GORGY RULA:
Ang lakas ng dating, may gulat at hilakbot factor ang trailer ng MMFF 2023 official entry na Mallari ng Mentorque Productions.
Nakikita namang maganda ang kalidad ng pelikula, kaya kinuha ito ng Warner Bros. Pictures para i-distribute.
Napanood ng entertainment media na dumalo sa media conference ang trailer na ginanap sa Cinema 5 ng SM MOA nung Biyernes, December 1.
Ito na rin bale ang kick off ng promotion ng pelikulang ito, kaya may FanCon din sila sa Activity Center pagkatapos ng Mediacon.
Parang holiday sa SM MOA nung Biyernes dahil maaga pa lang ay marami nang tao sa activity center, pero nagkaroon muna ng media conference na dinaluhan ng cast ng pelikula na sina Piolo, Janella Salvador, Gloria Diaz, JC Santos, Ron Angeles, kasama sina Direk Derick Cabrido, ang nagsulat nito na si Enrico Santos, at ang producer na si John Bryan Diamante.

Napailing si Piolo kapag pinag-usapan kung paano niya naitawid ang pelikulang ito kung saan tatlong karakter ang ginampanan niya sa tatlong henerasyon — si Fr. Severino Mallari, si John Rey, at si Jonathan.
Muntik na nga raw niyang tanggihan ang pelikulang ito dahil base sa nabasa niya sa script, kailangan talaga ng malaking produksyon.
Kaya deretsahan niyang tinanong ang producer kung gaano kalaki ang production value nito.
Sabi pa ni Piolo, “It was hard because three roles, e. So, I just... parang as an actor, that's the challenge, not knowing what to expect.
“By just saying yes, I guess for me, I was up for the challenge and I just wanted to do something different. And when this came about, I guess it just fell into place, and the big production value alone was big consideration. It’s very ambitious but they lived up to the expectations and everything. So, I’m just really happy about that.
"With this film, with the backing of Warner Bros., I hope we will be able to not just be a top-grosser but to be shown not just here but internationally. Para naman ma-notice yung Philippine cinema, and horror genre for that matter, because malakas yung horror dito sa Pilipinas.
"It was really hard but what made it easy was the vision of my director. Direk Derick knew what he wanted and he knew his vision. He had a vision, in his film, his story.
“Ang pagkakasulat ni Sir Enrico, napakalinaw. Though it went through several drafts, and biggest blessing for me was having an acting coach, Tita Angie Castrence."
NOEL FERRER:
Sabi ng writer ng Mallari na si Enrico Santos, bilang nasa Star Cinema siya noon na kung sana nakagawa sila ng mga magagandang horror films na isinali sa MMFF, kamado na nila ang gusto ng mga manonood sa MMFF.

"Alam na alam po namin na ang pinakagusto ng mga Pilipino, kapag Pasko, kapag kinaladkad mo ang pamilya o ang barkada mo ay magkasigawan. Parang roller-coaster, parang theme park po.
“Tapos po sa ikalawang araw naman, pag kasama na nanay mo. Pero pag lakad ng barkada, sigawan muna. So, we made sure na ang Mallari po ay punung-puno ng gulatan.
"We made sure po na may pag-uusapan din paglabas dahil gusto rin po na kung nagustuhan mo ba yun? Bakit ganun ang nangyari, hindi ko naintindihan... pero isipin mo, huwag kang tulala.
"Di ba po a lot of coversations, and then i-online post pa nila.
"Most importantly, we also made sure na may puso po yung kuwento, dahil at the end of the day po malalaman ninyo na ang theme po pala ng Mallari ay isang love story.
"Yes! Love po ni Fr. Mallari sa kanyang ina, love po ni John Rey sa kanyang asawa, at love po ni Jonathan yung ikatlong role sa kay Janella po, bilang girlfriend.
"So, you don't really leave it na parang roller-coaster na pag lumabas ka, wala kang nararamdaman. Ang pinakamalaking bentahe po ay meron kang dinadala sa puso mo na love."
JERRY OLEA:
Malaking bagay na talagang ginastusan ang produksyon at nag-lock in si Piolo sa shooting para makapag-concentrate sa tatlong character na ginagampanan niya.
Pahayag ni Piolo, “There were other days that I was doing three characters. So, you have to be specific, and you have to know the journey of each character.
"For me as an actor, nalatag siya nang maayos. I mean, the story and everytime I would read it from start to finish, lalong lumilinaw yung journey ng bawat character.
“So for me, malinaw yung pagkakaiba ng tatlong characters, but it was really hard. And masaya lang, because ang laking production.”
Para kina Enrico Santos at Direk Derick Cabrido, ang pelikulang Feng Shui (2004) ni Direk Chito Rono ang gusto sana nilang mapantayan man lang pagdating sa intense ng pagka-horror nito.
Pag-asam ni Enrico, “Sana nga mapantayan lang. But I would love to say na I hope the legendary Feng Shui, makahabol man lang kami. Dahil wala naman pong tatalo dun, iconic na iconic yun.
"Makalapit lang kami dun, honored na honored na kami.”
Nahihiya naman si Direk Derick na ipantay ang pelikulang Mallari sa Feng Shui.

Saad ni Direk Derick, “Kung mapantayan o malagpasan... well, hinihiling namin na sana, tumatak yung Mallari.
"Kung mapantayan siya o malagpasan siya, only history can tell. Hindi ko po masabi. It really depends. Only time can tell. Pero ano po... hopefully, sana po."
