JERRY OLEA
Thankful si Empoy Marquez sa mga sumuporta sa pelikula nila ni Cristine Reyes na Kidnap for Romance.
“Amen! Kasi sobrang ang daming sumuporta!” bulalas ni Empoy sa presscon ng comedy-drama film na Fruitcake nitong Setyembre 23, 2023, Sabado, sa Kao Manila, World Resorts, Newport Mall, Pasay City.
“Ang actually palabas siya ngayon sa apat na bansa… apat na bansa sa ibang bansa! USA, Singapore, and merong dalawa pa.”
Pupuntahan ba niya ang mga iyon?
“Hindi naman. Yung film lang ang pumunta dun mismo.”
Bakit hindi siya pumunta?
“Ahhh… siguro ano, mag-i-schedule ako. Magta-tricycle ako papunta dun, ganun.”
Kasama si Empoy sa Kapuso series na Black Rider nina Ruru Madrid, Matteo Guidicelli, at Yassi Pressman.
“Ako yung motor… ni Ruru!” pagbibiro ni Empoy nang uriratin kung ano ang role niya sa Black Rider.
“Ahhh isa ako sa best friends niya. Kami nina Janus del Prado, ni Jayson Gainza, ni Rainier Castillo, Shanti Dope, nandiyan din. Maraming nandiyan.”
Seryoso ang role niya sa Black Rider?
“Ano pa ba ang akala ninyo sa pagmumukha ko? Hindi, ano! Halo. Halo siya. Maganda yung istorya.”
Ikinakasa na rin ng NET25 ang taping ng sitcom nila ni Alessandra de Rossi na May 4 Ever bago matapos ang Setyembre.
Co-stars nila rito sina Michelle Vito, TJ Valderama, Anthony Ocampo, Drei Arias, Zach Francisco, at Vangie Labalan.
Guaranteed for one season ang sitcom nila?
“Ahhh… I think ano, hanggang 2034,” hirit ni Empoy.
Nagbida ang Alempoy (Empoy + Alessandra) sa mga pelikulang Kita Kita (2017) at Walang KaParis (2023).
Sa Kapamilya teleseryeng Since I Found You (Abril-Agosto 2018) ay suporta lang ang Alempoy kina Piolo Pascual at Arci Muñoz, pero sa May 4 Ever ay sila ang bida.
“Yes! Siyempre sobrang thankful kami ni Alessandra. Eto ang reunion namin after Walang KaParis. Eto, sitcom naman sa NET25,” saad ni Empoy.
Naniniwala ba siya na may forever?
Napangiti si Empoy, “Uy! Secret! Panoorin niyo yan, maganda yun! Maganda ‘to, maganda ‘to! May forever naman talaga pero siguro, hindi ko pa natatagpuan yung para sa akin talaga.”
Kumusta ang love life niya? “OK naman. OK naman ako.”
GORGY RULA
Smorgasbord movie ang Fruitcake. Co-stars dito ni Empoy sina Joshua Garcia, Enchong Dee, Ria Atayde, Heaven Peralejo, Jane Oineza, Dominic Ochoa, KD Estrada, Queenay Mercado, Alex Diaz, Markus Paterson, Noel Comia Jr., Victor Anastacio, Kat Galang, Macoydubs, Red Ollero, Pocholo Barretto, Kaila Estrada, at Karina Bautista.
May isyu ba kay Empoy kapag hindi lang siya ang bida sa movie?
“Hindi naman po. Masaya nga po pag may mga ganung pagkakataon. Kasi, ahhmm siyempre yung mga nagawa ko before, may mga tambalan, 'tapos may mga sidekick ako, ganun,” sabi ni Empoy.
“Mas maganda yung ganito, fun lang. Saka marami kami na nagko-contribute sa isang proyekto.
“Kasi katulad dati, nagawa ko na rin ang ganitong pagkakataon, sa Bloody Crayons (2017). Si Jane, kasama ko rin dun.
“And then ito namang Fruitcake, parang bagong panlasa sa tao.”
OK lang na parang hindi sa kanya ang atensyon?
“Ahh, mas ayaw ko nga na sa akin ang atensyon. OK lang, OK lang po.”
NOEL FERRER
Fruitcake. Parang tunog regalong pam-Pasko. I wonder bakit tumutodo na ang grupo sa paunang publicity.
Pang-MMFF (Metro Manila Film Festival) ba ito o pang-streaming or regular theatrical release?
Without a Vice Ganda film sa December film festival, parang it makes sense na may mga comedy films na magtatangkang i-submit sa MMFF.
Wait and see tayo riyan dahil hanggang September 29 pa naman ang deadline.
Hintayin natin ang kahihinatnan ng all-star cast na Fruitcake.
