GORGY RULA:
Mainit pa ring pinag-uusapan ang isyung hiwalayan ng mga kilalang showbiz couples. Kaya tuwing may nakakapanayam kaming mga artistang mag-asawa, natatanong namin kung may pressure din ba sa kanila ang ganitong di magandang balita.
Ayaw sanang magkomento ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera tungkol sa isyung ito, dahil kanya-kanya tayo ng kuwento at hindi rin natin alam kung ano ang mga pinagdaanan ng mga showbiz couples na ito.
Sina Dingdong at Marian ang maituturing na model couple dahil sa masayang pagsasama nilang pamilya.
Pero sabi naman nina Dingdong at Marian, normal lang naman silang mag-asawa, at iyung nakikita sa social media at ilang percent lang daw iyun sa ibang ginagawa nila na hindi alam ng publiko.
Ani Marian, “Actually, parang ayokong mag-comment diyan. Parang wala ako sa posisyon para magsalita o magkomento para sa mga ganyang klase.
"Pero siyempre, every time na nakakarinig tayo ng ganitong pagkakataon sa mag-couple ay nakakalungkot naman talaga.
"So, ang tanging magagawa nating mga nakapaligid at kung kaibigan naman natin sila, ipagdasal natin sila na maging maayos at makayanan nila ang mga pagsubok na ito."
Sabi naman ni Dingdong, “Kasi alam niyo po, yung mga nakikita naman sa media, especially sa amin. Siguro, probably yun ang one percent of kung ano talaga yung nangyayari sa aming buhay. Kasi, hindi naman po talaga lahat nasi-share namin.
"Having said that, hindi naman kami perpektong couple. Pero isa lang ang bagay ang sinisiguro namin, that we always try hard to become better persons each day, not just for ourselves but also for each other and for our family."
Magandang pagsasama ang nakikita sa kanila ng publiko, kaya kinuha silang bagong brand ambassadors ng isang uri ng E-bike na NWOW Philippines.
Ang maganda pa rito, kasama pa ang bunsong anak nilang si Sixto sa endorsement na ito. Pormal silang inilunsad sa Novotel, Cubao, Quezon City nung Lunes, December 11.
Read: Marian Rivera saddened by reported breakups of celebrity couples
NOEL FERRER:
Ang sabi pa ni Marian, ayaw na nilang magpa-pressure sa mga ganung balita. Ang mahalaga ay nagkakaintindihan sila ni Dingdong at nandun ang trust sa isa't isa.
"Ang hirap magpa-pressure sa ibang tao, e. Ang mahalaga, kung paano yung relationship na kayong dalawa. Tulad ng sinabi niya, parang one percent lang yung nakikita nila.
"Pero behind that, marami kaming mga conversations. Marami kaming ginagawa together na parang lahat nun normal lang naman," saad ng aktres.
Ang mga pagbabago sa buhay mag-asawa ang isa sa tinatalakay sa MMFF 2023 entry nilang Rewind, kaya nagpapasalamat sila sa Star Cinema na sa kanila ito ipinagkatiwala. Kahit paano ay naka-relate daw sila sa karakter na ginagampanan nila sa pelikulang iyun.
"Siguro naman, nakaka-relate pero hindi yung saktong-sakto yung mga pangyayari sa buhay.
"Siyempre ako, yung character ko dun bilang nanay, mapagmahal na nanay, mapag-alagang asawa tapos may anak. So, relate na relate talaga, pero siguro in different circumstances na hindi saktong-sakto yung nangyari," sey pa ni Marian.
Read: Marian Rivera, Dingdong Dantes "first and only choice" as lead stars of Star Cinema's Rewind
JERRY OLEA:
Sabi naman ni Dingdong, malaking bagay raw na mag-asawa sila ni Marian kaya nagampanan nila nang maayos ang pelikulang Rewind.
"May times na oo. Kasi siyempre, yung role dun ay isang husband, di ba? Siyempre, kahit papaano, malaking bagay na mag-asawa kami, kasi mas nagampanan namin nang maayos yung roles.
"Kunyari naisip namin, paano kaya kung single tayo? Kaiba yung interpretation sa character. Malaking bagay yun. Plus of course yung tips ni Direk Mae, di ba? Plus yung napakagandang script talaga," saad ng Kapuso Prime Time King.
Todo promote ang mag-asawa ng Rewind, at nagpapasalamat sila sa GMA-7 dahil suportado ng naturang istasyon ang kanilang pelikula, kahit nasa Star Cinema ito.
"Kaya nga nagpapasalamat kami sa network na full support sila sa amin. Personally, I'm hoping na lumabas talaga yung tao para manood.
"Kasi, imagine sampung magagandang pelikula na puwede nilang pagpilian, and that goes to show na ang mga producers natin are very eager and excited to produce these content para sa ating mga manonood," sambit ni Dingdong.
Read: MMFF 2023 stars, magsasama-sama sa inauguration ng MMFF Auditorium sa Pasig City
