JERRY OLEA
Tatlong bagong bukas na pelikula ang topnotchers sa takilya ng North America nitong nakaraang weekend, Nobyembre 17-19, 2023.
Ayon sa Box Office Mojo, nanguna ang prequel na The Hunger Games: The Ballad of Songbirds and Snakes with $44.6M.
Pumangalawa ang Trolls Band Together with $30M, at pangatlo ang Thanksgiving with $10.3M.
Ang dating kampeon na The Marvels ay bumagsak sa pang-apat na puwesto on its second weekend, with $10.1M. Bale $64.9M na ang domestic gross nito, samantalang $161.5M na ang worldwide gross.
Hindi marvelous ang box-office performance ng ika-33 pelikula sa Marvel Cinematic Universe (MCU). Mahigit $220M ang production budget ng superhero film na bida sina Brie Larson, Teyonah Paris, at Iman Vellani.
Sa kasaysayan ng MCU, itong The Marvels ang pinakamaikli ang running time, at ito rin ang pinakamahina ang opening weekend gross. Sabi-sabi, meron nang Marvel fatigue.
Interesting kung ano ang kahihinatnan ng dalawa pang pelikula sa Phase Five ng MCU, ang Deadpool 3 (Hulyo 2024) at Captain America: Brave New World (Pebrero 2025).
Nasa Phase Six naman ng MCU ang mga pelikulang Fantastic Four (May 2025), Thunderbolts (Hulyo 2025), Blade (Nobyembre 2025), Avengers: The Kang Dynasty (Mayo 2026), at Avengers: Secret Wars (Mayo 2027).
At any rate, ang mga pelikulang palabas sa local cinemas umpisa bukas, Nobyembre 22, ay Wish, Thanksgiving, Tokyo MER: Mobile Emergency Room The Movie, Marita, Dancing Queen, Not Friends, at Napoleon.
May dalawang bersiyon ang horror movie na Thanksgiving, R-16 at R-18. Hindi kasi nagpapalabas ng R-18 ang SM cinemas kaya siguro ginawan ito ng R-16 cut.
Nakapuwesto sa November 29 playdate ang The Boy and the Heron, Asian Persuasion, In His Mother’s Eyes, Shake, Rattle & Roll Extreme, Silent Night, at Hopeless.
Sa Disyembre 1, Biyernes, naman ang opening ng concert film na Renaissance: A Film By Beyonce. Abang-abang tayo sa sasapitin ng Renaissance: A Film By Beyonce sa takilya, kumpara sa Taylor Night: The Eras Tour na $246.4M na ang worldwide gross.
Read: 'Taylor Swift: The Eras Tour' concert film, record-breaking sa takilya
Siyempre pa, nananabik tayo sa Aquaman and the Lost Kingdom na mapapanood sa December 20-24.
Pahinga muna ito sa duration ng 49th MMFF mula Disyembre 25 hanggang Enero 7, at balik-sinehan sa Enero 8. Siyempre, tuluy-tuloy ang showing nito ay sa IMAX.
NOEL FERRER
Maganda ang ating naririnig na feedback sa mga QCinema films, at good naman na kahit art house films ay maraming tumatangkilik!!!
Sa mainstream feature films naman, trial and error, hit or miss din iyan! Hindi dahil Hollywood franchise ay sure fire box office hit na.
Kailangan talagang tutukan ang materyal, promo, at kahit sustaining activities pati nga merch para lumabas ang mga tao para manood sa sinehan.
Sana naman, kumita ang mga susunod na mga ipapalabas na local movie — papuntang MMFF. Sana, Lord, please!!!
GORGY RULA
Ang naririnig kong komento sa mga nakapanood ng The Hunger Games prequel, napakabayolente raw.
May isang nanay akong nakausap na nababahala raw siya nang sinamahan niya ang kanyang binatilyong anak na manood ng naturang pelikula. Nag-e-enjoy raw ang mga bata sa ganun kabayolenteng pelikula.
PG ang MTRCB rating para sa The Hunger Games: The Ballad of Songbirds and Snakes.
Meron pa nga raw narinig ang nasabing nanay na iyong isang pelikula ay hindi nakapasok sa MMFF dahil sobra rin daw sa pagkabayolente at napakadugo raw ng mga eksena. Ito kaya yung binigyan ng R-16 na rating ng MTRCB?
JERRY OLEA
Ongoing ang 11th QCinema International Film Festival. Nag-umpisa ito noong Nobyembre 17, Biyernes, at magtatapos sa Nobyembre 26, Linggo.
Ang venues ng QCinema ay Gateway, Robinson’s Magnolia, UP Town Center, at Power Plant Mall.
Ang programa ng 11th QCinema ay binuksan sa pangunguna nina Congressman Arjo Atayde, Mayor Joy Belmonte, Quezon City Film Commission Executive Director Liza Diño-Seguerra, at QCinema Artistic Director Ed Lejano.
Sa Nobyembre 24, Biyernes, ang premiere night ng Shake, Rattle & Roll Extreme sa Megamall. For sure, star-studded ito.
Nakatakda ang 26th French Film Festival mula Nobyembre 25, Sabado, hanggang Disyembre 3, Linggo, sa SM Megamall at SM Mall of Asia. Ang regular tiket ay P150, at ang discounted ticket ay P100.
Samantala, ang 6th Eddys Awards ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ay gaganapin sa Nobyembre 26, Linggo ng 6:00 p.m. sa Aliw Theater, CCP Complex, Pasay City.
Iho-host ito nina Piolo Pascual at Iza Calzado. Kabilang sa performers sina Pops Fernandez, Erik Santos at Darren Espanto.
Ang 46th Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) ay nakatakda naman sa Nobyembre 30, Huwebes ng 5:00 p.m., sa UP Film Institute, UP Diliman, Quezon City.
