JERRY OLEA
Magtatagal pa ang Kapuso afternoon drama series nina Jillian Ward at Carmina Villaroel na Abot-Kamay Na Pangarap. Hanggang next year?
“Ano yan, puwedeng hindi matapos,” natatawang sambit ni Atty. Annette Gozon-Valdes nang makatsikahan namin nitong Nobyembre 30, 2023, Huwebes ng tanghali, sa Oriental Palace, Morato Avenue, Quezon City.
Si Atty. Annette ang GMA senior vice president for programming, talent management, worldwide, and support group.
“Kasi ang lakas niya, e! Ang lakas niya and yung format niya, puwede talagang magdagdag nang magdagdag.”
Kinakabog pa nga ng Abot-Kamay Ang Pangarap ang Kapuso primetime shows.
Dagdag ni Atty. Annette, “Saka ang maganda sa Abot-Kamay, puwedeng magpasok ng mga artista para lahat may mga trabaho.”
Natutuwa si Atty. Annette na patok ang tandem nina Jillian at Ken Chan. Wagi rin ang pagkakontrabida nina Moira (Pinky Amador) at Zoey (Kazel Kinouchi).
Tampok din sa afternoon drama series sina Richard Yap, Dominic Ochoa, Allen Dizon, Dina Bonnevie, Leo Martinez, Wilma Doesnt, Chuckie Dreyfus, Ariel Villasanta, Dexter Doria, at marami pang iba.
Sabi pa ni Atty. Annette, “Ang maganda dun, ang dami nilang pino-post. So nakikita, magkakaibigan silang lahat! Naglalaru-laro sila sa set.
“Pero pag take na… yun na.”
Sigurado nang extended hanggang Marso 2024 ang Abot-Kamay Na Pangarap, at ipapa-extend muli.
Kung si Ken ay nasa Abot-Kamay Na Pangarap, at si Yassi Pressman ay nasa Black Rider… malabo na talaga for next year ang TV adaptation ng Saan Nagtatago Ang Pag-ibig? na pagbibidahan sana nina Ken, Yassi, at Marco Gumabao.
“Prime time dapat yun, e,” pakli pa ni Atty. Annette.
NOEL FERRER
Batid siyempre ni Atty. Annette na malakas din ang hatak ng Magandang Dilag ni Herlene Budol aka Hipon Girl.
“Kaya lang ano, hindi namin ma-extend. Kasi yung schedule dati ni Herlene… dapat kasi, di ba, may laban siya?” saad ni Atty. Annette.
“Pero natuloy. So, parang hindi umokey sa schedule kaya sayang, hindi namin na-extend.”
Better na rin na move on na from Hipon Girl ang lahat.
Read: 'Magandang Dilag,' extended; 'Abot Kamay Na Pangarap,' hanggang January 2024 pa?
GORGY RULA
Magkakaroon ba ng second season ang Battle of the Judges? If ever, isa pa rin ba sa mga hurado si Ma’am Annette?
Napabuntong-hininga si Ma’am Annette, “One time, 6:00 a.m. na kami natapos. Antagal kasing mag-set up.”
Kung magkaka-season 2 man ang Battle of the Judges, baka sa 2025 pa.
“Next year, wala. Kasi, puno na, e. Andami na naming naka-line up, yung mga The Voice, mga ganun,” sambit ni Ma’am Annette.
“Yung mga franchise na nabili namin. So, puno na lahat.”
Kasado na ang Kapuso programming for 2024, kaya para sa 2025 na ang susunod nilang paplanuhin.
Iyong telefantasyang Sireno ay mukhang malabo pa rin.
