JERRY OLEA
Mahigit limang dekada nang artista sina Lito Lapid at Lorna Tolentino, pero first time nilang magtambal sa teleseryeng FPJ’s Batang Quiapo. At may kissing scene sila, ha?!
Read: Senator Lito Lapid, pinag-iisipan na ang pagreretiro sa pulitika
“Yung kissing scene ng senior citizens na? Ha! Ha! Ha! Ha!” pagtawa ni Senator Lito sa Christmas party nitong Nobyembre 28, 2023, Martes ng tanghali, sa Max’s restaurant, Sct. Tuason St., Quezon City.
“OK lang. Kasi ipinaalam naman sa akin ni Coco [Martin] na magkakaroon kami ng kissing scene ni Lorna.
“Alam niyo naman ang karakter ni Lorna, simpleng-simple saka walang mga tsismis, kahit ano. Malinis ang pangalan niya.
“Saka single naman siya, di ba? Saka walang problema.
"E, sabi ni Coco, may kiliti iyan. ‘At least yung mga sing-edad nyo, may love story pa raw,’ sabi niya.
“E, buti naman at kinagat naman. Kaya ang tawag sa amin ngayon, PriManda. Kasi Primo at Amanda.”
Kumusta si Lorna bilang leading lady?
“OK naman, OK naman. Andidiyan si Lea [Calmerin], ang boss ko… ang tawag sa kanya, Mrs. Lapid.”
Ang katambal ni Christopher de Leon sa FPJ’s Batang Quiapo ay si Lovi Poe, na mas batang hindi hamak. Hindi ba gusto ni Senator Lito na mas bata rin sana ang leading lady niya?
“Depende siguro sa istorya yan. Kasi, kamukha namin ni Lorna, nagsimula yung pag-iibigan namin ni Amanda, bata pa kami,” pagmamatuwid ng 68-anyos na actor-politician.
“Yung kay Lovi naman, ang istorya nila… si Tanggol at saka si Christopher, mag-ama, para pag-agawan ang isang babae. Dun ang interes ng istorya.
“Depende sa istorya siguro. Gusto ko rin yan… bata, e!” pagbibiro pa ni Senator Lito.
GORGY RULA
“Apat Na Sikat” ang tawag sa binubuong movie project na tatampukan nina Senator Lito Lapid, Senator Robin Padilla, Senator Bong Revilla, at Senator Jinggoy Estrada plus Coco Martin.
Sina Senator Bong at Senator Jinggoy raw ang co-producers dito.
Read: Sidelights sa birthday/anniversary party ni Senator Bong Revilla
Pahayag ni Senator Lito, “Tinanong na namin yan, binubuo namin. Hinihintay na lang namin yung availability ni Coco…
“Gumagawa kami ng istorya, sina Robin, Bong, at Jinggoy at saka si Coco para buuin ang istorya. Kasi, hindi dapat basta-basta ang istorya nito, e.”
Inaasam nila na mailahok ito sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre 2024.
Dagdag ni Senator Lito, “Tapos wala tayong bayad lahat. Kaming lahat, sabi ko, huwag magpapabayad.
“Ido-donate namin yung kita niyan sa movie industry, para ipagpatayo ng building sa Mowelfund.
“Iba yung floor ng direktor, iba ang floor ng mga press, iba sa assistant director, iba ang artista, iba ang stuntman, para dun na lang.
“One-stop shop na lang. At least, may upisina tayo lahat.”
Sakaling matuloy ang project ng Apat Na Sikat, sino ang napipisil niyang leading lady?
“Si Coco na siguro ang magka-casting nun!” sambit pa ni Senator Lito.
NOEL FERRER
Sana, matuloy itong proyektong ito na pagsasamahan ng mga haligi ng industriya para tulungan din ang ating local showbiz.
Sana, bukod sa nakakaaliw, gandahan din nila para may kapupulutang value ang mga taong manonood nito kung mapasama man ito sa 50th edition ng MMFF.
Para sa sining. Para sa industriya. Para sa bayan.
