JERRY OLEA:
Patola Alert!!! Naglabas ng babala ang MTRCB ngayong Linggo, Oktubre 29, upang mag-ingat ang publiko sa fake news.

Pahayag ng MTRCB, “Pinabulaanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga post sa social media na nagsasabing ipinatawag ng Board ang isang kilalang personalidad na lumabas kamakailan sa isang Television Commercial ng isang Fast-food chain.
“Ang mga paratang na ito ay may masamang hangarin at walang katotohanan.
“Sa panahon ng digital age, mahalaga na tiyakin kung tunay ang mga balita at maging mapanuri sa iba’t ibang sources ng impormasyon bago ito ipamahagi. Ipinapakita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng Media literacy at Kritikal na pag-iisip.
“Patuloy na sumusuporta ang MTRCB sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. at sa Presidential Communications Office (PCO) sa kampanya nito laban sa disinformation at misinformation.
“Naniniwala kami na dapat nang wakasan ang Fake News at hayaan na ang katotohanan ang maghari.”
Hindi pinangalanan kung sino ba ang personalidad na tinutukoy ng MTRCB sa babala, nguni’t nahinuha ng marami na iyon ay ang pangunahing host ng It’s Showtime na si Vice Ganda.
Nag-post sa X (dating Twitter) ang satire account na Anima Cristi Fermin noong Oktubre 27, Biyernes ng gabi, “Just In. Lala at MTRCB ipatatawag ang McDonald’s Philippines at si Vice Ganda dahil umano sa pagkain ng chicken Mcdo gamit ang bibig na tila may hawig sa paraan ng pagkain nito ng Icing sa It’s showtime na nagpapakita na sarap na sarap ang host sa pagkain.”
Ang deskripsyon sa nasabing account sa X, “Hear my chismis, Twitter Kanal Humor, Dogshow, Minsan satire, Minsan totoo. chekka!”
NOEL FERRER:
Napanood ko ang materyal, ok at nakakapukaw ang presence ni Vice Ganda sa naturang commercial.
Welcome addition iyan sa McDonald’s family. Kasi kung si Anne Curtis ay nasa Jollibee, ok na si Vice ang nasa McDonald’s, di ba? Balanse!
Sana, makahanap pa ng magagandang campaign ang mga produkto para bumalik na rin ang mga araw na pagandahan at pabonggahan ng mga commercials, di ba? Iyung hindi pang-digital lang.
Sana, marami pang gagawing ganitong TVC at Tri-media campaign!!!
GORGY RULA:
Lahat, pinapatulan! Sanay naman ang mga tao sa fake news, kaya hindi na dapat pag-aksayahan ng panahong maglabas pa ng statement o press release dahil lang sa isang obvious na fake news.
Ang daming walang magawa kaya may panahon silang pagtripan ang gusto nilang pagtripan.
Pati ang acting ni Anji Salvacion sa Linlang ay pinapansin nila. Kaya tuloy nag-trending din ito sa X, dahil ipinagtanggol naman siya ng mga fans niya.
Magaling kaya umarte itong nanlalait sa acting ng bagitong aktres? Sana, matuto na ang ilang “patola” na magkibit-balikat sa mga ipinu-post sa social media.
