JERRY OLEA
As expected, number 1 sa Top 10 Movies ng Vivamax ngayong Oktubre 15, 2023, Linggo ang pelikulang Ahasss.
Noong Friday the 13th nag-umpisang mag-streaming ang neo-noir kung saan femme fatale si Angela Morena, na nagpalasap ng makamandag na pag-ibig kay Gold Aceron.

Comeback film ba ito ni Janelle Tee na matagal-tagal ding hindi natin napanood sa Vivamax?
Nasa cast din sina Jao Mapa, Ian Curtis at Salome Salvi, sa direksyon ni Ato Bautista.
More often than not, ang nangunguna sa Top 10 Movies ng Vivamax ay yung latest offering.
Pangalawa na lamang ang psycho-thriller na Langitngit nina Manang Medina at Itan Rosales, sa direksyon ni Christopher Novabos. Oktubre 6 ito nag-umpisang mag-streaming, at ito ang dating kampeon sa talaan. Wagas ang akting dito nina Ruby Ruiz at Aurora Yumul. Mata-mata, labi-labi! Nilalamon ang mga kaeksena!
Pangatlo sa talaan ang sports romance nina Angela Morena at Yuki Sakamoto na BJJ: Woman On Top, sa direksyon ni Linnet Zurbano.
Umaatikabo rito ang lampungan nina Alexa Ocampo at Jiad Arroyo, at may shining moments din si Jela Cuenca. Noong Setyembre 29 ito nag-umpisang mag-streaming, at natikman nito ang top position noong isang linggo.
Pang-apat ang matulaing La Querida, kung saan bida sina Angela Morena at Arron Villaflor, sa direksyon ni GB Sampedro. Nasa cast din nito sina Mercedes Cabral, Jay Manalo, Yda Manzano, Irma Adlawan, Rey “PJ” Abellana, Josef Elizalde, at Jiad Arroyo.
Take note na noong Pebrero 10 pa ito nag-streaming bilang Valentine presentation ng Vivamax.
Panlima ang nakakatirik-mata na Tayuan nina Angeli Khang at Chester Grecia, sa direksyon ni Topel Lee. Co-stars nila sina Stephanie Raz, Rash Flores, at PJ Rosario.
Pang-anim ang Home Service nina Hershie de Leon at Mon Mendoza, directed by Ma-an L. Asuncion-Dagñalan. Ibang-iba ang sensibility at pagkalahad nito sa pelikulang Blue Room, na nagpanalo kay Direk Ma-an bilang best director sa Cinemalaya 2022 filmfest. Extra hot din ang pasiklab dito nina Angelica Cervantes, Vance Larena at Itan Rosales.
Pampito ang Tubero nina Angela Morena at Vince Rillon, sa direksyon ni Topel Lee. Tampok din dito sina JC Tan, Alona Navarro, PJ Rosario at Roi Alonte.
Hindi po ito remake ng 2011 indie film na Anton Tubero na pinagbidahan at iniyakan ni Lance Lopez, idinirek ni Vince Tan, at tinampukan din nina Chito Alcid (RIP), Jeff Carlos, Isadora, Jet Alcantara, Jenaira Chu, at Mygz Molino.
Pangwalo ang Patikim-tikim nina Yen Durano at Aerol Carmelo, sa direction ng multi-awarded na si Jose Javier Reyes na takaw-pansin ang iilang eksena niya. May kakaibang touch ang patikim dito nina Apple Dy at Chloe Jenna.
Pansiyam ang Lagaslas nina Manang Medina at Victor Relosa, sa direksyon ni Christopher Novabos. Nakakalukring ang harutan at breastfeeding nina Massimo Scofield at Sky Alvarez na walang bearing sa kuwento.
Pansampu ang Panibugho nina Angela Morena, Stephanie Raz, Micaella Raz, Kiko Estrada at Benz Sangalang, sa direksyon ni Iar Arondaing.
Oh yes, bida ang "Heavenly Crush" na si Angela Morena sa lima sa Top 10 Movies ng Vivamax — Ahasss, BJJ: Woman On Top, La Querida, Tubero, at Panibugho.
