JERRY OLEA
Patuloy ang pag-arangkada ng mga mapangahas na palabas sa Vivamax.
Tuwing Biyernes ay may bagong pelikulang streaming dito, at tuwing Linggo ay may bagong episode ang kung ano mang ongoing series.
Humalimuyak na noong Setyembre 22, Biyernes ang Ligaw na Bulaklak, ang unang pelikula na bida si Chloe Jenna.


Idinirek ito ni Jeffrey Hidalgo, at tampok din dito sina Arron Villaflor, Sheila Snow, Dominic Roco, Sheree Bautista, Van Allen Ong, Raul Morit, Dianne Moldez, Cloe Mendoza, Ken Haron, Marissa Sanchez at Gerald Madrid.
Sa Setyembre 29 magpapakitang-gilas ang BJJ: Woman On Top starring Angela Morena, sa direksyon ni Linnet Zurbano.

Suportado si Angela nina Yuki Sakamoto, Jiad Arroyo, Alexa Ocampo, Jela Cuenca, at Keanna Reeves.
Ang ibig sabihin ng BJJ ay Brazilian Jiu-Jitsu.
Sa Oktubre 6 ay sasagitsit ang psycho-thriller na Langitngit starring Manang Medina, sa direksyon ni Christopher Novabos.
Nag-iinit, naglalagkit, tumitirik ang mga kaganapan sa Langitngit, “sa mundo ng kasalanan at mundo ng laman.”
Nasa cast din nito sina Itan Rosales, Ruby Ruiz, Zia Zamora, Mon Mendoza, Erika Balagtas, Aurora Yumul, Star Orjaliza, at Francis Mata.
Manunuklaw ang neo-noir na Ahasss sa Oktubre 13, kung saan bida muli si Angela Morena, sa direksyon nina Ato Bautista at Tom Redoble. Friday the 13th ito!
Tampok din sa makamandag na erotic thriller sina Gold Aceron, Janelle Tee, Ian Curtis, Jao Mapa, Salome Salvi, at Og Sacred.
Manghaharot sa Oktubre 20 ang Haliparot, tampok ang Vivamax Pantaxa na si Aiko Garcia.
Nasa cast din sina Maui Taylor at Aerol Carmelo. Ang direktor ay si Bobby Bonifacio, Jr.
At sa Oktubre 27, sanib-puwersa sina Angeli Khang at Azi Acosta sa sexy drama na Sila Ay Akin. Idinirek ito ni Mac Alejandre, mula sa panulat ng National Artist na si Ricky Lee.
Nasa cast din ng Sila Ay Akin sina Vince Rillon, Victor Relosa, Cess Garcia, Chad Alviar, Caira Lee, Angie Castrence, Gerald Madrid, Vino Gonzales, VJ Vera, Gboy Pablo, at Roni Bertubin.
Oktubre 8 matitikman ang diumano’y pinakamasarap na serye sa Vivamax, ang Halo-Halo X sa direksyon ni Roman Perez, Jr.

Apat ang kuwento sa anthology na ito, starring Denise Esteban, Micaella Raz, Andrea Garcia, Jela Cuenca, Victor Relosa, Ataska, Aiko Garcia, Apple Dy, Rash Flores, Benz Sangalang, Aerol Carmelo, Yda Manzano, and Audrey Avila.
Ang tagline nito, “Halo-halong pantasya. Halo-halong pagnanasa. Halo-halong tukso. Halo-halong sikreto.”
Samantala, ang AQ Prime na inilunsad noong Agosto 8, 2022 (sakop ng Ghost Month) ay temporarily unavailable umpisa Setyembre 20, 2023.
Sabi-sabi, humigit-kumulang 150 araw ang temporary closure nito. Kaya bandang Pebrero 17, 2024, expectorant cough syrup tayo na operational ito muli.
Sa Setyembre 26, Martes ay mapapanood na sa website ng Goblin Films ang unang handog nito, ang pelikulang The Last Resort starring Paolo Paraiso, Erin Ocampo and Oliver Aquino, sa direksyon ng premyadong si Jay Altarejos.



P129 ang monthly subscription sa Goblin. Dalawang bagong pelikulang Pinoy ang handog nila kada buwan.
Kasado na ang pagpapalabas sa Oktubre ng second movie ng Goblin, na si Jay Altarejos din ang direktor — ang Talpakan nina Long Mejia at Daiana Menezes.
Hopefully, by December ay ready na ang streaming app ng Goblin. Ayon sa executive producer na si Dave Lao, magandang petsa ang Setyembre 26 sa feng shui para mag-umpisa ang Goblin Films.
Sabi pa ni Sir Dave, hindi sila nakikipagkumpetensya sa Vivamax, bagkus ay maghahatid ng alternative na panoorin.
Sa media launch ng Goblin at The Last Resort noong Setyembre 22, Biyernes sa Limbaga 77 restaurant, Sct. Limbaga St., Quezon City, inusisa ko si Direk Jay kung sa pananaw niya ay relevant pa ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ngayong naglipana na ang iba’t ibang streaming platforms online.

Tugon ni Direk Jay, “No. Wala na. Mag-concentrate na lang sila kung saan man. Sa TV, di ba, hanggang dun na lang.
“It’s a different world. I mean, wala. Ahhmm the internet is beyond their power. So… iba na, e.
“Kahit anong bawal nila, lahat naman ng content, meron na, e. So, ano pa ang relevance nila?
“Pero sa akin, ang dapat gawin — amend the law that created MTRCB, which is P.D. 1986. So, yun yung dapat laban natin.
“I-amend ang law. Siguro, i-redefine kung ano ang MTRCB, or kung meron pa siyang saysay sa panahon ngayon.”
GORGY RULA
Sa panahon ngayon, mas mabuti bang mag-online streaming na lang ang mga pelikulang Pilipino kesa ipalabas sa mga sinehan?
“I think so. Nag-iba na talaga yung landscape ng Filipino viewers, e,” pahayag ni Direk Jay.
“At saka dahil din sa hirap ng ekonomiya ngayon, di ba? I mean, sa totoo lang, parang mas madaling mag-subscribe at makapanood ng ilang pelikula sa isang buwan kesa pupunta sa sinehan, P300 tapos isang beses lang. Isa lang ang makakapanood.
“So parang… yun, e. Dun tayo papunta, e. We really have to adapt to the changing times, and technology.”
Ipapalabas sa Goblin ang pelikulang Jino to Mari ni Direk Jay. Yung iba niyang movies na LGBT-themed ay hindi puwede.
Ang target audience ng Goblin ay “those who like women, those who want women, those who love women.”

Kaya ang mga lalaking artista nila ay hanggang puwet lang ang ipapakita.
“Maliwanag naman na pag pumunta ka sa website ng Goblin, you know what you are getting,” sambit ni Direk Jay.
NOEL FERRER
Vivamax versus Goblin naman ngayon pala.
Dahil nawala na ang AQ Prime, ang tanging makakatapat ng Vivamax ngayon ay ang Goblin na pareho yatang sexy women ang gustong kahumalingan.
Sana lang, magaganda ang magiging content ng site/platform na ito -- at mahaba rin ang pisi -- para hindi maging short-lived ang pamamalagi nito.
The more platforms and content, the better. Basta gagalingan, ha, at hindi puchu-puchu lamang. Good luck, Goblin!
