JERRY OLEA:
Game na game sina Christopher de Leon at Eugene Domingo sa reenactment ng eksena sa pelikulang Relasyon (1982) na ginamit sa MMFF 2023 official entry na Becky & Badette.
Naganap iyon nitong Disyembre 14, 2023, Huwebes ng hapon sa VIP Room ng New MMDA Bldg. na malapit sa kai-inaugurate na Metro Manila Film Festival Auditorium.
Ito iyong eksena na sumasakit ang ulo ni Christopher at tarantang nagsisisigaw si Vilma Santos ng, “Emil! Emil!”
Sa Becky & Badette ay si Pokwang ang nagsisigaw ng “Emil! Emil!” habang umaakting si Eugene na ala-Christopher.
E, sa blessing ng MMFF Auditorium, present sina Uge at Boyet. Wala si Pokwang sa event dahil may taping ito ng TikToClock, at wala rin doon ang Star for All Seasons.
Kaya chance na iyon ng Vilmanian na si Eugene na umakting ala-Star for All Seasons with the Drama King of Philippine Movies.
Naglupasay at humandusay sa sahig si Christopher habang pumapalahaw si Eugene, “Emil! Emil!”
Ang MMFF 2023 entry ni Christopher ay ang When I Met You In Tokyo kung saan si Vilma ang katambal niya.
Masasabi ba nating local version ng Barbenheimer ang pagtutulungan ng When I Met You In Tokyo at Becky & Badette?
Nabulabog ang mga empleyado ng New MMDA Bldg. sa pagdagsa ng mga bituin sa blessing ng MMFF Auditorium sa Pasig City.
Pinagkaguluhan siyempre ang “anak” nina Ruby Rodriguez at Jimmy Santos na si Pasig City Mayor Vico Sotto.
Maliban kina Eugene at Christopher, nasa event sina Dingdong Dantes ng Rewind; Piolo Pascual ng Mallari, Derek Ramsay ng Kampon; at Alden Richards ng Family Of Two (A Mother and Son Story).
Present din sina Alessandra de Rossi ng Firefly; Enchong Dee at Cedrick Juan ng GomBurZa; Erin Espiritu ng Kampon; Kylie Verzosa at John Arcilla ng Penduko; at ang mga taga-Broken Hearts Trip na sina Jay Gonzaga, Iyah Mina, Marvin Yap, at Christian Bables.
Tapos na ang mediacon nang dumating si Christian. Ang biruan tuloy ay masyado siyang maaga para sa MMFF 2023 Parade of Stars na gaganapin sa Disyembre 16, Sabado ng hapon sa CaMaNaVa area.
Punong-abala siyempre sa event si MMDA Chairman at MMFF 2023 ExeComm Chairman Don Artes.
Read: MMFF 2023 Parade of Stars: Mga naglalakihang artista paparada sa CaMaNaVa
GORGY RULA:
Si Eugene Domingo ang isa sa kuwela nang humarap sa media ang mga artistang dumalo sa naturang inauguration ng MMFF Auditorium.
Pati si Boots Anson Roa-Rodrigo ay pinlaytime din niya na game ding nakipagbiruan ang veteran actress sa kanya.
Maganda dahil lahat naman na mga artistang may pelikula sa ngayong MMFF ay hangad na maganda ang box-office results ng mga pelikulang kalahok.
Sinasabi nilang sana panoorin ang sampung kalahok, pero unahin daw muna ang kani-kanyang entry.
Sandali naming nakatsikahan si Atty. Don Artes at sinabi niya sa aming ang minimum na presyo ng ticket sa sinehan ay PHP300.
May ibang VIP na sinehan na mas mahal, pero karamihan naman daw ay ganun talaga ang presyo na sana, kayanin ng mga manonood.
"Napag-usapan po namin yan sa CEAP nung nakaraan, ang sinabi naman po nila, depende po kasi sa lugar at depende sa sinehan yung presyo ng ticket.
"Pero nag-a-average daw po sila ngayon ng P300 per movie. Except dun sa high end na theaters na kung saan ay puwedeng humiga, yung mga upuan ay lazyboy, doon po medyo mataas nasa P400 plus," saad ni Atty. Artes.
Ang tinukoy na CEAP ay ang Cinema Exhibitors Association of The Philippines, ang grupo na binubuo ng theater owners sa bansa.
Hindi lang masabi ni Atty. Artes sa ngayon kung tuluy-tuloy ba ang ganitong presyo ng ticket sa susunod na taon o magawa pa bang babaan.
"Sana po. Kaya nga po humihiling kami sa ating mga kababayan na suportahan ang sampung magagandang pelikula ng Metro Manila Film Festival.
"Hopefully, ito na po yung start nang pagsigla muli ng pelikulang Pilipino," dagdag niyang pahayag.
Nasa desisyon na raw ng mga theater owners kung mapapababa pa ang presyo ng ticket ng mga sinehan.
Read: MMFF 2023 Top 10 official entries: Pinaghalu-halong romance, drama, horror, comedy, fantasy, action
NOEL FERRER:
May kinatawan ang bawat film fest entry sa inauguration ng MMFF Auditorium.
Ini-announce na rin sa event na ang Gabi ng Parangal ay gaganapin pa rin sa Disyembre 27 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
Ang jury ay pangungunahan ng multi-awarded director na si Chito S. Roño, at ng multiawarded actress na si Lorna Tolentino.