Sa Top 10 Movies ay dalawa ang obra ni Direk Topel Lee, Tayuan at Tubero. Dalawa rin ang kay Direk Christopher Novabos, Langitngit at Lagaslas na parehong Manang Medina-starrer.
NOEL FERRER
Nalaglag na sa Top 10 Movies ang Ligaw na Bulaklak, samantalang noong September 22 lang ito nag-streaming. Hindi ito remake ng Ligaw na Bulaklak (1976) na tinampukan nina Alma Moreno, Vic Silayan, Marissa Delgado, at Yvonne, sa direksyon ng National Artist na si Ishmael Bernal.
Itong Ligaw na Bulaklak ng Vivamax ay mistulang homage sa 1990 psychological thriller na Misery. Pero ibang-iba ang atake ni Chloe Jenna kumpara sa acting ni Kathy Bates, na itinanghal na best actress sa 63rd Academy Awards o Oscars.
Needless to say, ang characterization dito ni Arron Villafor ay ibang-iba sa papel ni James Caan.
Maliban kina Chloe at Arron, nasa bagong Ligaw na Bulaklak sina Jeric Raval, Sheila Snow, Marissa Sanchez, Sheree, Gerald Madrid, at Dominic Roco, sa direksyon ni Jeffrey Hidalgo.
Samantala, number 1 pa rin siyempre ang Halo-Halo X ni Direk Roman Perez Jr. sa listahan ng Top 10 Series ng Vivamax.

Ang Episode 2 nito na “Lucy Dreaming” ay ngayong Linggo, Oktubre 15 nag-start ang streaming. Tampok dito sina Micaella Raz, Andrea Garcia, at Rash Flores.
Ang pangalawa sa Top 10 Series ay ang dating kampeon, ang four-episode anthology na Secret Campus ni Direk Jose Javier Reyes.
Pangatlo ang High (School) on Sex 2 ni Direk GB Sampedro, na sinundan ng Lovely Ladies Dormitory ni Direk Mervyn Brondial, High (School) on Sex ni Direk GB Sampedro, Wag Mong Agawin Ang Akin ni Direk Mac Alejandre, Erotica Manila ni Direk Lawrence Fajardo, Sex Hub ni Direk Bobby Bonifacio Jr., Sssshhh! ni Direk Roman Perez Jr., at Pantaxa Laiya ni Direk Paul Alexei Basinillo.
Sa Top 10 Series, tigdalawa sina Direk Roman Perez Jr. at GB Sampedro.
Magandang pag-aralan ang Vivamax model ng content at distribution na namayani noong pandemic pero nananatiling malakas pa rin ngayon, post-pandemic.
I am sure, may science at lessons in business dito—and even art kaya?
Sana, may mamuno ng pag-uusap!
GORGY RULA
Kilala na ang Vivamax bilang brand. Target audience nito ang kalalakihan, kaya ang mga artistang babae ay panay-panay ang pa-boobey.
Kaugnay sa MOA (memorandum of agreement) ng Vivamax with MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) noong January 2023, nabawasan ang kapangahasan ng mga artista sa Vivamax.
Discouraged ang frontal nudity. Sa shooting pa lang, halos lahat ng sexy stars (babae man o lalaki) ay nakaplaster. Kung may mag-hello man na plaster ay ginagawan ng paraan sa editing.
Pero ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, meron ding direktor sa Vivamax na ayaw pag-plaster-in ang mga artista niya. Meron din namang mga artista na OK lang sa ganoon.
Nagpahinga man sa Vivamax sina Marco Gumabao, Wilbert Ross, Gab Lagman, AJ Raval, at Ayanna Misola, more and more ang kapalit nila.
Ang tinaguriang Vivamax Queens ngayon ay sina Angeli Khang at Azi Acosta, na bida sa Sila Ay Akin ni Direk Mac Alejandre, mula sa panulat ng National Artist na si Ricky Lee.
Abangan natin kung lalo bang mag-aapoy ang Vivamax sa Year of the Dragon na mag-uumpisa sa Pebrero 10, 2024.
By that time, hopefully ay magbabalik na ang AQ Prime na tumiklop umpisa noong Setyembre 20, at meron na sanang sariling app ang Goblin na sa website inilunsad noong Setyembre 26.
