JERRY OLEA:
Nagkasama sina Maila Gumila at Maricel Soriano sa kiddie gag show na Kaluskos Musmos noong late ‘70s sa RPN-9.

Tampok din sa nasabing programa sina Herbert Bautista, Dranreb Belleza, Chichay, Gary Lising, Hero Bautista, Bert “Tawa” Marcelo, Siegfried Garcia, Sharon Manabat at Jayboy Samson.
Idinirek iyon ni Johnny Manahan aka Mr. M, na bale “tatay” nila sa programa.
Memorable din ang pagsasama nina Maila at Maricel sa MMFF 1995 entry na Dahas, sa direksyon ni Chito S. Roño.
Ngayon ay co-stars uli sina Maila at Maricel sa pelikulang In His Mother’s Eyes, na nagtatampok din kina Roderick Paulate, LA Santos, Ruby Ruiz, at Ogie Diaz.
“Childhood friends kami ni Maricel. The same pa rin siya,” sabi ni Maila sa mediacon noong Nobyembre 16, Huwebes ng gabi sa Oriental Palace, T. Morato Ave., Quezon City.
“Nag-iba ba? Hindi. The same. Our relationship is the same. We’ve been good friends since we were kids.
“Our working relationship is the same. We already have a rapport. We already know each other’s working style, acting style.
“So kami yung mga puwedeng magsabi nang diretso sa isa’t isa.”
Nagkakaalaman din ba sila ng personal secrets?
Napangiti si Maila bago sumagot, “Of course.”
Sa AVP (audio-visual presentation) bago ang concert proper ng Dear Heart noong Oktubre 27 sa SM Mall of Asia Arena, nag-reminisce si Maila kaugnay sa mga kaganapan sa 1981 film na unang pinagtambalan nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.
Nasa cast niyon ang magkasintahang sina Maila at Ting Jocson.
“Hindi ko nga nabanggit na because of Dear Heart, inaanak ko si KC [Concepcion], e!” sambit ni Maila.
“E, ang problem kasi, di ba, nasa States din ako? So I wasn’t able to really form a relationship with KC. But she’s my godchild also.”
Aware ba si KC na ninang siya nito?
“Aware naman siya. Kasi nung namatay si Tita Elaine, I was there.”
At any rate, masaya si Maila na meron silang reunion movie ni Maricel. Inaasam ni Maila na mag-reunion muli silang mga naging bahagi ng Kaluskos Musmos.
“Yun ang pangarap ko sana nung una kong balik dito, nung ‘80s, na magkakaroon kami ng major reunion. Hindi natuloy,” lahad ni Maila.
“Marami na ang nawala sa team ng Kaluskos Musmos.”
NOEL FERRER:
Katropa rin ni Maila Gumila si Roderick Paulate noon pa man.

Pagtatapat ni Maila, “Tandem sila ni Maricel, e. Tandem sila. With Dick kasi, parang… alam mo na, katsokaran namin iyan, e.
“So alam mo yon, yung puwede naming biru-biruin, di ba? Kasi, ang cute-cute niya!
“Kilala ko yung girlfriends ni Dick, e.”
Panahon ni Jackie Aquino?
“Yung noon pa.”
Wala raw girlfriend ngayon si Dick. May alam ba siya?
“Naku, minsan, nagsisikreto iyan, e!” bulalas ni Maila. “Pag tapos na, saka lang magkukuwento.
“Pero ano, OK siya. OK siya, OK yung mga girlfriends ni Dick. Mga matatalino, so I’m happy for him.
“I’m happy for him, and I’m happy that he’s back. You should this movie kung gaano kagaling ni Roderick Paulate. Grabe!”
Pero iyang Maila, may misyon kami niyan, kailangang mahanap namin sila ni Ting Jocson para mabuo na ang Dear Heart tandem nila. Ang ganda kung sa repeat ng concert nina Sharon at Gabby ay nandoon din sila kahit sa audience, di ba?
GORGY RULA:
Pinigilan ni Maila na maluha nang tinanong sa kanila ang tungkol sa kanilang ina.
Matagal nang namayapa ang ina nina Roderick at Maricel, pero aminado silang hirap silang mag-move on.
Si Maricel nga ay hinahanap pa rin niya si Mommy Linda na tinatawag niyang Linda Carter.
Si Maila naman, sinabi niyang magwa-one year pa lang na namayapa ang kanyang ina. Kaya nag-a-adjust pa rin siya.
Pagkatapos ng mediacon, sinabi niya sa akin na akala raw niya ay maiiyak na siya. Mabuti at napigilan daw niya.
Kinabukasan kasi ang unang anibersaryo ng pagpanaw ng kanyang mommy.
