GORGY RULA
Kasama si Vilma Santos sa halos kabuuan ng It's Your Lucky Day noong Sabado, Oktubre 21, 2023.
Nag-judge si Ate Vi sa singing competition nilang "Stars For All Seasons" kasama sina Christian Bautista, Jamie Rivera, at Katrina Velarde.
Nakakaaliw ang pangangantyaw ni Luis sa kanyang momshie, na for the first time daw ay magdya-judge ng isang singing competition.
Hindi naman siya nakahirit sa buwelta ni Ate Vi na, “Alam mo, anak, uulitin ko, maaaring hindi maganda ang boses ko, pero sa loob ng 15 taon, ito pa rin ang boses na, kahit pa sabihing hindi maganda, kapag kakanta ako... bayad!"
Naka-text namin si Ate Vi nung Sabado ng gabi at ipinaliwanag niya sa amin kung bakit siya naging emotional sa opening ng It's Your Lucky Day, kung saan ay pinuri niya ang kanyang anak at ang lahat ng bumubuo ng programang ito.
Parang naawa ba siya sa kanyang anak na pumayag silang pumalit sandali sa pansamantalang pamamahinga ng It's Showtime?
"Hindi awa... proud of him [Luis] and to all IYLD team!!" kaagad niyang text sa amin.
“Imagine... papalitan niyo lang muna ang isang show for 12 days... pero nakikita mo ang effort nila to make the show effective!!! Puwede ka din tumanggi, di ba? 12 days??
"Pero nagpakita si Lucky at IYLD team ng kababaan ng loob... walang pagmamalaki sa sarili... basta gusto lang kung makakatulong, ituloy ang entertainment at pagbibigay regalo sa tao.... nang hindi nag-iisip nang pakikipaglaban sa ibang show kundi gawin lang ang commitment na 12 days na show... maraming humahanga...meron na ring nang-iintriga!!!
“Pero ang ganyang klase ng attitude sa trabaho at malasakit sa tao ang kaya kong bigyan ng isang sinserong BOW NA GALING SA PUSO!!!
"I'm proud of my son Lucky and IYLD Team!!!" dagdag na text sa amin ng Star For All Seasons.
NOEL FERRER
Maaga pa ay nakapag-promote na rin si Vilma Santos sa It's Your Lucky Day.
Nasa studio ang loyal Vilmanians na may dala-dalang streamer ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023 entry nilang When I Met You In Tokyo.

Ipinagmamalaki ni Ate Vi ang pelikula nila ni Christopher de Leon na hindi naman daw dramang-drama, basta simple lang daw ito na magaan lang ang pakiramdam kapag mapanood na ito sa araw ng Pasko.
"When I Met You In Tokyo [WIMYIT] is a very simple but beautiful love story! Pelikula namin ito ni Boyet... Christopher de Leon na bagay sa edad namin.
"We just want people to feel good... yung message ng movie, love has no boundaries... forgiveness... true love... moving on with love and life! Plus, OFW kami dito ni Boyet.
"Also, we shot the movie in Japan! Sa panahon ngayon na marami nahihirapan... napapag-usapan namin ni Boyet and the WIMYIT team na wag mayadong mabigat sa loob ang dapat muna natin ipanood!! Feel good movie muna tayo pero... mararamdaman na masarap pala ma-in love hahaha!" text ni Ate Vi sa PEP Troika.
Game! Love, love, love talaga this Christmas and every day dapat!
JERRY OLEA
Nakatsikahan natin ang executive producer ng horror thriller na Mallari, si Bryan D. Diamante, noong Huwebes, October 19 sa Kao Manila ng Newport World Resorts, Pasay City.
Ano ang feeling niya na kalaban ng Mallari ang Vilma Santos movie na When I Met You In Tokyo sa 49th Metro Manila Film Festival?

“Actually, hindi po namin siya tinitingnan na kalaban. Kami nga po, nag-uusap. Boss ko po yun, e! Ha-ha-ha!” natawang tugon ni Bryan.
“Boss ko po yun. So kami definitely, we might be working together to promote. Kasi, it’s a different type of experience.
“I mean, parehas kaming nandoon sa MMFF but I think, hindi naman kami magkalaban, alam niyo po. We can even help each other out, di ba?
“Ibang experience ito. We’re very happy na napasama kami pareho sa MMFF.”
Ang walo pang official entries ng MMFF 2023 ay (K)ampon, GomBurZa, Family of Two (Mother and Son Story), Rewind, Penduko, Firefly, Broken Hearts’ Trip, at Becky & Badette.
