JERRY OLEA
Postponed ang 6th Eddys o Entertainment Editors Choice na gaganapin sana sa Oktubre 22, 2023, Linggo ng gabi, sa EVM Convention Center, Quezon City.
Ito ang inihayag ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ngayong Oktubre 18, Miyerkules ng hapon. Isa ako sa members ng organisasyon.
Read: 6th EDDYS: Kim, Nadine, Janine, Heaven, Max, Rose magtatagisan para sa Best Actress
Ayon sa presidente ng samahan ng mga entertainment editors sa bansa na si Eugene Asis, kinailangang ipagpaliban ang awards night ng Eddys dahil sa ilang hindi inaasahang pangyayari na hindi kontrolado ng organizer at producer.
Dahil dito, minabuting ilipat ng petsa at venue ang Gabi ng Parangal.
Maglalabas ng mga kaukulang detalye ang pamunuan ng SPEEd at ang Airtime Marketing Philippines na pag-aari ni Tessie Celestino-Howard, ang producer ng 6th The EDDYS, sa oras na maisaayos ang lahat.
Lubos na humihingi ng paumanhin ang organizer at producer ng naturang event sa nominees, iba pang involved sa produksyon at sa publikong naghihintay nito taun-taon.
GORGY RULA
Sana, matuloy na ang awarding nila bago mag-Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ma-finalize na nila ang awards night next month para puwede pang mag-promote ang mga artistang may filmfest entry.
Pagtuntong ng December ay magiging abala na ang mga taga-showbiz sa sampung pelikulang kalahok sa filmfest. Kaya huwag na sana silang sumabay pa roon.
Tuloy pa kaya sina Piolo Pascual at Iza Calzado bilang hosts ng 6th Eddys?
Bida si Piolo sa MMFF 2023 official entry na Mallari, at suporta sa isa pang entry na GomBurZa.
Read: MMFF 2023 official entries: Romance, drama, horror, comedy, fantasy, action
Ang walong EDDYS Icon honorees ngayong taon ay sina Aga Muhlach, Richard Gomez, Gabby Concepcion, Niño Muhlach, Snooky Serna, Jaclyn Jose, Barbara Perez, at Nova Villa.
Gagawaran ng Isah V. Red Award sina Piolo Pascual, Herbert Bautista at Coco Martin. Meron ding special awards kina Aster Amoyo, Ed de Leon, sa Viva Films, at sa MavX Productions.
Ang Best Actress nominees ay sina Kim Chiu (Always), Max Eigenmann (12 Weeks), Janine Guttierez (Bakit ‘Di Mo Sabihin), Nadine Lustre (Greed), Heaven Peralejo (Nanahimik ang Gabi), at Rose Van Ginkel (Kitty K-7).
Ang Best Actor nominees ay sina Elijah Canlas (Blue Room), Baron Geisler (Doll House), Noel Trinidad (Family Matters), Ian Veneracion (Nanahimik ang Gabi), at JC de Vera (Bakit ‘Di Mo Sabihin).
Ang Best Supporting Actress nominees ay sina Mylene Dizon (Family Matters), Matet de Leon (An Inconvenient Love), Althea Ruedas (Doll House), Ruby Ruiz (Ginhawa), at Nikki Valdez (Family Matters) sa kategoryang Best Supporting Actress.
Ang Best Supporting Actor nominees ay sina Nonie Buencamino (Family Matters), Mon Confiado (Nanahimik ang Gabi), Soliman Cruz (Blue Room), Sid Lucero (Reroute), at Dido dela Paz (Ginhawa).
NOEL FERRER
Kailangan talagang balikan na natin ang practice ng pagbibigay ng mga parangal.
While this is important sa anumang industriya, sana’y huwag itong maisantabi ng mas pressing issue — in our case, survival ng pelikula.
Salamat sa Eddys sa pagpapatuloy ng parangal. Pero sana kasabay nito, patuloy tayong mag-create ng espasyo para sa critical reviews lagpas sa mga press releases.
Aabangan natin ang kanilang pagpaparangal!
