JERRY OLEA
Ninong Ry meets Ninong Cry (Michael V aka Bitoy)! Mamayang 6:30 pm na iyan sa GMA-7, sa part 2 ng 28th anniversary special ng Bubble Gang billed as "BBLGANG Bente O-Chew."
Eksklusibong nakausap ng PEP Troika si Ninong Ry sa premiere night ng pelikulang Shake, Rattle & Roll Extreme (SRRE) nitong Nobyembre 24, 2023, Biyernes sa SM Megamall, Mandaluyong City.
“Sobrang nakakatuwa!” bulalas ni Ninong Ry. “Nakakatuwa kasi nung ano, nung… kasi before that, nag-uusap na kami sa Instagram. ‘Idol kita,’ ganyan, mga ganunan lang.
“Idol ko siya. Idol ko siya siyempre, oo!”
Sino ang nag-reach out kanino?
“Ahhh nag-ano siya, in-add niya ako sa IG story nung unang labas nung Ninong Ry,” pagsisiwalat ni Ninong Ry.
“'Tapos mula noon, medyo nag-uusap-usap. Konti-konti lang naman. 'Tapos nung nakita ko siya, nag-meet kami, sobrang warm.
“Sobrang bait! Nakakatuwa! Akala mo magkakilala na kami nang matagal, alam mo yun.
“Nakakatuwa talaga! Ibang klase!”
Ano ang feeling niya na in-spoof siya ni Michael V sa karakter na Ninong Cry?
“Alam mo, bata pa lang talaga ako, nakikinig na ako ng ano… alam mo, nauso dati, MTB, Music Tagalog Bersyon,” lahad ni Ninong Ry.
“Dun, idol ko siya nun. Idol na idol ko siya talaga dun! 'Tapos hindi ko ma-imagine na magkakaroon kami ng ganitong klaseng collaboration, alam mo yun?
“Sobrang hindi ko alam, e! Hindi ko maipaliwanag yun! Nao-overwhelm talaga ang utak ko kaiisip!
“Siguro ano lang talaga, masaya lang talaga ako. Kasi isa ito sa mga bagay na parang hindi ko naman talaga maiisip na mangyayari sa akin. And nangyari siya.”
Comedian na ba talaga siya? Legit na komedyante! Gag show itong Bubble Gang, e!
“Ha-ha-ha-ha! Siguro nga. Sana, sana, sana. Sana. Gusto ko yan. Actually, gusto ko yan!” sambit ni Ninong Ry.
Totoo ang sabi ng Regal producer na si Roselle Monteverde na agaw-eksena si Ninong Ry sa “Mukbang” episode ng Shake, Rattle & Roll Extreme. May advance screening ang nasabing horror trilogy mamayang 4:00 pm sa Market Market, BGC, Taguig City.
Ang regular showing nito ay mag-uumpisa sa Miyerkules, Nobyembre 29 sa mga sinehan nationwide.

NOEL FERRER
Kumusta ang experience ng guesting niya sa Bubble Gang? Inalagaan ba siya ng staff?
“Basic lang, nandun lang naman kami sa dressing room habang inaantay namin silang mag-ano, mag-set-up, ganyan,” sabi ni Ninong Ry.
“'Tapos… actually, eto, ha... Ewan ko kung tama bang sabihin ito, pero one take lang yun. One take lang yun!
“Pagkadating namin sa floor, usap-usap konti. 'Tapos kuwentuhan, ganyan. 'Tapos nung sinabing mag-roll na, roll na. One take lang! Wala nang ulit!
“Sabi dapat papaulit pero pagka-review, ‘Hindi, OK na yan. OK na yan!’ Ang ganda, ang ganda!”

GORGY RULA
Feeling ba ni Ninong Ry, ang galing-galing na niya talaga?
“Actually hindi. Feeling ko kasi, hindi ko alam, ha… pero feeling ko, isa rin sa nakakapag-ano diyan is yung kabatuhan mo, oo.
“Hindi naman ako bilang ano, nailabas siguro nito yung ano, ewan ko, kapasidad kong magpatawa.
“Hindi naman ako nakakatawa talaga. Sakto lang, e. Pero dahil nandiyan siya, parang mas naging nakakatawa lang,” seryosong saad ni Ninong Ry.
May influencer na nagdeklarang laos na si Michael V.
“Alam naman nating hindi totoo yun. Alam naman talaga natin na hindi totoo,” paninindigan ni Ninong Ry.
“Michael V, hanggang ngayon, relevant talaga. At hindi lang ngayon, matagal na matagal pa!!!”
