GORGY RULA:
Magsasama-sama ngayong Huwebes, December 14, 2023, ang mga stars ng sampung pelikulang kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival sa inauguration ng 5th floor ng MMFF Auditorium sa bagong MMDA Office sa Pasig City.
Read: MMFF 2023 Top 10 official entries: Pinaghalu-halong romance, drama, horror, comedy, fantasy, action
Puspusan na ang pagpo-promote ng mga pelikulang kalahok, at umaasa ang lahat na maganda ang kalalabasan nito sa takilya. Ramdam na ang pagbabalik-normal kaya ang tindi na ng traffic araw-araw, at laging puno ng tao sa mga malls.
Pero nandiyan pa rin ang pangamba sa mga producers at mga artistang kalahok dahil sa mahina pa rin talaga ang mga pelikulang ipinalabas. Mabuti at na-achieve ng Five Break-ups and A Romance ang P100M na tinatarget nila sa takilya.
Masaya rin ang Regal Films dahil ayon sa inilabas nilang press release, as of December 11 daw ay naka-P38.6M ang Shake, Rattle & Roll Extreme.
Kaya sana, mas maganda raw ang kalalabasan sa takilya ng sampung pelikulang kalahok sa MMFF 2023.
Pero iisa ang hiling ng karamihang artista. Sana ay bawasan daw ang presyo ng ticket sa mga sinehan, para kakayanin daw ng mga tao ang manood ng higit sa isang pelikula.
Pero hindi matiyak kung mapapagbigyan ang naturang hiling dahil depende rin daw iyun sa mga theater owners.
JERRY OLEA:
Ang magandang balita lang na nasagap ng PEP Troika, hindi raw magtataas ng presyo ng ticket sa mga sinehan.
Nung mga nakaraang taon, tuwing MMFF ay nagtataas ng presyo ng ticket. Pero ngayon ay tiniyak ng mga bookers na hindi sila magtaas ng presyo ng ticket sa sinehan.
Nakausap ni Sen. Bong Revilla si Mr. Dominic Du na isa sa mga bookers, at sinabing ganun pa rin ang presyo ng ticket, hindi magtataas.
Ani Sen. Bong, “Ang good news nga po na nakuha natin, nakausap ko si Mr. Dominic Du, isang magandang balita niya, for sure, hindi magtataas ang bayad sa sine, this Metro Manila Film Festival."
Ang presyo ng ticket ay nagsisimula sa P350, at masyadong mabigat na ito kung magtataas pa. Kaya ganun pa rin daw ang presyo, bukod lang sa mga VIP theaters na maganda ang upuan, at may kasamang snacks.
"Sinabi, nagbaba pa raw ang iba. Maliban lamang sa mga VIP na sinehan na lazyboy ang upuan, may libreng popcorn, iba raw iyun.
"Pero ang importante yung masasabi natin sa mas nakakarami, more than P300. We'll see sa ganung presyo… basta ang importante ay maiayos natin, mabuhay natin muli ang pelikulang Pilipino."
Pero may mga nakikiusap pa rin na sana ay babaan pa. Pag-usapan pa raw ng mga mambabatas na sana magkaroon pa ng pagbaba ng presyo ng ticket.
"Wish natin sa mga theater owners, ganun din sa mga producers na kung puwede sana, this coming Metro Manila Film Festival ay ibaba natin yung bayad sa sine.
"Sa aking palagay, pag makita ng tao na mababa ang bayad sa sinehan. Pupunta yan sa mga sine at manonood," sabi pa ni Sen. Bong Revilla
Read: MMFF 2023 Parade of Stars: Mga naglalakihang artista paparada sa CaMaNaVa
NOEL FERRER:
Nang tanungin ko ang ating mga kaibigan mula sa Sinehan ukol sa bawas-presyo sa admission ticket, ang sabi nila, they kept it at an average of P300 depende sa amenities ng sinehan na papasukin ng mga manonood.
Sana, makaya na ng mga tao ang ganitong admission price. Tapos, nakaka excite dahil bukas malalaman din natin kung sino ang magiging Jury Chair at co-Chair ng ating Holiday edition ng MMFF 2023.
Exciting!
