahan na isyu, dahil ang saya lang daw nila sa kanilang live show araw-araw.
Read: Paolo Contis, sinagot ang batikos na "Fake Bulaga" ang revamped 'Eat Bulaga!'
"So, ang saya kasi sa studio. Kapag nasa live show, iba yung energy. Puwede kang magkamali. Kasi, nasanay po ako na may take 2, may take 3.
"Dito sa live show, okay lang na magkamali ka. Okay lang na mag-buckle ka.
"Tapos ang sarap din kasi araw-araw kang tumatawa. Araw-araw kang may maibibigay yung saya at yung tulong din sa mga nanonood."
"Maaga kang uuwi. May time ka kay lovey dovey," comment naman ni Pokwang, na nag-e-enjoy rin daw sa kanyang araw-araw na ginagawa sa TikToclock, na umeere bago ang Eat Bulaga!.
JERRY OLEA:
Napag-usapan din kina Glaiza at Pokwang ang mainit pa ring isyu ng It's Showtime, na pinatawan ng 12-day suspension ng MTRCB dahil sa ilang violations umano.
Read: MTRCB suspends 'It's Showtime' for 12 days
Sabi ni Glaiza, sa kanila sa Eat Bulaga! ay meron silang pinirmahang agreement na mag-ingat sa mga sinasabi nila kapag naghu-host.
"Nakalagay lang po dun na careful lang dapat sa kung ano man yung sasabihin. Responsibility po namin yun bilang hosts na maging maingat kasi may mga batang nanonood.
"Hindi lang sa TV kundi kahit sa ano po, di ba, may 'Little Miss Philippines'? So, dun pa lang po, ingat na ingat po talaga kami sa mga sasabihin namin," saad ni Glaiza.
"Every time kami isasalang, may reading kami, tapos dini-discuss namin yung, ‘Uy, ingat lang.’ Pati po sa wardrobe po namin, talagang... siguro isa yun sa mga responsibilities namin bilang hosts.
“And yun nga, walang take two dito, hindi mai-edit kung ano man yung pagkakamali. So, talagang very careful kami."
NOEL FERRER:
Ganun din daw si Pokwang, dahil na-experience na niya minsang ipatawag ng MTRCB nung nasa ABS-CBN pa siya.
Meron daw siyang ginawa sa isang segment na nag-Mommy Dionisia siya. May suot daw siyang gloves na may naka-print na Philippine flag.
Hindi raw puwede yun, kaya pinatawag siya at nag-sorry naman daw siya.
"Maingat na ako sa costume na sinusuot ko," pakli ni Pokwang.
"Dun naman sa mga punchlines, mga jokes, talagang maingat. Mahirap na.”
Ayaw na ni Pokwang magbigay ng pahayag tungkol sa isyu ngayon ng It's Showtime.
"Siguro, ibigay na lang po natin yun sa mga responsible sa kung ano man ang mangyari. Kaya naman nila yan," safe na sagot ni Pokwang.
